Ni Liwliwa Malabed
Puno’y layu-layo
Dulo’y tagpu-tagpo.
Ang sagot? Malalaman mo pagkatapos mo basahin ang pahayag na ito. Samantala, kukuwentuhan muna kita sa ikatlong Mulat Pinoy Kapihan Session.
Naging makulay ang usapan tungkol sa populasyon at pabahay na ginanap noong ika-30 ng Enero sa Bo’s Coffee, Glorietta 5, Makati City. Dinaluhan ito ng mga haligi ng institusyon sa pabahay na sina Cecilia Alba ng HUDCC (Housing and Urban Development Coordination Council), Siegfried Briones ng PAG-IBIG (Home Development Mutual Fund), at Froilan Campitan ng NHA (National Housing Authority). Sumama rin sa diskusyon sina Denis Murphy ng Urban Poor Associates at Dr. Zelda Zablan ng UP Population Institute.
Pagpapa-unlad ng Kanayonan
Kabilang ang bahay sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat tao. Pero para sa maraming Pinoy, tila nananatiling pangarap na lang ang magkaroon ng disenteng bubong na sisilungan. Ayon kay Alba, may 3.6 milyon na taong nangangailangan ng housing para sa 2010, at patuloy itong tataas dahil na rin sa di mapigilang population growth at high urbanization. Tignan na lang natin ang sitwasyon sa Maynila: isa sa limang pamilya sa lungsod ay squatter at karaniwang nakatira sa mga mapanganib na lugar. Ang nakikitang solusyon ni Alba ay ang pagpapaunlad ng ibang rehiyon sa bansa upang magkaroon ng oportunidad at trabaho ang mga tao. Sa gayun, wala nang pangangailangang dumagsa at makipagsapalaran pa sa mga pangunahing syudad. Maigi rin magkaroon ng sariling kagawaran ng pabahay upang maging setralisado ang implementasyon ng mga programa.
PAG-IBIG ang Solusyon
Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industria at Gobyerno. Ito ang ibig sabihin ng PAG-IBIG. Katulad ng apat na dingding ng bahay, ang mga miyembro, mga bangko, mga industriya at ang pamahalaan ay nagtatagpo-tagpo at nagtutulungan upang matugunan ang pangangailangan ng mura at disenteng pabahay. Sa ngayon, ayon kay Briones, may mahigit na 7 milyong miyembro ang PAG-IBIG at patuloy na naglalayong makapagbigay ng pabahay sa mga kasapi nito sa pamamagitan ng pag-iipon o pagpapautang. At maging mga hindi miyembro ay may oportunidad na ring magkabahay dahil sa bagong kautusan. Magandang balita ito sa mga Pinoy na nag-aasam magkaroon ng sariling tahanan. Bukod dito, mayroon ding institutional loan programs ang PAG-IBIG na lalong nagpapababa ang presyo ng bahay.
Sustainable City
Para naman kay Campitan, ideyal ang sustainable city kaya nararapat lamang na magkaagapay ang pribado at publiko sa pagkakamit nito. Kailangan nating malaman kung gaano kadaming tao ang kayang dalhin ng isang syudad na kung saan makakapagbigay pa rin ito ng sapat na serbisyo sa nasasakupan. Naging ehemplo ni Campitan ang mga lungsod ng Hong Kong at Singapore, kung saan may matibay na patakaran at malaki ang suporta ng gobyerno para sa pabahay. Isang magandang halimbawa ay ang public rental housing na ipinapatupad sa mga nasabing syudad. Mayroon ding matatag na pamamalakad at ekonomiya ang mga bansang ito. Sa kaso ng Singapore, 20% ng income ng bawat mamamayan ay napupunta sa social services (at hindi sa bulsa ng mga politiko). Kumbaga sa bahay, maganda ang pundasyon at walang bitak ang sahig. Kung gusto nating tularan ang Singapore o Hong Kong, kailangan magka-isa ang lahat ng sektor at kailangan ding puksain ang kultura ng kapitalismo.
