Ni Eva Callueng, Mulat Pinoy contributor
Ika-12 ng Mayo, 2013
Isang tulog na lang at muling mapapasakamay ng mamamayan ang kapangyarihang ihalal sa pamunuan ang mga kumakandidatong tunay na kakatawan sa atin. Maririnig ang iba’t-ibang jingles at mababasa ang mga islogan na pawang naglalarawan sa kung anong plataporma at isyung kanilang ipinapangakong dadalhin kung sakaling mapanalunan nila ang posisyong minimithi.
Iba-iba ang dahilan ng mga tao sa kanilang pagpili. Ang iba’y dahil sila ang matunog, sikat at maraming patalastas sa telebisyon o radio, kahit pa wala namang malinaw na programang inihahain ang mga ito. Ang iba naman ay dahil inendorso ng kanilang paboritong tao (pulitiko man o artista), samantalang ang iba’y matiyagang nag-oobeserba sa paligid na siyang basehan ng kanilang pagpili.
Sa dami na ng ating nabasa at narinig ukol sa mga kandidato, makatutulong rin na may ilan tayong batayan sa mga huwad na tumatakbo na ang tanging intensyon ay gamitin ang posisyon sa kani-kanilang pansariling interes.
Ilan ang mga sumusunod sa mga hindi karapat-dapat na iboto:
- Hindi iboboto ang mga taong ang tingin sa posisyon ay kanilang pribadong pag-aari. Iniisip nila na parang lupang pamana na ipinapasa-pasa sa mga tagapagmana ang posisyon. Sa kanilang tingin ay sila lamang o ang pamilya lamang ang may karapatang hawakan ang posisyon, lalo pa kung matagal na panahon na ang kanilang pamilya ang naghahari sa lugar. Ang tingin nila ay pormalidad na lang ang eleksyon at sa kanilang pagkapanganak ay nakaguhit na sa kanilang palad ang posisyon.
-
Hindi iboboto ang mga may rekord ng paglabag sa karapatang pantao. Sila ang mga bratinella at bratinellong kandidato na ang tingin sa sarili ay Diyos o kaya naman ay may pakiramdam na mas mataas sila sa kapwa tao. Pyudal silang mag-isip na akala mo’y ang lahat ng kanyang sinasakupan ay kanyang mga empleyado. Sila ang mga lumalabag sa maraming karapatan ng kapwa nang hindi nila namamalayan, dahil wala silang konsepto ng kapwa na hindi kasing-antas o kasingyaman nila. Mapang-uri sila sa kapwa na siyang dahilan kung bakit hindi sila dapat mahalal sa posisyon.
- Hindi iboboto ang mga walang habas na nagdidikit ng poster sa kable ng kuryente sa kabila ng pagbabawal nito at iba pang paglabag na kung tutuusin ay maliit na bagay lang. Ang kanilang argumento ay mga tao/tagasuporta nila ang gumagawa nito. Subalit ano ba ang maasahan natin sa kanila kung umpisa pa lang ay hindi nila kayang kontrolin ang maliit nilang grupo sa pangangampanya at kung simpleng panuto ay hindi kayang sundin?
- Hindi iboboto ang walang mahusay na rekord sa pamamahala, lalong-lalo na iyong wala talagang rekord. Karanasan ang madalas tinitingnan kapag may taong nais maging bahagi ng isang grupo. Ang kanyang karanasan ang magbibigay sa kanya ng kaalaman upang higit na epektibong magampanan ang bahaging iniatang sa kanyang mga balikat. Halimbawa, ang hirap isabak sa takbuhan o pag-akyat ng bundok ang walang ehersisyo o kahit ni minsan ay hindi pa nga mismo nakakatakbo o naka-akyat ng bundok. Sa kawangis na usapin, ang hirap kasama ang ilan namang may karanasan nga sa pagtakbo at pag-akyat ng bundok subalit ibang ruta ang tinutungo dala ang pagkain ng grupo.
- Hindi iboboto ang desperadong namili ng boto, gumastos nang todo, at namuhunan na parang isang pangangalakal ang pagkakaroon ng posisyon. Sila ang mga kandidatong gumastos na parang walang bukas at umabot sa puntong bumili ng boto sa paniniwalang higit pa sa sampung beses ang balik kapag nanalo sila sa pwesto. Isipin natin kung gumastos sila ng 10 milyon sa kampanya at ang honorarium sa kanyang pwesto kada buwan ay 35,000 php lamang sa loob ng tatlong taon na nakaupo sa posisyon, makatwiran kaya ang 10 milyon kanyang nagastos? Paano na lang kung inutang lang niya ang halagang iyon?
- Hindi iboboto ang mga plastik, doble kara, at mabuti lang kapag nasa harap mo. Ilang kandidato rin ang sa totoong buhay ang sukang-suka kapag nakikipagkamay sa mga botante habang nangangampanya. Tanyag na biruan na ipinapakita maging sa mga palabas ang kandidatong todo buhos ng alcohol sa mga kamay bunga ng pandidiri sa mga nililigawan niyang botante. Literal itong pagsasalarawan subalit ang higit na mas mahalagang tingnan ay ang paglalantad ng kanilang iba’t ibang persona na nakadepende sa kanilang kaharap. Ang hirap paniwalaan ang mga kandidatong mabait sa harap mo subalit pinandidirihan ka o walang tunay na pagmamalasakit sa iyo at sa isyu ng bayan kapag nakatalikod na. Mag-ingat na hindi mahulog sa kanilang patibong na binalutan ng pagkatamis-tamis na ngiti.
Sa huling-huli, hindi natin dapat iboto silang mga kandidato na sa ating palagay ay hindi kayang kumatawan sa maliit na boses na mayroon tayo. Kung karamihan lang sana sa atin ay isasaalang-alang ang mga ito, baka sakaling maging possible ang hinahangad nating tunay na pagbabago.