Ni Eva Callueng
Hindi ba kayo naiinis sa mga magulang ng mga batang nakakalat sa kalye? Ako pag may lumalapit para manghingi ng pera, ang una kong tanong ay nasan ang nanay at tatay niya. Pag nasa paligid lang saka ko lalapitan para titigan. Hindi naman ako palaaway pero gusto ko lang alamin kung inuutusan ba nila ang mga anak nilang mamalimos na tila namumuwersang pagbigyan sila o itong mga bata na ito ay napipilitan dahil kumakalam ang kanilang sikmura. Kung anuman ang dahilan, hindi ako nagbibigay ng pera. Naniniwala kasi ako na pagkain ang higit nilang kailangan sa oras na yun at hindi pera na pwedeng ipambili pa nila ng ibang bagay liban sa pagkain. Madalas napag-iisip din ako kasi yung mga malaki ang kapasidad na bumuhay ng pamilya ay hindi binibiyayaan ng anak pero yung hikahos mahakbangan lang ika nga nila ay buntis na.
Sabi ko pa sa sarili ko, parang hindi ko kayang mabuntis at magbuhay ng isang bata. Yun ay dahil ayokong maranasan nila ang naranasan ko. Ganun daw kasi yun, bilang magulang ayaw natin maranasan nila ng paghihirap na dinaaanan natin. Actually, naka move on na ako sa ganong ideya kasi hindi ako magiging ako ngayon na masikap kung hindi ko naranasan yun. Ang sumunod ko pang concern ay kung paano sila palalakihing mabuting mamamayan ng bansa. Aba, aba, konti na lang ang mabuting tao sa Pilipinas dahil marami na ang nakain at nagpakain sa bulok na sistema. At ayokong madagdag ang anak ko dun kung kaya isip ako ng isip ng magan dang paraan at dahilan upang maging isang mabuting magulang at ina ‘pag nagkataon. Sa mga magulang ng maraming batang kalye, hindi naman sila magiging ganun kung binigyan sila ng options. Ang problema walang ibinibigay. Hindi masamang makipagseks lalo na kung ito ay legal, nasa tamang edad, hindi pinwersa at lalong higit kung handa ka namang harapin at alagaan ng maayos ang biyayang bunga nito.