Empowering the Urban Poor
Kung tumutulo ang kisame, di sapat ang ‘tapal Vulca Seal.’ Katulad ng mala-tapal Vulca Seal na pagtugon ng gobyerno sa problema ng mga squatter sa lungsod, hindi akma ang basta na lang silang palayasin o ipatapon sa malalayong lugar. Bagkus, para kay Murphy, bigyan sila ng kakayanang pangalagaan ang kanilang sarili. Kung mawawala ang takot sa eviction, mas pagagandahin ng mga informal settlers ang kanilang bahay at paligid. Sa ngayon, ang Maynila ay nawalan na ng kapasidad pangalagaan ang mga naninirahan dito, lalong-lalo na ang mga mahihirap. Idagdag pa na ang paglobo ng populasyon ay nakasentro sa mga syudad tudad ng Maynila. Maigi daw na sa panahon ng halalan, tanungin natin ang mga kandidato kung ano ang mga plano nila sa pabahay at urbanisasyon.
Ngipin sa Implementasyon
Ang nakikita namang sanhi ni Zablan sa kasalukuyang kalagayan ng mga syudad natin tulad ng Maynila ay ang kawalan ng suporta ng gobyerno para sa agrikultura. Kung aalalayan ng pamahalaan ang mga magsasaka at mabibigyan ng trabaho ang mga tao, marahil di natin mararanasan ang pagsisikip sa mga syudad. Ang kahirapan sa mga kanayonan ang nagtutulak sa ating mga kababayan upang maghanap ng trabaho sa mga lungsod. Minata din ni Zablan ang pagsulpot ng mga golf courses sa lungsod habang marami ang nagsisiksikan sa kapiranggot na lupa. Kung kaya mahalaga na paigtingin ang pagpapatupad ng land use policy. Nararapat lang buksan ang pintuan para sa pribadong sector, upang makilahok sila sa paghanap ng solusyon sa pabahay at urbanisasyon.
Prioridad, Alokasyon at Aksyon
Nabigyan naman ng pagkakataon ang mga dumalo na makilahok sa diskusyon at mambato ng tanong sa mga resource persons. Si Flow Galindez ay nagkwento ukol sa “batman” people na namumuhay sa ilalim ng mga tulay, natutulog sa tabi ng mga kanal, isang pader lang ang dingding at buong syudad ang bintana. Matapos ma-irelocate sa Pampanga, nagpupumilit pa rin silang bumalik sa kalunos-lunos na kondisyon dito sa Maynila kung saan pinagkakasya nila ang PhP46 bawat araw. Karamihan sa mga pamilyang ito ay may mga anak na umamabot sa 10 ang bilang. Ang tanong nya: hindi ba prioridad ng gobyerno ang pabahay? Para kay Campitan, kailangan bigyan ng prioridad ng pamahalaan sa alokasyon ng budget ang edukasyon, pabahay at kapayapaan sa bansa. Ayon naman kay Alba, naisalin na sa lokal na gobyerno ang kapangyarihang magpatupad ng programang pabahay kaya maliit ang budget ng housing sa national level.
Tinanong naman ni Dante Gagelonia, content supervisor ng Mulat Pinoy, kung ano ang aksyon ng administrasyon sa usaping pabahay. Muling idiniin ni Alba na responsibilidad ng LGUs na bumuo ng komprehensibong land use plan, kung saan dapat mayroong land use inventory at may nakalaang lupa para sa abot-kayang pabahay. Ibinida naman ni Campitan na kumakailan, nabawasan na ang karahasan sa riles relocation. Nabanggit din ni Gagelonia ang Gawad Kalinga Foundation. Ayon kay Campitan, marami daw proyekto ang NHA na ka-partner ang GK at dito daw makikita kung paano magtulungan ang pribado at pampublikong sektor sa pagtugon sa mga pangangailangan ng ating bansa. Nagtanong naman si Trish Vega, writer ng Mulat Pinoy, sa posibilidad na magkabahay ang mga simpleng manggagawa. Sabi ni Briones, may pagkakataong magkabahay sa Pag-ibig at mas magaan sa bulsa kung mag-loan habang bata pa.
Ang panahon ng halalan ay panahon ng pagbabago. Hindi na sapat ang magbugtungan at hulaan ang mga solusyon sa problema ng kakulangan sa pabahay at lumalalang urbanisasyon. Hindi na sapat ang maglaro ng bahay-bahayan dahil totoong buhay na ang pinag-uusapan. Ang sagot ay nasa atin. Sa Mulat Pinoy Kapihan, samasama tayong maghanap ng mga malikhaing pamamaraan para matugunan ang ating mga problema sa lipunan.
(sagot sa bugtong: bahay)