ISKiNiTA

MP-KNN teamNews ArchivesLeave a Comment

by Robie Cornelio, Contributor

Lagi na lang itinatanong, ano daw ba ang pangarap ko? Mababaw lang at madadali kung tutuusin. Isa na dito ang makalaya sa lugar na kinalakihan ko. Lugar kung saan hindi matutupad ang mga gusto ko. Lugar na alam kong hihilahin lang ako pababa kung hindi ka magsusumikap.

Yun ang lugar namin: isang makitid na iskinita na kasya lamang ang isang taongdumadaan. Hindi ko naman sinisisi ang mga magulang ko kung bakit dun kami nakatira. Iligal nga lang ang pagtira namin, dahil ang lupang kinatitirikan ng aming munting tahanan ay hindi sa amin: pag-aari ng Simbahang Katoliko.Kung ako lang ang masususnod, dapat matagal nang naipamahagi sa amin kasama ng mahigit limampung pamilya na dun na din nagkaisip, nagkapamilya at inagawan na ng buhay. Hindi naman siguro kabawasan yun sa mga obispo, at naniniwala parin ako sa sinasabi nilang ang mga wala ay kukupkupin nila na kanilang nasabi dahil sa kabi-kabilang kontrobersiya na kanilang kinasasangkutan, kasama na rin ang usapin tungkol sa aking ipinaglalaban na maipasa: ang Reproductive Health Bill.

Lagi nalang kaming nangangamba na isang araw papaalisin na lamang kami dun, ire-relocate sa housing kung saan makakasama mo ang iba’t-ibang pamilya na nanggaling sa kung saan-saang lupalop ng Pilipinas: lugar na walang pagkukuhanan ng kahit na maliit na income, lugar na makikisama ka ulit sa mga bagong kapitbahay , at higit sa lahat lugar na siguro patay ka na’t lahat hindi mo pa tapos bayaran.

Tag-ulan nanaman ang panahon na pinangangambahan ko, pati na din ng mga nakatira sa amin. Bakit? Napakalaking perwisyo sa amin ng panahon ng tag-ulan at bagyo. Umaapaw ang ilog na ilang hakbang lang ang layo sa aming munting tahanan. Umaabot hanggang tuhod ang tubig baha sa amin. Yung mas malapit sa ilog, bubong na lang makikita mo. Wala yung inaasahan mong tulong: mukhang himbing sa mga magagara nilang tahanan na hindi binabaha , walang bubong na natulo at walang bahay na nauga tuwing binabayo ng malalakas na hangin. Sa bagay, masarap nga namang matulog kapag ganyan ang panahon, pero para sa mga katulad naming di bale nang mapuyat at mabasa ng ulan, basta maisalba lang ang kaunting ari-arian, at higit sa lahat ang buhay ng bawat isa.

Minsan naisip ko nga, ano ba ang halaga ng pagboto ko tuwing halalan? Kanya-kanyang latag ng mga plataporma, ngunit pagkatapos ng halalan, asan na? Wala na? Kailangan mo pang magpa-schedule o di kaya’y maghintay ng kay tagal para lang makausap ang mga taong iniluklok mo sa katungkulan. Ilang beses ng pinangakuan pero lagi namang napapako.Puro ganun pero walang aksyon. Kaya minsan, nawawalan na kami ng pag-asa. Baka isang araw, pag mulat mo, magigising ka nalang na dine-demolish na ang bahay mo. Hindi naman matigas ang ulo ng mga taga sa amin. Ang sa amin lang, ibigay na sana yung kakapirasong lote na hindi naman, sa tingin ko, kakailanganin pa ng mga Obispo. Mayroon na silang kabi-kabilang paupahan na lugar, na kung saan mahigit na 15 ang tindahang nakatayo rito na nagbabayad sa kanila ng renta, at isang pribadong school na sila rin ang nagmamayari.

Sa edad kong 23,buong buhay na akong naninirahan sa maliit na iskinita namin. Lumaking mumunti lang ang mga pangarap, hindi nagnanais ng mga bagay na alam kong hindi ko naman kayang makuha; simple, kung tutuusin. Lumaki ako sa apat na sulok ng aming munting tahanan: tahanan na binigay ng aking lolo at lola sa mga magulang ko. Bahay ito na binubuo ng plywood , hollowblocks, bubong na pinagtagpi-tagpi at kinakalawang na sa katagalan, at sementadong sahig na pinatungan ng pira-pirasong linoleum.Ang second floor naman ay kahoy ang flooring na malapit nang bumagsak kaya may mga tukod na kahoy.

