Media Forum: Big Time Talk(ies)

MP-KNN teamNews ArchivesLeave a Comment

Ramon San Pascual of PCPD

Ni Eva Callueng

Kapag pinag-uusapan ang populasyon, ang akala ng mga tao alam na alam na nila ang mga pag-uusapan bunga ng kaliwa’t kanang konseptong nababasa, napapanood, at nakikita sa pang-araw araw na karanasan. Ang totoo, marami sa mga nakikita o bunga ng sariling interpretasyon ay hindi awtomatikong sumasalamin sa tunay na estado at komplikadong relasyon ng populasyon sa iba pang mahahalagang aspeto ng ating buhay.

Kabilang na dito ay ang kakulangan ng programa ng gobyerno upang higit na mapangalagaan ang sekswal at reproduktibong kalusugan ng mamamayan nito. May mga patuloy na naniniwalang ang kahirapan ay walang direktang koneksyon sa dami ng populasyon sa bansa, samantalang ang iba naman ay pilit na iniiwasan ang kritikal na pagtingin sa isyu sapagkat lunod pa sila sa maling pagpapakahulugan sa sariling dogma.

Sen. Vicente Paterno gives his presentation on the Consensus Bill on Population.

Sen. Vicente Paterno gives his presentation on the Consensus Bill on Population.

Populasyon: Isyu at Mito

Sa nakaraang eleksyon, maingat na tinalakay ng mga kumakandidato ang mga isyung may kinalaman sa populasyon, lalong higit sa mga nakaabang na panukalang batas sa kamara bunga ng pagpapangalan na maaaring maiangkop sa kagyat na panahong pumosisyon ito. Mangilan-ngilan lang ang malinaw na pumosisyon dito at masasabing ang mga yaon ay nakakuha ng mga puntos na nagluklok sa kanilang posisyon ngayon.

Prof. Dennis Mapa talks about poverty.

Prof. Dennis Mapa talks about poverty.

Makaraan ang ilang buwan matapos ang eleksyon, isang Fellowship Media Forum ang inilunsad ng Mulat Pinoy sa Annabel’s Tomas Morato noong Agosto 28, 2010. Ang presensiya at pagbabahagi ng mga respetadong lider mula sa hanay ng akademya, NGO, mangangalakal, simbahan at midya ay higit na nagpalaman sa mga isyung nais na mas malalimang talakayin ng mga nais sumali sa Fellowship Grant na pangungunahan ng Probe Media Foundation, Inc. (PMFI), sa pakikiisa ng Philippine Center for Population and Development (PCPD). Kabilang sa mga tagapagsalita ay sina Dr. Nimfa Ogena ng University of the Philippines Population Institute (UPPI), Dr. Dennis Mapa ng School of Economics, UP Diliman, dating Senador Vicente Paterno, Bishop Rodrigo Tano, Dr. Ernesto Pernia ng School of Economics, UP Diliman at G. Ramon San Pascual ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD).

Ramon San Pascual of PCPD

Ramon San Pascual of PCPD

Malinaw ang mga datos na ibinahagi nina Dr. Ogena, Dr. Mapa, at Dr. Pernia, kung saan binigyang diin ang mahalagang koneskyon ng populasyon sa iba’t ibang sektor, sa iba’t ibang panig ng bansa, maging ang katayuan ng bansa kumpara sa mga karatig na estado sa Asya at sa buong mundo. Ang mga pag-aaral na iyon ay bumasag din sa maraming mito na siyang dahilan ng hindi pagsuporta at hayagang pagtuligsa sa mga pambansang programang layong maisaayos ang pangangalaga sa populasyon ng bansa.

Samantala, ang presentasyon ng dating senador Vicente Paterno gamit ang lente bilang mangangalakal ay nagpatunay kung paano nauunawaan ng sektor ang isyu habang nagsasagawa ng paraan upang aktibong makilahok sa pagpapalawig ng pambansang batas sa populasyon. Ang pagbabahagi ni Dr. Tano mula sa hanay ng relihiyon ay mas nagbukas ng isip sa pagtinging ang lahat ng nasa sektor ng relihiyon ay may pakikiisa sa orihinal na posisyon ng dominanteng simbahan. Sa katunayan, ang paksyon sa pagitan ng iba’t ibang kongregasyon sa isyu ng populasyon ay nagpapatunay ng pang-angat ng lebel ng diskusyon ukol sa isyung ito. Kagyat ding nabuhayan ang mga nakikinig sa diskusyon ni G. San Pascual kung saan ipinakita niya ang kalagayan ng mga panukalang batas at mga pulitikong sumusuporta at tumutuligsa rito. Ang higit na kaabang-abang ay kung saang kategorya itataas ng ating mga kinatawan sa kongreso ang kanilang kamay sa araw ng paghuhukom.

Midya, ikaw naman!

Kung malaki ang impluwensiya ng simbahan bilang isang matandang institusyon sa bansa, hindi rin dapat maliitin ang kapangyarihan ng midya na maimpluwensiyahan ang mga mga tao, lalo na ang mga kabataan. Ang lagay eh, mahalagang patas ang presentasyon nito upang ang mga mambabasa ay mabibigyan ng mga puntos na makakatulong sa kanilang masagot ang maiiwanang tanong matapos ang isang piyesa. Kung hikayatin ang layon nila pabor o hindi pabor sa isyu, ganun pa rin naman ang formula, malinaw na presentasyon ng argumento para sa sariling pagtitimbang ng mga mambabasa.

Dr. Ernesto Pernia talks about the economics of popdev.

Dr. Ernesto Pernia talks about the economics of popdev.

Ang mga big time talk(ies), nasa paligid lang natin. Maaaring sa anyo ng ating mga guro o kaklase. Subalit madalas,sa anyong mas pamilyar tayo. Sa mga Youtube videos, blog entries, at Facebook notes at links. Hindi kinakailangang maging lider ng isang malaking kumpanya o mambabatas para mapakinggan nila. Sa nakaraang media fellowship forum, big time sila. Hindi lang dahil hindi matatawaran ang kanilang kahalagahang pang-akademiko kung hindi higit sa lahat hindi matatawaran ang importansiya ng mga datos na ibinahagi nila sa mga miyembro ng midyang nakasaksi noong araw na iyon. Simple lang naman ang magiging sukatan, ang big-time talk(ies) nila at ang mga interpretasyong gagawin ng mga magwawagi ng media grant. Pihado akong big-time goodies ang mga piyesa pagdating ng Nobyembre dahil major, major din naman ang mga konseptong ipinabaon nila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *