Text and photo by Eva Callueng
Natapos na naman ang bakasyon kung saan nagkaroon ng pagkakataon na muling magkita-kita mula sa abalang buhay ang mga magkakamag-anak. Nariyan ang walang katapusang kainan sa hapagkainan at pangangapit-bahay upang tikman ang handa na wala sa sariling mesa.
Bukod doon, ang walang-hanggang huntahan kasama ang mga kamag-anak upang pag-usapan ang mga latest happenings sa buhay-buhay ay hindi maiiwasan. Naririyan ang mga klasikong katanungan sa mga ‘tumatandang’ babae o lalaki sa pamilya na ang kabuntot na katanunga’y kung kalian sila magsisipag-asawa. Tinatadtad din sila mas lalo sa usapan kapag hindi sila nagpapakilala ng kasama bilang boyfriend o girlfriend, sabay tonong parang may deadline kang dapat habulin sa pag-aasawa.
Ang lahat ng iyon ay kabilang sa salu-salong bahagi ng ating pagka-Pilipino. Sa madaling salita, masyado na tayong sanay sa ganoong sistema na mala-ritwal na ginagawa kada taon.
Subalit, ang pagdiriwang ng 2013 ay kaiba sa mga nakaraang mga taong pakikipaghuntahan sa mga kamag-anak at kakilala. May mga diskusyong nais mong balikan at lubhang sineryoso, kahit pa orihinal na magagaang usapan lang ang nakasanayang pag-usapan.
Alalahanin natin ang RH Bill – este, RH Law na pala ito.
Bago pa pumasok ang simbang gabi ay inaasahan ko nang magiging tampok sa mga sermon ang RH Bill at ang mga naging boto ng ating mga kinatawan sa Kongreso. Inaasahang yayanagin ng simbahan ang mga kampana hudyat ng hindi magandang kinahinatnan ng RH Bill, base sa kanilang posisyon.
Nagkalat ang mga text messages ukol sa pagsusuot ng pula bilang protesta sa pagpasa ng RH bill. Kibit balikat na binasa ang ilan sa mga mensaheng narinig habang iniisip na swerte ang pulang kulay subalit ayaw din namang suotin ito lalo na kung maididikit sa diumanong pagprotesta sa RH Bill.
Habang kumakain ng Noche Buena, nagtanong ang kapitbahay kung masaya daw ba ako sa pagpasa. Nginitian ko lang siya at batid kong naunawaan niya ng lubusan ang naging sagot. Hindi naman nagpaawat ang isa pang kamag-anak at nagsabing hindi niya raw ito sinusuportahan. Hindi na ako nagtanong kung bakit dahil ramdam kong kawangis lamang ng mga pinarrot na argumento ang sasabihin niya.
Hinayaan ko siyang magsalita at magpaliwanag kahit walang nagtatanong, at sa isang iglap ay isa na siyang lehitimong usapin kung saan nakuha ang atensyon ng lahat ng nasa compound na iyon. Sa isip ko, maganda na ring pagkakataon iyon upang mapakinggan kung ano ang kanilang saloobin bukod pa sa mga panak-naka at pahapyaw na pag-uusap noon ukol sa RH Bill. Sa tanda ko, naging mas marami ang sinasabi nila laban sa RH Bill dahil bukambibig iyon noong pari sa malapit na simbahan kahit pa walang kinalaman RH bill sa Gospel na binasa niya.
Ang sarap pakinggan kahit pa panay negatibong posisyon ang karamihan sa mga nagpapalitan ng kuru-kuro. Masarap dahil alam mong kung nabigyan lamang sila ng pagkakataon upang higit na makilala ang dating panukalang batas ay alam mong susuportahan nila. Malungkot dahil ang tanging access nila ay posisyon ng simbahan na parang dogma, na kapag hindi mo pinaniwalaan ay nakababawas ng iyong pagiging Romano Katoliko o hindi ka karapat-dapat na tawaging Katoliko.
Lumuha ang isa kong pinsan na ikinagulat ng ilan nang pinag-uusapan ang RH Bill sa ikalawang pagkakataon. Bumabalik-balik kasi sa paksa kapag may naalalang argumento. Hindi niya daw iyon gusto dahil pinilit siyang magpa-ligate ng doktor noong ika-pitong panganganak niya. Ayaw niya pa daw ma-ligate subalit walang choice at naisagawa pa rin kahit labag sa kanyang kalooban. Nawalan daw siya ng karapatan.
Sa pagkakataong iyon, ako naman ang di napigilan ang sarili sa pagsabing walang ganun sa RH. Hindi ka pipilitin kung ayaw mo at ibang kaso ang kanyang naranasan na hindi dapat idikit sa RH. Hindi iyon ang nais ng batas, paliwanag ko. Bagkus, layon nitong bigyan ng kakayahang mamili at planuhin ng mabuti ng nagpapamilya ang kanilang buhay may pamilya. Hindi ibig sabihin na may available na condom o pills ay pipilitin kayong gumamit nito dahil walang ganoong sinasabi sa batas. Layunin niyon na bigyan kayo ng choice at access sa pamamaraang sakto sa inyong nais. Medyo naunawaan niya at huminto sa pagluha. Mahirap magpaliwanag noon lalo pa’t kasalukuyang nagsasaya at umiinom ng alak.
Napakamakapangyarihan ang edukasyon, usal ko sa sarili habang tumayo na ako upang gumamit ng CR. Kung tama lang sana ang naging paliwanag sa kanila ukol sa RH Bill noon, alam kong kasama sila sa mga masasaya dahil pumasa ito bago natapos ang taon. Batid kong may ilan pa noong gabing iyon na mga hindi pa rin kumbinsido, gayunpaman, naubos na rin siguro ang 13 taong paghihintay at pakikipag-argumento sa talagang sarado sa usaping ito.