Aborsyon

MP-KNN teamCommunity & Culture, The Changing YouthLeave a Comment

Ilegal ito sa Pilipinas. Bawal na bawal. Masama at mortal na kasalanan. Ang pagpapa-abort ay itinuturing na kasalanang sa obispo pataas ka lamang maaaring humingi ng kapatawaran.

Ibig sabihin rin, kasong kriminal ang kakaharapin ng sinumang magsagawa nito o napatunayang may kinalaman sa pagsasagawa nito. Dahil na rin sa pagiging illegal nito, patagong isinasagawa nito sa takot na maisuplong sa kinauukulan, kung saan pagkakabilanggo ng mga taong sangkot ang parusa. Malinaw na paglabag ito sa Article 2. Sec. 12 ng 1987 Konstitusyon, at sa kasalukuyan, walang katangi-tanging batas sa bansa ang maaaring gamitin kung sakaling magpapa-abort ang isang babae dahil sa kritikal ang kundisyon niya o maaari niyang ikamatay ang pagbubuntis o panganganak.

Paano natin mapipigilan o iintindihin ang kalagayan ng mga babaeng pinili ang aborsyon?

Paano natin mapipigilan o iintindihin ang kalagayan ng mga babaeng pinili ang aborsyon?

Subalit, ang datos na ipinakita ukol sa bilang ng aborsyon kada taon ay tiyak na nakababahala sa maraming anggulo. Bukod sa usaping legalidad nito, ang isyu ay bumabagtas sa 600,000 libong kababaihan kada taon (2010) na nagsasagawa sa prosesong itinuturing na ilegal ng estado at mortal na kasalanan ng simbahan. Ayon pa rin sa DOH (Department of Health) noong 1994, 12% ng dahilan ng kamatayang may kinalaman sa pagbubuntis ng mga ina ay bunga ng unsafe abortion. Ang pagtaas ng bilang 17 taon na ang nakalilipas ay patuloy na lumalaki.

Madalas na marinig ang kaso ng aborsyon kung saan naglalakihang tenga kaagad ang nakaabang kung sinu-sino ang gumagawa nito. Ang katanungan kung bakit may mga babaeng pinili ang paraang ito ay bihirang itinatanong na para bang walang katumbas na sagot ang makapagpapaliwanag sa kung bakit.

Madalas din na ang pagtukoy sa aborsyon sa linggwahe ay ang pag-abort sa “baby,” kung saan awtomatikong idinidikit sa pagkitil ng buhay dahil sa paggamit. Panaka-naka rin lang ang pagpapaliwanag na ang aborsyon ay terminasyon ng pagbubuntis, kung saan mas tamang sabihin na inabort ang pregnancy na nagreresulta sa pagkaagas ng fetus. Kahawig ito ng pag-abort sa isang mission na terminong madalas na ginagamit sa sektor ng sandatahan, mapa-pelikula man o tunay na buhay. Abort the mission!

Victims of chismis

Sa klase, palagiang nababanggit ang kalagayan ng mga kababaihan at sa kung paano natin tinitingnan ang mga bagay-bagay na may relasyon sa patriyarkang lipunan. Kahit noon pa man, ang mga lalaking nambababae ay nakakalalaki. Ibig sabihin, macho ang pagtingin, na para bang ang pogi-pogi nya dahil nambababae siya. Ang reaksyon naman ng mga babaeng asawa nito, kung saan klasikal na linya ang maririnig na basta siya naman ang inuuwian, ay magpasahanggang ngayon nakikita pa rin sa ilang komunidad.

Katulad na lamang ng isang malapit at dating kaalyado sa pulitika na makailang ulit na nakabuntis ng mga babae at ang isa pa ay humantong pa sa aborsyon sa ibang bansa. Ang isa naman sa barkada nila ay may dalawang anak sa sa ibang babae. Tinuturing siyang hustler sa grupo lalo pa’t kibitz-balikat na lang itong tinanggap ng legal niyang asawa na noong una’y sumasailalim pa sa matinding depresyon bago tinanggap ang katotohanan.

Sa bansa rin matatagpuan ang dominanteng konsepto na lalaki lang ang pwedeng magsagawa ng pambababae, at ang mga asawang babae na nagkaroon ng lalaki ay minamarkahan bilang mga easy girls, prosti, bayaran, at walang respeto sa sarili. Sa kahalintulad na pag-uugnay, ang mga biktima ng naturang pag-iisteryotayp ay walang pinagkaiba sa markang iniiwan sa oras na matsismis na nagpalaglag o nabuntis nang maaga.

Ang mga babaeng biglang bumigat ang timbang o nagkalaman ay agarang pinagkakamalang buntis at ang mga pumayat namang bigla mula sa malamang katawan ay sinasabing nagpalaglag o kaya naman ay nag-adik. Sa dalawa, mas mahirap patunayan ang nagpalaglag, sapagkat hindi tulad ng pag-aakalang buntis sa biglang pagtaba o paglobo ng tiyan ay may inaabangang sanggol na maaaring maisilang matapos ang siyam na buwan. Samantala, ang pagpapalaglag ay habambuhay ng marka na mahirap patunayang hindi totoo at haka-haka lamang. Mahirap lumugar sa ganitong sitwasyon at palitan ng mga balitang nakabase lamang sa pisikal na hitsura, kung kaya’t ang hindi pag-imik sa isyu ng aborsyon (lalo na kung hindi totoo) ang pinakaangkop na paraan upang huminto ang usap-usapan ng mga makakati ang dila. Bagaman, nananatili ang pagmamarkang iyon, ang pagpili sa kung papaano maiaangat ang sarili matapos ang kontrobersyang kinasasangkutan (totoo man o hindi) ay isang sining na natututunan sa proseso ng pagdepensa sa sarili.

Safe space

Sa ‘di mabilang na tsismis ukol sa mga kapitbahay, kakilala, artista, o maging mga pulitiko na nagsagawa diumano ng aborsyon, ang mapang-uring mga mata na tumitingin sa legalidad at moralidad na aspeto nito ang nangingibabaw, kung kaya’t anumang diskusyon o paglilinaw sa mga konsepto ay walang puwang sa oras na mamarkahan ng latay nito.

Maging sa mga eskwelahan, bihirang-bihirang marinig ang mga diskursong may kinalaman ukol sa aborsyon, kahit pa sa lumolobong bilang ng mga kaso nito sa Pilipinas. Tinatapos ang usapan sa mga naunang nasabing aspeto kung kaya’t mababaw ang kaalaman natin sa kinahihinatnan ng mga babaeng nagsagawa nito maging yaong mga natsismis lang.

Subalit, ang mabigat na katotohanang kinakaharap ng bansa ukol sa 600,000 babaeng nagsasagawa ng aborsyon kada taon ay tila walang sinabi upang mabigyan ng puwang sa diskusyong higit na magpapalalim ng ating kaalaman ukol dito. Bunga nito, ang kawalan ng mga espasyo kahit lamang sa usapin ng pag-iisip ng mga paraan upang mabawasan ang bilang ng kaso ng aborsyon ay nananatiling barado sa ating kamalayan.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *