Ni Liwliwa Malabed
Lahat ng tao ay may opinyon. Naglibot ang Mulat Pinoy upang alamin at ihayag ang pulso ng ilang Pilipino ukol sa mga balak at plano ng ating ikalabing-limang pangulo. Ayon sa Pulse Asia at SWS surveys, malaki ang tiwala ng populasyon sa administrasyong Aquino. Kaakibat ng tiwalang ito ay bagong pag-asa at kagustuhang makibahagi sa pagbabago. Ating pakinggan ang kanilang kuro-kuro at mga panukala.
Populasyon at Kalikasan
Ang ecotourism platform ni Noynoy ay napatunayan nang mabisa. Katulad na lang sa Donsol, Sorsogon, kung saan ang komunidad ay tumutulong sa pangangalaga ng mga butanding at mga yamang-dagat. Kasabay ng pagkilala sa Donsol bilang tourism hotspot ang pag-unlad ng lugar dahil sa mga trabahong dala ng turismo. Ukol naman sa national sanitation program ng presidente, ito ay praktikal ngunit mahirap ang implementasyon. Halimbawa na ang proyektong palikuran ng MMDA na maganda ang layunin pero hindi sustainable. Dapat humanap ng mas magandang paraan. Tingin ko, sanitation depends on geography at dapat ang focus ay sa urban areas dahil sa malaking populasyon ng mga siyudad. Kailangan makipagtulungan ang gobyerno sa MWSS sa pagplano at pagpapagawa ng maayos na water at sewerage infrastructure. – James Dolar, 36, single, Mechanical Engineer, Montalban Rizal
Populasyon at ang Pangangasiwa ng Yamang Bayan
Maganda ang panukala ni Pangulong Noynoy na sa ilalim ng administrasyon niya, hindi magpapataw ng panibagong buwis at di rin magtataas ang kasalukuyang sinisingil na buwis. Tama lang yun kasi di naman tumaas ang sahod ng mga manggagawa katulad ko. Pabor ako sa kanyang sinabi na kukunin niya ang kakulangan sa pondo mula sa mas maigting na koleksyon ng tamang buwis at pagsingil ng mas mataas na custom duties dahil pabor ito sa mga mahihirap. Ok din yang micro financing o pagpapautang para naman mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na mag-business, at syempre pag lumago ang mga negosyo, uunlad din ang ekonomiya ng ating bayan. Yung kanyang pangako nung nangangampanya siya na aalisin niya ang corruption, dapat magsimula siya sa kanyang sarili at maging modelo ng ibang politiko. Bukod dun, dapat din niya’ng bigyan ng pansin ang pagpapa-unlad ng malalayo at liblib na lugar sa Pilipinas. Kailangan makarating din doon ang mga serbisyo at maglaan ng pondo para sa pagpagawa ng mga daan at mga tulay upang maibyahe ang mga produkto ng mga magsasaka. – Tonie Mande, 29, may pamilya, Security Guard, Tandang Sora QC
Populasyon at Pagkain
Ok yung plano ni Noynoy na pagtuunan ng pansin ang agrikultura upang maitaas ang food production. Sa ganitong paraan, di tayo masyadong nakadepende sa pag-aangkat ng bigas, asukal at iba pang pangunahing pagkain mula sa ibang bansa. Tingin ko, dapat may mas mahigpit na importation policies para hindi mamatay ang mga lokal na negosyo. Maganda rin kung maipatupad ang programa para sa land reform kung saan yung lupang sinasaka ng ating mga magsasaka ay mapupunta na sa kanila. Sana mabigyang lunas na rin ang corruption sa Department of Agriculture katulad ng fertilizer scam, para yung suporta ng gobyerno tulad ng pataba ng lupa ay makarating sa ating mga magsasaka. – Ning Noble, 26, single, estudyante, UP Manila
Populasyon at Pagpapabahay
Maganda pakinggan ang mga panukala ni Noynoy sa pagpapabahay katulad ng area upgrading and in-city resettlement, pero kailangan i-define ang mga ito at ihayag din yung step-by-step na proseso. Masyado kasi’ng general at mahirap intindihin ng karaniwang tao. Maige yung sinasabi niya na i-involve ang lokal na gobyerno, maging ang mga NGO at ang pribadong sektor sa mga proyektong pabahay. Tingin ko, dapat din maging bahagi ang mga religious groups. Para masolusyunan ang problema sa squatters, magandang magsimula sa mga probinsya. Kung may trabaho sa kanilang nayon, hindi na kailangan pa ng mga kababayan natin na lumuwas at manirahan sa mga syudad. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang illegal squatting. At kung mapapaunlad ang mga komunidad, magiging self-sustaining ang mga ito. Kailangan din ng housing para sa mga public servants at dating mga OFW katulad ko. – Roberto Dulay, 50, married, self-contractor, Barangay UP Campus QC
