Ni Liwliwa Malabed
Nasaan kayo nung nangyari si Ondoy? Lahat tayo may kwentong Ondoy. Umikot ang mga kwentong ito sa mga social networks—sa Friendster, Twitter, Multiply at Facebook. Naging maugong ang tawag ng tulong, naging masigasig ang kultura ng bayanihan, sabi nga ng sikat na t-shirt, “Where I’m from, everyone is a hero.” Maliban nalang siguro kay Gloria.
Naalala n’yo pa ba ang huling SONA nya? Marami siyang binitawang salita: kesyo dapat daw, bilang pangulo, ready siya at bukas 24/7, parang 7-11 na convenience store. Kesyo ang Pinas ay binubuo ng mahigit pitong libong isla at madalas salantain ng bagyo kaya dapat daw meron tayong makabagong teknolohiya upang maging maalam at maging handa. Kesyo pina-igting na daw ang monitoring system natin para sa maagang forecasting at halos buo na daw ang mapping ng mga lugar na bahain at madalas gumuho ang lupa. Pero pagkatapos ng dalawang buwan, nung nag-tantrum ang bagyong Ondoy sa ating bansa, nasaan na ang kanyang mga pangako?
Di naging sapat ang paghahanda ng gobyerno. Napapaklaan din ako sa naging tugon nito sa disaster na dala ni Ondoy. Halos tatlong daan ang namatay, mahigit 5 bilyong ari-arian ang nawala. Nasaan na ang bunga ng Presidential Task Force on Climate Change (PTFCC) na binuo noong 2008 at pinamumunuhan mismo ni Gloria? Nasaan na ang risk reduction at mitigation measures at adaptation resources na dapat bubuuin ng PTFCC? Ang tanging sagot nalang ng ating president: dahil daw sa climate change. Naiiba daw si Ondoy dahil nagbuhos ito ng pinakagrabeng rainfall sa loob ng mahigit na 40 na taon. Nasagad na daw ang kakayahan ng gobyerno na tumugon sa kalamidad.
Sa academic congress sa Unibersidad ng Pilipinas, isa ang “Climate Change and Disaster Risk Reduction: Trends, Challenges, Lessons, And Response Options” sa mga sesyong naging masigla ang diskusyon. Napuno ang Malcolm Theater sa College of Law. At lahat ay nakinig kina Professor Lenore dela Cruz at Dr. Emmanuel Luna ng UP Diliman College of Social Work and Community Development, Dr. Alfredo Mahar Francisco Lagmay ng UP Diliman’s National Institute of Geological Sciences, at Ateneo School of Government Dean Antonio G. M. La Viña.
Inihayag ni Dr. Lagmay na kailangan natin ng multi-hazard map na local scale. Hindi daw sapat ang national o broad scale map na siyang ipinagawa ng gobyerno. Ang local scale map ay mas detalyado at mas magagamit sa emergency response at evacuation. Ang mapa ay gagamitin din para sa flood simulation at modeling flood depth. Ang impormasyon na makukuha natin dito ay mahalagang kaalaman upang makapaghanda ang gobyerno at mamamayan.
Sabi naman ni Dr. Luna, may duplicity daw of functions ang mga ahensiya ng gobyerno at di daw nila maayos na naisasama ang DRM o disaster risk management sa kanilang plano bilang mga institusyon. Wala rin daw silang kakayahan at kahandaan para tumugod sa mga kalamidad katulad ni Ondoy. Mas mainam daw na maipatupad ang disaster risk kaysa emergency management. Prevention is the key, kumbaga. At dapat maging bahagi dito ang bawat miyembro ng kumunidad.
Pinagdiinan ni Dean Viña na kailangan daw may resilience ang komunidad sa mga kalamidad. Si Juan ay kilala sa mundo bilang may kakayahang tumayo at magpatuloy sa ano mang pagsubok. Kung naiintindihan ng bawat Pinoy na si Ondoy ay pwedeng mangyari anumang oras, mas magiging handa tayo. Sa ayaw natin at gusto, nangyayari na ang climate change at kailangan nating harapin ito ng may paghahanda. At dahil panahon ng pagbabago, makakabuting ihalal ang lider na may pakialam sa climate change at may kaalaman sa pagpapatakbo ng lokal na gobyerno.