Lumaki ako na tuwing umaga tilaok ng manok ang maririnig mo, ingay ng mga kapitbahay na kalahating dipa lang ang pagitan sa bawat isa, ingay ng mga batang nagsisigawan at mga kapitbahay na wala ng ginawa kundi pakialaman ang buhay ng iba. May maliit na pamilya ako : ang tatay ko , ang nanay ko at ang isa kong kapatid na babae . Nais ko sanang makapagtapos kaming dalawa ng kolehiyo ngunit salat ang pamilaya namin. Hindi ganoon kalakihan ang kinikita ng mga magulang ko upang makapag-aral kami. Ayos lang sa akin na yun ang konting natutunan ko nung nag-aral ako. Yun ang babaunin ko habang ako’y nabubuhay . Pasalamat na din ako at nagkaroon ako ng mga maintindihing mga magulang, na sa kabila ng aming sitwasyon nakukuha padin naming ngumiti at mangarap.

Sa tutuusin, nasusuka na ko sa baho ng lugar namin. Nagkalat lang sa paligid ang mga makamundong tukso. May mga adik, pusher, at manginginom na wala nang ginawa kundi ang mamuwerwisyo ng kapwa nila. Pero ano bang maari kong gawin? isa lang akong maliit na tao na hindi kayang magsalita, na walang ibang magawa kundi ang umaasa at maghintay, hindi man malaki, kahit kakapiranggot na pag-asa upang kahit konti, makakita ng liwanag.Liwanag dahil tuwing gabi kailangan mong mangapa sa daan papasok sa munting iskinita. Liwanag lang mula sa iindap-indap na bumbilya ang maaninag mo sa daan. Hindi man ganoon kaliwanag ang daan na tatahakin mo papasok, nakakasigurado ka namang may maaninag kang konting liwanag.

Nasusulasok na ako sa amoy ng mga pangako ng mga pulitkong maka-ilang ulit na ring labas pasok sa lugar namin, mga pangakong binubulok na ng panahon at pagkakataon. Ang mga plataporma nila’y inaanod na sa ilog kasabay ng mga lumulutang na basura.

Hindi langkami ang may ganitong problema. Marami pang lugar sa bayan ko ang nakakaranas ng ganitong mga hinanaing. Marami pang katulad ko ang naghahangad ng kaunting pagbabago, hindi man biglaan; kahit unti-unti.Bakit yung iba nagagawa nila? Napaka-imposible namang hindi magagawa sa maliit na bayan ng Calauan.

Kailangan lang sigurong maging gising at wag tutulog-tulog ang mga nakaupo upang makita at maramdaman nila ang hindi maipahiwatig ng ibang nais sabihin ang kanilang mga hinanaing. Natatakot marahil o di kaya’y nagdadalawang-isip lang sila siguro, dahil hindi mo alam kung aaksyunan ba o papakinggan kahit saglit ang mga nais nilang iparating.

Gusto ko nang makalaya sa lugar na hindi ko alam kung hanggang kailan ako tatagal. Sa lugar na kung saan may konting mang pagkakamali, maaaring nang lamunin ng lumalagablab na apoy ang aking mga mumunting mga pangarap. Sa lugar na sabi ng iba parang Tondo sa gulo at sa makikita mo. Kung maaari lang akong magsalita at antigin ang puso ng mga nakaupo, sasabihin kong, “Nasaan na ang mga ipinangako nyong pagbabago?Nasaan na ang pag-asa sa mga nawawalan na ng pag-asa?” Ipapakita ko ang lugar na pinuno nila ng mga tarpolin at flyers at mga mukha nilang nakabandera sa mga pader nuong nakaraang eleksyon.

Gayon paman, may pagkakaisa padin at pagtutulungan sa lugar namin. May pagdadamayan upang hindi kainin ng uod ng bulok na sistema ang mga tao dito. May pag-asa pa ding natatanaw mula sa sinag ng araw na tumatagos sa mga bubong na butas. Hindi parin ako nawawalan ng pag-asa na isang araw, pag mulat ng aking mga mata, may mas maliwanag akong matatanaw, hindi lang para sa akin kundi para na rin sa mga susunud na henerasyon na hind na makakaranas ng pait mula sa lugar na kanilang kinagisnan. Nais ko lang maging isang malayang nilalang na gaya ng mga ibon sa himpapawid na walang tanikalang nakakabit upang gawin at sabihin ang lahat ng nais kong sabihin at lahat ng nasa isip ko,sa isang lugar na sa hinaharap ay maging lugar ng pangarap at lugar ng pag-asa, hindi lang para sa amin: para na rin sa lahat na nag-aasam ng pagbabago.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *