Ni Eva Callueng, contributor
Noong nagkaroon ng ordinansa sa iba’t-ibang mga munisipalidad at siyudad sa kalakhang Maynila ukol sa pagbabawas ng paggamit ng plastic, maraming natuwa bagaman may ilan din namang ikinabahala ang programang ito.
Natuwa ang karamihan lalong higit iyong may mga pakialam sa kapaligiran, dahil malaking porsyento ng basurang plastic ang mababawas. Pinatunayan lalo noong mga panahon ng matinding baha na ang plastic ang isa mga itinuturing na dahilan kung bakit nalubog ang libu-libong pamilya sa iba’t-ibang lugar. Sa kautusang iyon, tiyak na ekonomikong matatamaan ang industriya ng plastic sa loob at labas ng bansa.
Samantala, nagprotesta naman ang iba sapagkat ang paggamit diumano ng brown/recycled paper ay nagdadagdag naman daw sa mga punong puputulin. Binanggit din ng grupong di sumasang-ayon sa mga kautusang ito na hindi pwedeng lagyang ng pagkain ang mga niresiklong papel at mas maraming tubig at enerhiya ang kailangan upang gumawa ng papel kaysa plastik. Dagdag pa nila, ang tunay na problema daw ng bayan ay ang hindi masusing implementasyon ng Waste Segregation Law.
Sa mga establisyemento, may bayad na ang sinumang mangangailangan ng plastic kung kaya’t inaasahang may dalang mga lalagyan ng pinamili ang mga tao. Inilalagay naman sa brown paper ang mga pinamiling pagkain sa mga fast food at restaurant habang ipinanghalili sa mga styrofoam ang mga lalagyan ng pagkaing gawa sa papel.
Sa mga eskwelahan at ibang institusyon, kapansin-pansin na ipinagbabawal ang paggamit ng Styrofoam bago pa nagkaroon ng mga kautusan sa pagbabawas ng plastic. Layunin nitong magkaroon ng consistency sa praktika ang mga tao. Ito rin ay itinuturing na mahalagang kontribusyon na kanilang ginagampanan sa pagprotekta ng ating kapaligiran. Bukod pa riyan, may ilang mga eskwelahan rin ang nagpatupad ng self-bussing system kung saan tinuturuan ang mga batang ihatid ang kanilang pinagkainan sa hugasan at hindi na lang basta iwan sa lamesa.
Bago ipinatupad ang mga kautusang ito, mapapansin na napakalaki talaga ng ating pagkonsumo sa plastic dahil lahat ng ating mga binibili ay isinisilid sa mga plastic. Doble pa nga ang paglalagay ng iba lalo pa kung hindi kampanteng kakayanin ng isa ang mga pinamili. May mga ilang masinop na indibidwal na tinutupi-tupi ang plastic upang magamit sa iba ang mga ito samantalang diretso naman sa basurahan ang iba kahit malinis pa.
Sa sariling eksperimentong ginawa, napansin na kayang punuin ang isang malaking plastic bag ang lahat ng pinaglagyanan ng sando bags at 8×11 bags sa loob lamang ng isang linggong bumibili ng mga gulay o anumang pagkain bago umuwi sa bahay pagkagaling sa trabaho. Sa pagtataya, kung ang bawat pamilyang Pilipino ay may ganitong praktika ng pagtatapon, hindi imposibleng mapuno ng isang may kalakihang barangay ang ilang trak ng basura ng plastic kada isang linggong hakot.
Ang sumunod na tanong ay kung saan dadalhin ang mga nahakot na plastic na ito liban pa sa ilang basurang kasamang itinatapon dito. Mainam talaga sana kung nakahiwalay ang mga nasabing uri ng basura upang mairesiklo ang pwedeng mairesiko, gawing pataba ang pwedeng pataba sa lupa, at ang plastik ay maipon upang sistematikong maitapon sila lalo pa kung sinasabing ang isang pirasong plastik na hindi oxo-gradable ay tumatagal ng hanggang sampung taon bago tuluyang malusaw, matunaw o mabulok.
Sa pag-aaral ng Waste Management Department ng Lungsod Quezon bago tuluyang ipinatupad ang pagbabawas ng plastik, binanggit ng tagapagsalita sa isang interbyu sa telebisyon na ang ordinansa ay pagbabawas ng plastic at hindi pagbabawal nito. Ayon sa kanila, nakikita pa rin ang kahalagahan ng paggamit ng plastic sa ibang gawain kung kaya’t mas makatotohanan diumano ang ordinansang pagbabawas kaysa pagbabawal nito. Binibili na ang plastic kapag kakailanganin ito at sa ganoong paraan ay nayayakag ang mga residenteng magdala ng kanilang bayong o iba pang lalagyan upang maiwasan ng pagdadagdag ng bayad.
Sa paglipas ng panahon, pihadong mararamdaman na natin ang magandang dulot ng programang ito. Unti-unti na nating binabawasan ang pagkonsumo ng plastic hanggang dumating ang panahon na hindi na natin nararamdamang sanay na pala tayo sa minimal na paggamit na lamang ng plastik. Sa katunayan, pirmi nang nakalagay sa bag ang telang paglalagyan ng maaaring bilhin sa daan galing trabaho upang ipakita ang pakikiisa sa layuning ito. Bukod doon, ang paghihiwalay din ng basura gaya ng posisyon ng ilang kababayan ay ipinatutupad kung saan malaking kabawasan sa itinatapon ang mga pwedeng muling gamitin at mairesiklo.