Ni Oyes Vargas-Ledesma, Contributor
Si Linda ay isang dukhang dalagita na panganay sa walong magkakapatid. Hiwalay ang mga magulang niya dahil sa pambabae ng ama, kaya umuwi sila sa Bicol ng siya ay nasa ika-4 na grado pa lamang ng elementarya. Pumisan sila sa kanyang lola, at binubuhay ng kanyang nanay ang kanilang malaking pamilya sa pamamagitan ng pagkuha ng mga seashells sa dagat upang ilako at ipagbili para sa araw-araw na pagkain, ngunit kulang pa rin ito kaya napilitang pumatol sa isang may asawa.
Nabuntis ang nanay ni Linda, ngunit hindi ito kinilala ng lalaki sa takot na hiwalayan ng tunay na asawa. Namatay ang nanay ni Linda dahil sa komplikasyon pagkatapos ng 10 araw, at tatlong araw matapos ang graduation ni Linda kung saan nakamit niya ang 2nd honors. Toothbrush at toothpaste ang regalo ng eskwelahan sa kanya, subalit hindi napakinabangan ang mga ito dahil naibenta agad para pambili ng pagkain. Dahil sa kakapusan sa pera, halos maubos at mabulok ang ngipin ni Linda dahil ang tootbrush at toothpaste ay pangarap na lamang.
Ipinamigay ng lola ni Linda ang bata, at ipinaampon din ang ibang mga apo kasama si Linda, sa mga tita at tito. Namasukan si Linda sa isang panaderya, at nang mangailangan ako ng kasambahay ay inirekomenda siya sa akin ng lola nya. Labing-pitong taon na daw ito, at dahil sa malaking bulas, naniwala ako. Nalaman ko na lang na mag-lalabing-anim na taon pa lang si Linda.
Nakakaawa ang kalagayan niya. Nais kong bigyan ng pagkakataong magkaroon ng magandang buhay si Linda, kaya pinagsikapan ko siyang pag-aralin. Hindi siya tinanggap sa isang high school sa Laguna dahil sa kakulangan ng papeles. Naisipan kong i-enroll siya sa Alternative Learning System: isang proyekto para sa out-of-school youth na kung saan ay tuturuan at rerepasuhin ng isang guro ang mga estudyante sa mga importanteng mga asignatura na maaaring maisama sa ibibigay na pagsusulit. Kapag nakapasa ka dito, maari ka nang mag-aral sa kolehiyo. Isang proyekto ito ng pamahalaan upang matulungan ang mga kabataang nasa edad na at may kakayahang mag-aral at makatuntong sa mas mataas na grado. Isang suntok sa buwan ito para kay Linda dahil ang turo sa kanilang baryo ay kadalasan 3-4 na araw, lamang at iba ang klase ng pagtuturo. Minsan, naawa ako nang malaman ko na isang grade 4 na aklat ang kanyang binasa at nagtaka siya na hindi niya alam ang mga laman nito.
Nagkaroon kami ng usapan ni Linda na gawin ang lahat ng makakakaya upang makapasa siya. Ang oras ng trabaho niya ay kalahating araw na lamang dahil sa pumapasok siya, at ang pag-review niya pagdating sa bahay na paminsan-minsan ay nakakatulong din kahit ang mga anak at manugang ko. Tiyaga at pagpupuyat ang aming binuno.
Halos limang buwan ang nagdaan, at dumating din ang panahon na si Linda ay kumuha ng qualifying exam. May agam-agam siya, subalit lakas loob na hinarap niya ang araw na iyon. Pagkatapos ng pitong buwan na pag-aantay, dumating na ang resulta. Kinailangan ko pang tumawag sa DepEd dahil sa pangungulit ni Linda na malaman kung pasado siya o hindi.
Praise God! Pasado ang aking makulit na kasambahay! Hindi ko na inantay na makauwi ako sa bahay; tinawagan ko na siya agad. Sa kanyang kalituhan ng sinabi kong pasado siya ay naisagot na lamang sa akin ay, “Bakit po?” Nagulat din ang aking kasambahay sa resulta. Matalino pala siya!
Ang kanyang pagpupunyagi ay nasuklian ng isang napakangandang resulta.
Sa ngayon, si Linda ay naguguluhan pa rin. Ito ay kung anong kurso ang kanyang kukunin. Hilig niya ang mag sulat at gusto din niya na maging special “personal assistant.”
Anuman ang maging resulta ng kanyang kaisipan, ipinaaabot ko sa kanya ang aking pagsuporta na matupad at maabot niya ang kanyang minimithing pangarap, kasabay ang pag-asang makaipon at matulungan ang mga kapatid na ngayon ay hiwa-hiwalay ng tirahan. Alam kong mangyayari ito, sa awa ng Panginoon at sa kanyang dedikasyon sa pag-aaral. Iyan si Linda.
Tungkol sa manunulat:
Si Oyes ay 55 years old, married with two children. Nakatira siya sa Sta. Rosa, Laguna, kung saan siya ay nagtatrabaho sa Philippine Information Agency IV-A under the Presidential Communications Operations Office.