Ni Eva Callueng, contributor
Sa komunidad na kinalakhan, isa sa mga nabuong perspepsyon ay ang pagkakaroon ng pamilya sa edad na 20 kung saan kadalasang may anak na ang isang babae o may asawa na. Matanda na noon ang tingin ko sa edad 20 o 21 kung kaya’t parang iyon ang naging pamantayan ko sa mga kakilalang nag-aasawa.
May mga kakilalang kinakasal sila pagtapos nila ng kolehiyo, kung kaya’t ang kondisyong iyon ang isa sa mga nabuong konsiderasyon kapag “lumalagay na daw sa tahimik ang dalawang tao.”
Kinalaunan, higit na bumaba ang edad na iyon kung saan nagsimula ko nang tanungin ang sarili kung ano talaga ang tamang edad lalo pa’t nasa kalagitnaan pa lamang sila ng pag-aaral ay buntis sila at takdang ipakasal. Higit pa akong nagulantang sa mga datos na nakita at napag-aralan na nagsasabing may mga hayskul na mag-aaral ang hindi nagtutuloy sa pag-aaral dahil kinakailangang asikasuhin ang hindi lamang isa kundi dalawang mga supling.
Palibhasa’y nanggaling sa malaking pamilya, mas nakita ko ang hirap ng ina sa pag-aalaga ng mga anak lalo pa kung maagang namatay ang katuwang sa buhay. Hindi ako sigurado kung ano ang pinanggalingan ng nosyon na iyon, subalit nakita ko na ang edad 20 pala ay maaaring hindi pa rin sapat na edad upang tahakin ang buhay may pamilya.
Hindi biro ang pagpapamilya. Isang bagay na paulit-ulit na binabanggit ng mga matatanda sabay paggamit ng analohiyang ang pag-aasawa ay hindi tulad ng pagsubo ng mainit na pagkain, na kapag napaso’y agad na lamang iluluwa.
Masalimuot ang proseso ng pagluwa ng pagkaing naisubo mo, na subalit ang ibig lamang ipakahulugan nito ay mahalagang timpahin, hipan kung mainit pa ang pagkain, maghintay at saka isubo kung sigurado nang kayang nguyain upang malasahan ang tunay na sarap. Di tulad ng madaliang pagpapamilya, agad na lang sinubo ang pagkain na hindi sigurado kung may sustansya ito, magiginhawaan ang nararamdaman na kagutuman o masisiyahan sa proseso ng pagnguya.
Ang pakikipagtalik ay simbolo ng pagmamahalan. Ang dalawang taong may masidhing romantikong pagnanasa sa kapwa ay kadalasang nagtutuloy sa malalim na unawaan at bunga nito, ang pakikipagtalik ay isa sa mga pmamaraan upang ipagdiwang ang mahalagang unawaan na yaon. Ang emosyong bumabalot sa dalawang nagmamahalan ay hindi kumikilala ng edad subalit ang oryentasyon ng lipunan ukol sa “tamang” edad ng pakikipagtalik ay nakaangkla higit sa ekonomikong aspeto. Tinatanong kung may kakayahan na ba ang taong nakikipagtalik na buhayin o suportahan ang anumang maging bunga ng sekswal na relasyon ng dalawang heterosekswal.
Tinataya na pumapangalawa sa aspetong kinokonsider bago sulungin ang buhay pagpapamilya ang moral na kakayahang bumuo o lumikha ng mga indibidwal na magiging produktibong bahagi ng lipunan. Bunga nito, ang maagang pakikipagtalik (Early Sexual Engagement) na walang pagkokonsidera sa mga nabanggit na aspeto ay mahalagang pag-aralan at tutukan, lalo pa’t wala tayo sa posisyon na ipagbawal, hulihin, dakpin, o parusahan ang sino mang maagang gumagawa nito. Ang katotohana’y ginagawa na ito ng maraming kabataan, may pakialaman man tayo o wala.
Delikado ang pagkasubo nang walang sapat na kahandaan. Sa maliit na komunidad na ginagalawan, isang reyalidad ang bilang ng mga kabataang maagang napasubo sa buhay pagpapamilya. Kung nagkataon pa na sa konserbatibong pamilya sila napapabilang ay agad na hinahanda ang kasal upang lehitimong panagutin ang dalawa sa bunga ng pakikipagtalik na ginawa.
Bagaman iba pang usapin ang pagpapakasal bilang tugon sa naging bunga ng kanilang maagang pakikipagtalik, maganda ring pagtuunan ng pansin o mga pag-aaral ang bilang ng mga nag-asawang nauwi sa hiwalayan dulot ng mala-whirlwind na pag-iisang dibdib.
Subalit, kailan nga ba nagiging sapat ang kahandaan? Awtomatiko bang pinapalagay na ang pag-abot sa mas mataas na edad ay pagkakaroon din ng lisensyang bumuo na ng pamilya? Ano ang ating mga pamantayan upang sabihing handa na nga siya sa panibagong antas ng buhay?
Tunay namang hindi natin mapipigil ang sinumang maagang sumusubok ng pakikipagtalik. Sabi pa nga sa matandang kasabihan, ang pagdadala sa mga kabataan ay katulad ng paghawak sa ibon kung saan maaari silang magpumiglas at masira kapag mas lalong hinihigpitan, o mawala at lumipad kapag masyado namang maluwag ang pagdadala.
Hindi madali ang pagtimpla nito, lalo pa kung nasa antas sila ng buhay kung saan nais nilang higit na kilalanin ang sarili, kung kaya’t sinusubok ang maraming bagay kabilang na dito ang maagang pakikipagtalik. Muli, ang pagkamulat sa katotohanang ginagawa na nila ito sa ayaw man natin o gusto ay isang oportunidad upang magkaroon ng mga programang direktang tutukoy dito.
Ang pagbibigay sa kabataan ng mahalagang kaalaman ukol sa kanilang reproduktibong kalusugan ay hindi opsyon, kung hindi obligasyon nating higit na nakatatanda, guro, kapatid, at mga magulang. Karapatan nilang malaman ang lahat ng mga bagay na kaakibat ng maagang pakikipagtalik upang bukas, makalawa na pagdesisyunan nilang muling gawin iyon ay higit na silang maalam. Higit na silang makapaghahanda sa anumang maging bunga dulot ng matinding pagmumuni-muni at base sa mga kaalamang ibinahagi sa kanila ukol sa maagang pakikipagtalik.
Sa ganitong paraan, walang pwedeng magsabi na hindi nila sinasadya, nagkamali, o hindi kaya ang naging bunga dahil hindi naman nagkulang sa kanila ng pagtuturo.