Alam mo ba ang ibig sabihin ng “Creative License”?
Bilang na bilang sa lima nating daliri ang mga homework, project, o papers na hindi sinangguni sa Internet. Hindi na natin kailangan pang maglakbay sa Kalaw upang maghanap ng aklat sa National Library. Hindi na natin kailangan pang humingi ng permiso sa mga unibersidad upang humiram ng libro na gagamitin sa ating mga saliksik. Hindi na natin kailangan pang magpang-abot ng gabi sa Luneta upang makahanap lamang ng makakapanayam sa case studies natin. Lahat ng mga bagay na ito ay maaari nang sangguniin sa Internet bilang nasa ‘technology age’ na ang mga kabataan ng kasalukuyan.
Ngunit sa madalas nating pagtahak sa landas na ito, hindi maiiwasan ang “copy-paste,” na siyang napakasikat na kultura ng mga mag-aaral dito sa Pilipinas. Madalas nating iniisip na hindi naman tayo sisitahin oras na kumopya tayo sa isang websayt ng ating takdang aralin. Madalas din nating iniisip na kaya ito nakapaskil sa Internet ay dahil para na ito sa publiko.
Kung susuriin, totoo nga, na hindi nga tayo sisitahin, at para sa publiko ang samu’t saring impormasyon na maaari nating makuha sa Internet. Ang totoo nga ay handang umagapay ang bawat entidad sa Internet sa pagtuklas natin ng mga bagong bagay na siyang maaaring magbigay ng kapakinabangan sa ating araw-araw na buhay.
Subalit, sa kanaisan lamang nating mga kababayang kumuha at kumalap nang hindi nagpapaalam o nagbibigay ng pagkilala, hindi nagkakaroon ng balanseng pakinabang ang lumilikha at kumakalap. Dito nagkakaroon ng initan, na siya ring nagiging daan upang kasuhan ng mga creators ang mga kumakalap ng plagiarism o pagnanakaw ng gawa.
Isa sa mga konotasyon na “All Rights Reserved” ay sinadya upang mabigyan ng karapatan ang isang may-akda ng artikulo o medium sa mga aspeto tulad ng paggawa ng kopya, paggawa ng panibagong bersyon ng akda, at pagsisiwalat ng akda. Kung nabasa mo na ito sa isang websayt, ibig sabihin ay hindi mo maaaring gamitin ang isang akda ng hindi nagpapaalam sa gumawa. Subalit, sa modernong panahon, hindi na ito binibigyang pagkilala sapagkat ang katawagang ito ay kadalasan nang inilalagay sa bawat atribusyon ng mga websayt, dahilan upang magmukha nang Public Domain o panlahatan ang partikular na gawa.
Bilang tugon, gumawa ang Creative Commons (CC) ng mga pamantayan upang limitahan ang mga akda ng mga awtor ayon sa kanilang kagustuhan o permiso. Ito ang tinatawag natin sa kasalukuyan na mga ‘Creative License’. Ipinapakita sa infographics na ito ang abilidad ng bawat ‘Creative License’, at ang kakayahan ng bawat mamamayan sa mga dokumentong kinakalap mula sa Internet.