Populasyon at Edukasyon
Unang-una, ang agenda sa edukasyon ay dapat tumutugon hindi lang sa development needs ng mga bata kundi sa buong Pilipinas. Dapat malinaw ang mga planong ito at kung saang direksyon niya dadalhin ang ating bansa. Yung universal pre-schooling, Madaris education, technical vocational education, “every child a reader” by Grade 1, trilingual medium of instruction, quality textbooks, building more schools in partnership with LGUS—lahat yan ay promising promises. Pero yung sinasabi ni Noynoy na “assistance to private schools,” tingin ko dapat mas pagtuunan ng pansin ang mga public schools. Ang tunay na president ay yung nagbibigay ng serbisyo sa bayan at sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagpapahusay sa public education system at ng mga guro. Yun namang Science and Math proficiency agenda ni Noynoy ay too good to be true. Ang Pilipinas ay hindi industrial na bansa. Marami sa ating scientists, engineers, technicians ay nagtratrabaho abroad. Kaakibat dapat ng pangakong ito ang pag-industrialize ng ating bayan. Yung binabalak naman ng administrasyong Noynoy na 12-year Basic Education Cycle ay hindi angkop sa ating bansa na karamihan sa papolasyon ay lugmok sa kahirapan. Ang karagdagang dalawang taon ay dagdag pahirap sa mga Pilipino at hindi nito sinisigurado ang kalidad na edukasyon. We can’t have development in education if we cannot afford it. – Lem Garcellano, Writer/Director/ Children’s Media Advocate, Kamias, QC
Populasyon at Kalusugan
Para sa akin, kung maipatupad ang PhilHealth para sa lahat ng Pilipino, makakahinga ako ng maluwag kasi may labingdalawa (12) ako’ng anak, at pag may magkasakit sa kanila may magagamit na akong pangpa-ospital sa mga bata. At kung isasama sa mga benipisyo ng PhilHealth ang serbisyong outpatient , mas mababantayan ko ang kalusugan ng aming pamilya. Ako, pabor ako sa family planning katulad niyan, marami akong anak at hindi na talaga pwedeng dagdagan kaya dapat may tulong mula sa gobyerno katulad ng libreng pills kasi di ko naman kayang bumili nun. Ok din sa ‘kin ang sex education para alam ng mga kabataan kasi ako nun, di ko alam kaya ayun, nabuntis ako nung 18 pa lang ako. – Marilyn Liboon, 42, married, Labandera, Pook Ricarte QC
Ano na ang nangyari sa Reproductive Health Bill? Isusulong ba ni Noynoy ang panukalang batas na tutugon sa paglobo ng ating populasyon? Para sa akin, isa itong malaking hamon kay Noynoy. Hindi natin maaabot ang ating development goals kung mananatili ang kasalukuyang population growth rate ng Pilipinas. Ang karagdagang mahigit na isang milyon Pilipino kada taon ay nangangahulugan ng dagdag na pondo sa kalusuagan, edukasyon at pabahay. Kailangan nang magdesisyon ni Pangulong Noynoy at gumawa ng hakbang ngayon. – Dr. Josefina Natividad, Professor of Demography, University of the Philippines Population Institute
Populasyon at Trabaho
Magandang balita yung sinasabi ni Noynoy na magkakaroon ng SSS at iba pang benipisyo ang lahat ng manggagawa. Gusto ko rin yung full-employment kasi katulad ko, laging contractual ang pinapasukan ko. Dahil dun, wala akong benepisyong natatanggap at kung may mahigpit na pangangailangan, di ako makautang sa SSS, wala akong matakbuhan. Sana isulong din ng pangulo ang pagtaas ng sahod at pagbawas ng buwis ng mga mahihirap tulad naming. – Melanie Matondo, 25, married, kasambahay, Brgy. Commonwealth QC