ni Jann Ericko N. Medina, Contributor
Maraming tumututol , maraming nagmamaliit sa RH Bill. Ano ba ang sanhi nito? Sadyang pakulong-kahon lang ba tayong mga Pilipino mag-isip, o kulang lang tayo sa tamang kaalaman?
‘Imoral’ ang tawag ng ilang grupo na tumututol sa pagsasabatas ng Reproductive Health Bill, dahil daw ang pag-gamit ng anong mang klase ng contraceptives ay paraan ng pagpigil sa pagkakabuo ng buhay. Tumututol din ang Simbahang Katoliko sa pagsasabatas ng nasabing panukalang batas dahil inutos daw ng Diyos na “humayo kayo at magparami.” Ngunit, gugustuhin ba ng Diyos na maraming magbuwis ng buhay dahil lamang sa pagluwal ng buhay? Malamang ay hindi.
Ngayong maraming namamatay , halos labing-isang ina na namamatay dahil lamang sa mga komplikasyon na dulot ng pangaganak , kasama ba iyon sa utos ng Diyos? Alinsabay sa pagpaparami, kinakailangan bang mamatay ang isang ina dahil lamang sa pagluluwal ng sanggol? Papaano na ang sanggol kapag lumaki? Sino ang kikilalanin niyang ina?
Ayan ang layon ng RH Bill: ang pagkaroon ng pre-natal checkups para sa mga inang buntis, nang sa gayon ay maiwasan ang mga komplikasyon sa panganganak, para wala nang nagbubuwis ng buhay.
Child labor ba kamo? Wag munang husgahan ang mga magulang. Kung alam lang sana ng mga magulang ng mga batang yan kung papaano mag-birth spacing at family planning , hindi sana sila kinakapos at napipilitang pagtrabahuhin sa kabila ng maagang edad ang mga anak nila.
Minamata ng lipunan ang nasabing panukalang batas. Ang hindi nila alam ay malaki ang maitutulong nito para lumago ang ating ekonomiya. Hindi ako tutol sa pagkakaroon ng ilan sa ating mga kababayan ng malaking pamilya; tutol lamang ako sa kawalan nila ng kaalaman tungkol sa Family Planning at Birth spacing. Hindi naman ang lalaki ang nahihirapan; siguro, kung mahihirapan man, ay para lamang sa pambayad ng pampaanak ng asawa niya. Ang babae, nakabaon halos kalahati ng katawan niya sa kumunoy, lalo na kung sunod-sunod na kada taon ay may anak.
Hindi naman masama ang magtalik. Hindi rin masama ang magkaroon ng maraming anak. Pero ang masama ay kung may nahihirapan na. Mahihirapan ang ina kung laging buntis, Mahihirapan ang mga nakatatandang kapatid sa pag-aalaga ng kanilang mga kapatid, o minsan ay mapipilitan silang mag-trabaho para may karagdagan pang pantustos sa pamilya. Mahihirapan rin ang ama dahil kinakailangan niyang mag-doble ng kayod para itaguyod ang pamilya niya.
Ang RH Bill ay naglalayon rin ng pagtuturo ng Comprehensive Sexuality Education sa mga kabataan. Marami ring tumututol dito. Bakit daw? Dahil magiging curious daw ang mga kabataan na maki-pagtalik. Pero hindi ganoon ang layon ng Comprehensive Sexual Education. Kaya mo nga ituturo, para alam na nila agad na isang maling hakbang lang nila ay maari nang bumago sa kanilang buhay. Ituturo rin dito na ang isang patak lang ng semilya ay maari nang magbago ng kanilang buong buhay. Naglalayon ito na palawakin ang isipan ng mga kabataan at intindihin nila ng maiigi ang kanilang reproductive system , nang naaayon sa kanilang edad at pang-unawa.
Para sa mga magulang na tumututol sa Comprehensive Sex Education , isa lang ang masasabi ko: ayaw niyo ba na mabuksan ang kamalayan ng anak ninyo? Gusto niyo bang lumaki lang silang hindi marunong ng family planning, o gusto niyo bang mabuntis ng maaga ang inyong anak na babae? Para sa akin, ang kaalaman ay para sa lahat, kaya dapat hindi natin sila kinukulong sa isang kahon para makapamuhay ng maayos at masagana. Ipakita natin sa kanila ang tunay na mukha ng lipunan. Sa tingin niyo po ba, gugustuhin ng mga anak ninyo na mabuntis sa maagang edad at mapabayaan ang pag-aaral? Kayo na po ang makakasagot niyan.
Ang pagkalat ng HIV ay patuloy na tumataas. Kasama rin sa RH Bill ang pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa HIV na unti-unti nang pumapatay sa ilan sa ating mga kababayan. Ang lahat ng may HIV ay hindi dapat hinuhusgahan . Ang HIV ay hindi lamang nakukuha sa unsafe sex; maari rin itong makuha sa pamamagitan ng dugo na galing sa taong may HIV, o kaya’y minsan sa gatas ng ina. Hindi dapat usigin ng lipunan ang mga mayroong HIV dahil karapatan pa rin nilang mabuhay , at mabuhay ng marangal.
Ilan lamang ang mga ito sa laman ng RH Bill, at kung papaano ito tinututulan ng ilan sa atin, na marami nang nagbubuwis ng buhay dahil sa unwanted pregnancies; sa walang kaalaman sa Family Planning; sa AIDS; sa mga komplikasyong sanhi ng panganganak. Kasama na rin ditto ang mga walang kamalay-malay na mga sanggol na ina-abort dahil sila ay mga unwanted babies na hindi kayang panagutan ng mga magulang.
Ang pagsasabatas ng RH Bill ay hindi magpapakitid ng kamalayang Pilipino. Ito ay naglalayong palawakin ang paraan nating mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, kung papaano umintindi , kumilatis at magplano para magkaroon ng magandang kinabukasan.
Kaya mulat na, Pinoy!