Pangamba ng HIV AIDS

MP-KNN teamNews ArchivesLeave a Comment

Ni Eva Callueng

Nasa elementarya ako noong una kong marinig ang acronym na AIDS. Mas madalas iyon kaysa sa HIV, at ang koneksiyon nila ay sa mas matandang edad ko na higit na nakonekta. Sa isip ko noon, isa iyong kampanya ng pamahalaan laban sa mga sakit na katulad ng malaria at tuberculosis. At katulad ng mga sakit na iyon, nasa isip ko na may lunas ang AIDS—isang maling persepsyon kung saan magpasahanggang ngayon ay may mga naniniwalang may lunas na nga ang sakit na ito.

Pinatutunayan ito ng maraming pag-aaral kung saan nagsasabing malaking bilang pa rin ng mga kabataang Pilipino ang naniniwalang may lunas na ang HIV AIDS (YAFSS 2002). Bunga niyon, ang mga kasalukuyang praktika kaakibat ng paniniwalang may lunas ito o walang tsansa ng pagkakaroon nito ang ilan lamang sa mga isyung kinakaharap ng bansa sa laban sa HIV AIDS.

Forums galore

Bilang aplikante noon ng isang organisasyon sa Unibersidad ng Pilipinas na binubuo ng mga LGBT, isa sa mga educational discussions na aming pinag-aaralan ay ang module sa HIV and AIDS. Kasama iyon sa mga dapat aralin bilang aplikante bunga na rin ng madalas na pagdidikit nito sa pagiging bakla na kinalauna’y mas nabigyan ng pagpapakilalang MSM (Men having sex with men) kung saan hindi naman awtomatikong bakla o parehas na bakla ang dalawang lalaking nagtatalik.

Ramdam ko na malaki ang naging kakulangan ng mga napag-aralan ko sa high school ukol sa HIV/AIDS dahil na rin sa maraming bagong kaalaman na hindi man lang naisali sa diskusyon noong panahon na iyon. Sa aking pagtingin, bunga ito marahil ng kakulangan ng kahandaan upang maituro ang maraming katotohanan ukol rito, dagdag pa ng pagtuturing na ‘taboo’ and maraming salitang maaaring magamit sa malalimang pag-unawa ng HIV/AIDS. Marahil din ay ayaw na nilang pasukin pa ang pagtuturo ng paggamit ng condom kung kaya’t maging ang ilang galon ng laway na kakailanganin sa pakikipaghalikan para maipasa ang virus ay hindi na nabanggit.

Sa maraming kumperensiya, forum at symposia na sinasalihan at dinadaluhan ko, nakita ko rin ang iba pang anggulo, kagaya ng mga halos hindi kapani-paniwalang paniniwala at pagtingin ng ibang tao ukol sa HIV/AIDS. Isa na riyon ang paniniwalang parusa ng Diyos ang sakit na ito at sila ay sinumpa; hindi tinatablahan ang ilang tao dahil sa taglay nilang anting-anting laban sa kung ano mang nakamamatay na sakit, o kaya naman ay wala talaga silang kaide-ideya kung ano ang HIV/AIDS.

Dito rin natutunan at higit na naunawaan ang hindi mabilang na stereotype at stigma na nararanasan ng mga People Living With HIV (PLHIV). Dahil sa kawalan ng sintomas nito sa mas maagang panahon, hindi natin malalaman ang mayroon nito liban sa mga pagsusuri na boluntaryang pagdadaanan. Ang kagyat naman na paglabas ng resulta at pagdadala nito matapos ang counselling ay nagdudulot ng dagdag na pasanin bunga na rin ng mga ilang taong may maling pagtingin at edukasyon ukol dito.

Sa matamang pakikinig at pakikibahagi sa adbokasiya sa paraan ng pagtuturo, hindi rin mabilang kung anu-ano o alin pa ang patunay na kailangang ipakita sa sino mang nasa administrasyon upang paigtingin pa ang tinatayang kulang na partisipasyon ng iba’t-ibang sektor.

Among us

Hindi bagong terminolohiya ang HIV/AIDS, lalo na sa kinalakihang komunidad kung saan noong kalagitnaan ng 1990s ay pinaigting ang kampanya laban dito. At dahil sundalo ang aking ama, minsan ko nang kinakitaan ng ilang polyetos at puting T-shirt nito na grapikong nagtuturo kung paano ito naisasalin at maging ang mga maling pagtingin kung paano ito naipapasa. Ang mga babasahin na nalikha rin noon, patalastas ay tiyak na nakapagpayaman ng kaalaman sa mga sumubaybay dito.

Epektibo ang naturang kampanya liban sa biglang pagbaba na naman ng kampanya pagtuntong ng ika-21 siglo sa bansa. Ang pagsagot ng ilang kabataan (YAFSS, 2002) na una pa lamang nilang narinig ang acronym ay masasabing isang manipestasyon ng pagbibigay-diin o pagsawalang-bahala sa sakit lalo pa’t noong mga panahong iyon ay may mababang datos ng mga rehistradong PLHIV ang bansa kumpara sa ilang bansa sa Asya.

Ilang taon na ang nakalilipas at sa patuloy na kampanya ng ilang NGOs laban sa HIV/AIDS ay kumurot sa aming puso nang malaman naming nag-positibo ang resulta ng test ng isang malapit na kaibigan. Ilang taong matapos noon ay mas lalong tumaas ang mga bilang ng rehistrado na masasabing bunga ng mas maraming taong nagboboluntaryong magpa-test. Kabahagi ito ng malawakang kampanya sa pangunguna ng mga NGOs at sa kapangyarihan ng mga datos na ipinresenta kagaya ng sa YAFSS.

Subalit, ang ilang tulong na dating natatanggap ng pamahalaan ay natapos na, kung kaya’t isang mahalagang aksyon ang pagpapanukala ng badyet na ilalaaan sa kampanya, edukasyon, pasilidad, gamot na maaaring i-subsidize sa mga PLHIV at iba pang proyekto.

Sa pagbahagi ng aming kaibigan ukol sa kanyang kondisyon, nababahala kami sa kawalan ng badyet at natapos na tulong mula sa ibang mga bansa. Iniisip namin ang halagang gagastusin kung tuluyang maubos na ang ilang gamot na dati’y halos lahat ay libreng natatanggap sa tulong ng mga grants na iyon. Sa aming pagmumuni-muni at sa biglang pagtaas ng bilang ng mga kaso sa bansa mula taong 2009, hanggang kailan tayo pwedeng umasa sa tulong ng ibang bansa? Kailan tayo tatayo sa ating sariling paa? At ilang kaso pa ba ang kailangan para paigtingin ang kampanya laban sa HIV/AIDS na siyang gumupo sa maraming bansa sa Africa?

Nakapapangamba…

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *