Kabataan, Tunay na Maasahan (PPCRV Youth Volunteers)

MP-KNN teamCommunity & Culture, Youth in ActionLeave a Comment

 

Sa tuwing eleksyon na lang ay maagap kaming nagpapalista upang boluntaryong magbantay ng boto sa araw ng eleksyon. Ito kasi ang alam naming paraan, sampu ng ilang kasamahan, upang maging kapaki-pakinabang sa tuwing may eleksyon. At dahil pa holiday ang araw na iyon, mas may kasiyahang dulot ang buong araw na pagpwesto sa presinto ng botohan kaysa tumunganga at maghintay ng resulta hanggang kinabukasan.

Photo by Eva Callueng

Photo by Eva Callueng

Marami sa amin na iyon ang dahilan, habang ang iba’y niyakag lamang at wala namang ibang pagpipilian at ayaw maiwan mag-isa sa bahay. Sa totoo lang, ang pinakaimportanteng bahagi na ginagampanan ng bawat Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Volunteer ay tumulong at mag-obserba sa nagaganap na botohan. Kasama dito ang tumulong at magbantay kung sakaling mayroon mang iregularidad habang ang BEI (Board of Election Inspectors) ang siyang may tungkulin sa kabuuang proseso sa araw ng eleksyon.

Ang PPCRV ay pinangungunahan ng bawat parokya upang magbantay sa eleksyon. Kinikilala ang bahaging ito ng PPCRV sa proseso ng eleksyon kung saan lehitimong binibigyan ng kopya ng nabilang na boto ang grupo bago at matapos ang transmission ng nabilang na balota. Karaniwang ang suporta sa buong araw na trabahong ito ay nagmumula sa 2nd collection sa simbahan upang ipambili ng pagkain mula alas-sais ng umaga hanggang madaling araw, o kung hanggang kailan natatapos ang bilangan. Partikular halimbawa sa Barangay Pinyahan, Distrito IV ng Lungsod Quezon, may ilang mga parokyano ang nag-iisponsor ng pagkain at tubig. Liban doon, ang mga lider sa parokya (Parish Pastoral Council) ang gumagawa ng paraan upang siguruhing ang mga volunteers ay may makakain sa buong araw.

Photo by Eva Callueng

Photo by Eva Callueng

Isang nakakabang araw ito sa mga kumakandidato, panahon ng asaran ng mga magkakalabang grupo at partido habang isang kaabang-abang na araw naman sa mga nagboboluntaryo, lalong-lalo na ang mga kabataan. Nakatutuwang ibahagi na sa kinabibilangang parokya malaking bilang ng mga kabataan ang aktibong nagpalista at nagboluntaryo upang tumulong sa eleksyon. Nakakatuwa dahil pinili nila ang mag-boluntaryo kaysa sa kumita sa pamamagitan ng pagfa-flyering, runner sa ilang kandidato para sa kani-kanilang quick count, pagtao sa Headquarters ng mga kandidato, o iba pang gawain na hindi nangangailan na ika’y rehistradong botante sa lugar.

Palibhasa’y ang ilan sa kanila’y hindi pa rehistrado, sila ay karaniwang na-a-assign bilang mga runners na naghahatid ng pagkain sa mga kapwa PPCRV Volunteer na nasa loob ng mga voting precincts, habang ang iba naman ay may kanya-kanyang computer desks upang tumulong sa paghahanap ng presinto ng mga nawawalang botante. Dahil ang kanilang henerasyon ay henerasyon ng computer, minabuti silang inilagay sa mga pwestong ito upang mas mabilis na makapagbigay ng serbisyo.

Ang ilang kabataan naman ay nagboboluntaryo na tumulong sa paghahanda ng mga gamit na siyang gagamitin sa araw ng eleksyon, lalo pa’t higit na malakas pa silang magbuhat ng mga silya at lamesa sa lugar na pagpupuwestuhan ng grupo ng PPCRV.

Hindi biro ang pagboboluntaryong ito, lalo pa base sa karanasan ay makakasalamuha ka ng ilang botante na pagalit pang magtatanong kung nasaan daw ang presinto nila, mga ayaw maghintay at pumila para makaboto, o yaong mga may iregularidad na nagsasabing sila ang taong nakalista kahit pa walang maipakitang patunay na sila nga ang taong tinutukoy. Dagdagan pa ng init ng panahon, hindi madaling maging kalmado, lalo na kapag ika’y sinisigawan o pinapagalitan sa kabila ng iyong pagkukusang makatulong.

Pinaalalahanan sila sa mga katotohanang ito, gayundin sa iba pang pwedeng mangyari (inaasahan man o hindi). At sa kabila noon higit dalawampung kabataan ang nagboluntaryo sa araw ng eleksyon at nanatili matapos ang ilang miting ukol sa mga dapat tandaan at malaman.

Sa mga kabataang nag-alay ng kanilang panahon at oras, ang kaalamang matututunan sa proseso ang siyang maghuhubog sa kanila upang higit na pahalagahan ang demokratikong proseso ng pagboto. Ito ang kanilang magiging matibay na sandata, pagdating ng panahon, upang higit na pagkatiwalaan ang proseso ng pagluluklok sa mga susunod na mamamahala ng bansa.

Ito rin ang kanilang pundasyon upang sa susunod na mga eleksyon ay mas handa na silang tumao sa mga voting precincts o kaya naman ay kabuuang mamahala sa mga nagboboluntaryo upang siguruhing ang ating boses sa pagboto ay namamarkahan ng sapat at tama.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *