Bawal putulin ang mga puno. Multa: Putol buhay!

UncategorizedLeave a Comment

Ni Eva Callueng, Contributor

Naalala ko ang mga babala sa paligid na karamihan ay sarkastiko pang isinusulat, malamang dahil sa inis na paulit-ulit na pagsuway ng mga tao. Isa sa mga hindi ko malilimutan ay isang babala sa harap ng isang bahay sa aming kalye, kung saan paboritong ihian ng mga lasing at di-lasing ang sulok na iyon na nagdudulot ng masangsang na amoy sa harapan ng bahay ng may-ari. Naglagay ng karatula ang may-ari na nagsasabing: BAWAL UMIHI DITO. MULTA: PUTOL ARI. 

Image by Wikimedia Commons. Some rights reserved.

Subalit, hindi ito pinansin at malamang ay pinagtatawanan ng mga matitigas na ulong paborito ang sulok na iyon. Makalipas ang isang linggo ay nag-alaga na ng aso ang may-ari para lamang matakot ang mga kalalakihan na lumapit dun at hindi na umihi pa. May isang lasing na nakagat ng matapang na aso sa pagkakatanda ko at wala na akong balita pa kung nagka-barangayan sila ukol sa pagkakakagat niya. Siguro nga kailangan talagang mangyari ang ganoon para lang matuto ang ilang tao. Siguro ang kagat na iyon ang naging hudyat upang matigil na ang walang habas nilang pag-ihi sa sulok ng bahay ng may bahay.

Sa nakaraang mga pangyayari at pananalasa ng mga bagyo at iba pang kalamidad sa bansa, hindi ko maiwasan na maihalintulad ang babalang iyon ng isang bahay sa aming kalye. Hindi lang pagkaputol ng ari ang maaaring maging multa sa ilan nating Gawain, at ang masama ay kasamang nagbabayad ng buhay ang ilang inosente sa ating mga nagawang kamalian. Kagaya ng pagkalbo sa kagubatan, iligal na pagto-troso, kaingin at pagde-develop ng lugar na kinakalimutan ang kasunduan na pagpapalit sa mga punong mapuputol bunga ng “lagay” at korapsiyon.

Alam na alam natin kung gaano kaimportante ang puno sa ating buhay, at kahit maliliit pa tayo ay halos maisaulo na natin ang kapakinabangang nakukuha mula sa kanila. Sila ay isang halimbawa ng renewable resource na, kung ating pagtutuunan ng pansin, ay maaaring makapigil sa maraming kalamidad na pwede nating mabawasan ang epekto sa ating kapaligiran.

Magmula sa pagsipsip ng tubig ng mga ugat nito hanggang sa masarap na hangin na idinudulot ng dahon at lilim nito, halos wala na tayong maihihiling pa sa biyayang ito ng Diyos. Alam na alam natin na ang pagkawala nila bunga ng pagputol (ligal man o iligal) ay nagdudulot ng ilang risks sa kapaligiran.

Hindi natin pwedeng malimot ang naging bunga ng bagyo at pagbaha sa mga lugar gaya ng Quezon, Aurora, Albay, Cagayan de Oro at kalakhang Maynila noong nanalasa ang deadliest cyclones na tumama sa bansa. Hindi natin pwedeng malimot ang mga pangalang Rosing, Reming, Ondoy, Pepeng, at Sendong na kumitil sa buhay ng marami nating kababayan na may pagitan lamang na dalawa at tatlong taon ang pananalasa ng bawat isa. Subalit, madalas nalilimutan natin ang katotohanang ang ating bansa ay nasa ring of fire at typhoon belt sa Karagatang Pasipiko, na dinaraanan ng anim hanggang pitong (6-7) tropical cylone landfalls kada taon. Ibig sabihin, sa alpabetong pagpapangalan natin na umaabot pa hanggang letrang U (Uring), 6-7 dito ang naka-klasipika bilang tropical cyclone na umaabot sa lupa.

Bunga niyon, ang kahalagahan ng mga puno sa ating kabundukan ay walang kasingtumbas, lalo na sa panahon ng kalamidad. Ang pagproprotekta ng mga puno lalo na yaong may malalaking ugat ay may mataas na kapasidad na sumipsip ng tubig at pigilan ang pagbagsak ng lupa sa mataaas na lugar ay responsibilidad ng lahat. Ang ating kagustuhan na i-develop ang mga mapupunong lugar ay nararapat na may katumbas na kapalit, gaya ng muling pagtatanim at pagsasalba ng ilan pang mga punong pwede pang sumasailalim sa proseso ng earth-balling. Sa ating pag-unlad bunga ng ating mga development projects, mahalaga ding isipin ang bilang ng taon na nakatayo ang mga puno. Mapapalitan o matutumbasan ba natin ito kapalit ng pangakong kaunlaran? Ano naman kaya ang epekto nito sa mga tao sa paligid? Lalong higit ng mga inosenteng walang kaalam-alam na kalbo na pala ang kabundukan at ang mga trosong pinaanod sa tubig ang siyang tumambad at kumitil sa buhay ng kanyang mga kapamilya.

Sa patuloy na pananalasa ng mga natural na kalamidad, ang natitira nating pag-asa katulad ng mga puno ay nararapat na mahigpit na ipagbawal. Matagal na silang nagbigay ng babala at paulit-ulit pa. Ang umaapaw na pera ay walang panangga sa oras na gumanti ang kapaligiran sa ating paglalapastangan sa kanila.

Muli, paulit-ulit naman nating alam ang mga ito. Parang sirang plaka na lang ang paulit-ulit na pagbibigay ng babala laban sa parating na kalamidad. Subalit hindi nagsasawa ang babala ng kapaligiran hanggang may mga ilan pa ring ganid na sinusuway ito. Ilang buhay pa ba ang kailangang mawala bago natin maisip ang bahagi ng mga puno sa ating buhay? Ilang bagyo pa? Sana may oras pa.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *