Ganito ang takbo ng karaniwang araw ni Bilog:
Gigising nang alas-sais ng umaga si Bilog at magbibihis at magsasapatos; hindi ng polo, pantalon at itim na sapatos, ngunit sando, shorts at rubber shoes at didiretso sa basketball court na malapit sa kanila para maglaro.
Manalo o matalo, pagpatak ng alas-diyes o alas-onse, kailangan na niyang umalis at dumiretso sa tindahan ng kanilang pamilya para bantayan ito. Pagkatapos ng dalawang oras nang pagtitinda, uuwi na siya ng bahay para mananghalian. Aabutan siya ng kanyang nanay ng pera, kadalasan ay singkwenta, kapalit ng pagtulong sa kanilang tindahan.
Ala-una nabubuhay ang mga kompyuteran kina Bilog, kaya ganito ring oras siya dumadayo sa mga ito. Tatlong oras o higit pang nakadikit ang puwit sa upuan, ang mga mata sa computer screen, at ang mga kamay sa keyboard at mouse para sa maghapong paglalaro. May kasama pang pustahan, kung minsan. Ang kumakalam na tiyan na lang ang makapagpapahinto kay Bilog para tumigil sa paglalaro ng kompyuter at umuwi.
Matapos maghapunan, mag-aaya siya o aayain siya ng kanyang mga kaibigan na gumala at magbisikleta sa kalsada o simpleng pagtambay lang at tawanan. Alas-onse ng gabi, magsisi-uwian ang barkada. Mabilis na aakyat ng kwarto niya si Bilog para magpahinga at paghandaan ulit ang ganitong buhay.
Ayon sa National Statistics Office (NSO), isa sa sampu o apat na milyong Pilipinong bata at kabataan ang out-of-school-youth noong taong 2013.
Isa si Bilog sa bumubuo ng porsyentong ito. Labing-apat na anyos nang tumigil si Bilog sa pag-aaral; Grade Six siya sa isang pang-elementaryang paaralan sa Mandaluyong. Sabi ni Bilog, nalagay raw siya sa Section 9, isa sa mga “hindi maaayos” na section.
Noong una, nagka-cut lang raw siya ng mga klase hanggang humantong sa hindi na talaga siya pumasok sa eskwelahan. Naging dahilan niyang iwanan ang pag-aaral “para sa mga bagay na tingin [niya] ay mas masayang gawin,” gaya ng pag-basketball at paglalaro nga ng computer games.
Halo-halo at iba-iba ang mga dahilan ng bawat kabataan kaya sila umaalis ng eskwelahan. Nakatala sa NSO na ang pinakamataas na porsyento, 22.9%, ay dahil pumasok sa isang pagsasama o kasal ang isang kabataan.
Pumangalawa naman ang hindi sapat na pera para papasukin ang bata sa eskwelahan, na bumubuo ng 19.2%. At pangatlo, ang 19.1% ay ang mga kabataang nawalan ng interes sa pag-aaral. Kasama si Bilog sa 19.1% na iyon. Lumihis ang interes niya sa pagko-kompyuter, tila dumayo siya mula totoong mundo tungo sa isang mundong birtwal.
Napakalaki ang naging ambag ng teknolohiya sa ating panahon ngayon para sa mga pag-aaral, ngunit marami sa mga kabataan ang ginagamit ito para maglaro. Nakasisilaw ang mga nagpapanggap na mga pangakong nakapaloob sa paglalaro ng computer games. Pinapangako ng kompyuter na ito ang panandaliang kasiyahan, sinisiguro ang takas mula sa mga tila boring na totoong buhay.
“Aminado naman ako na naging mali ang desisyon ko dati na huminto,” sabi ni Bilog. Kaya, nagbagong-buhay si Bilog ngayong taon. Muling magbabalik si Bilog sa pag-aaral, sa bagong eskwelahan bilang Grade Six student para ituloy ang pag-aaral. Sabi niya, kung manlulumo lang siya sa isang sulok at maawa sa sarili, walang mangyayari sa kanya. Dagdag pa niya, “kapag ikaw ay nadapa, dapat bumangon at muling tumayo at umiwas madapa ulit.”
“Pero, alam ko na hindi magiging madali muli ang paglakad sa daan na ito,” sabi ni Bilog, tukoy ang pagbabalik niya sa pag-aral. Kahit mataas ang literacy rate ng Pilipinas para sa mga babae’t lalaki ayon sa NSO noong 2008, hindi pa rin dapat kalimutan ang mga OSYs na itong tila ninakawan ng pagkakataon para umunlad.
Napakalaki at napakalawak ang mundong-birtwal, ngunit mas malaki pa rin ang mundong tinatapakan natin ngayon. Maraming magandang matutuklasan sa birtwal na mundo na lubos na makatutulong sa isang tao. Ngunit, hindi dapat kalimutan na buksan ang mga mata sa paligid, ang totoong paligid na kahit na malungkot at tila boring ay maraming pa ring pag-asa at pagkakataon para sa ating mga kabataan. Tulad ni Bilog, kailangan lang talaga nating kumilos. Importante talaga ang pagkilos.