Celebrating Pride Month
Ni Eva Callueng
Pride, like any other virtue, is inborn to all of us. Like love, it is everywhere.
Like kindness, it can be cultivated.
Like passion, it can be motivated. Like dignity and integrity, it can be claimed and protected.
Pride is not about being selfish nor arrogant of what is possessed.
It is neither obsessive nor greedy of what is laid.
Instead, pride is an awareness of what we have: a sufficient reason to celebrate.
Pride has many colors, variations and expressions. Like a butterfly, it undergoes a process. It has no limits and boundaries for development. Most importantly, pride is not for sale, because it is about valuing one’s concept of dignified self. – Pride March 2006
Minsan, nang maatasang sumulat ng blurb ukol sa Pride, nagawa ko ang mga grupo ng mga pangungusap na ito upang ipaliwanag kung paano naiintindihan ang Pride. Ganun ko siya nauunawaan magpasahanggang ngayon, at ang mismong talata na ito ang ginamit noong mga panahong iyon.
Malalim ang pinaghuhugutan ng mga katagang ito, lalo pa’t ito ay tumutukoy sa isang bagay na siya naming pinahahalagahan bilang miyembro ng lipunan at tao. Kadalasan din na, sa paggunita ng Pride Month, ito ay ipinaaalala ang naging karanasan ng mga kapwa LGBT sa kabilang panig ng mundo.
Sa komunidad ng LGBT, ang buwan ng Hunyo ang itinuturing na Pride Month, bunga ng lapit sa makasaysayang Stonewall Riots sa Estados Unidos. Naganap ito noong Hunyo 28, 1969, kung saan piangre-raid ng mga pulis ang isang gay bar na nagngangalang Stonewall Inn. Sa kabuuan, itinuturing itong simula ng pagsibol ng LGBT Rights Movement, bilang ito ang pinakaunang pagkakataon sa modernong kasaysayan ng mundo na may malaking bilang mga grupo ng LGBT ang tumayo at nakipaglaban sa kanilang karapatang mabuhay at manatili.
Magmula noong makasaysayang pangyayaring iyon ay ginunita na sa iba’t ibang panig ng mundo ang pagkilala sa karapatan ng mga LGBT bilang pakikiisa at pag-alala sa mga kapwang naunang nakipaglaban.
Ang Pride March sa buwan ng Pride Month ay may mga kilalang panawag, kagaya ng Pride Parade, Pride Events, at Pride Festivals. Nagsimula iyon bilang Gay (at lesbian) Freedom marches, kung saan kinikilala ang iba’t-ibang sekswal na oryentasyon at gender identities, ganundin ang kanilang kalagayan at mga karapatan.
Sa bansa at sa Asya, ang kauna-unahang Pride March ay naganap sa Manila noong June 26, 1994 sa pangunguna ng Metropolitan Community Church (MCC) at Progressive Organization of Gays in the Philippines (ProGay Philippines). Naging malaking news item iyon, lalo pa’t ang tema ay umikot sa pagtaas ng VAT. Ang sumunod naman noong 1996 hanggang 1998 ay pinamunuan ng ReachOut Foundation, samantalang ang Pride March sa Kamaynilaan ay pinangunahan na ng Task Force Pride (TFP) simula 1999, liban sa 2005 kung saan isang Executive Committee ang humawak nito.
Iba’t-ibang isyu ang tinatalakay sa bawat Pride March, subalit kung titignan, ang mga tema at isyu ay madalas nakatuon sa pagpapalaya sa kaisipan ng mga mamamayan, lalo pa sa usaping homophobia at diskriminasyon. Simula 1999, matagal nang bahagi ng kampanya ang pagpasa ng batas laban sa diskriminasyon (Anti-Discrimination Bill) na pinangungunahan ng Akbayan Partylist. Naging bandera at placard rin ng kampanya ng mga Pride Marches na ito ang mga kampanya na may kinalaman, halimbawa, sa Reproductive Health Bill at Freedom of Information Bill, kung saan malayang dinadala ng iba’t –ibang grupong nakikilahok ang mga isyung nakakaapekto sa sektor at sa masa.
Sa mga bagong sibol na mga miyembro ng komunidad, ang Pride March ay nagsisilbing panahon upang ihanda nila ang sarili na magmartsa kasama ang kapwa at sabihin sa mga kinauukulan na may karapatan rin ang LGBT sa mundong ito. Ito rin ang panahon kung saan mas naiinitindihan ng ilan ang kahalagahan ng pakikibahagi sa kampanya, lalo pa’t sa mismong martsa ay may ilang relihiyosong grupo, simula 2008, ang nag-aabang sa mga nagmamartsa upang kumbinsihing magbagong-buhay daw, bunga ng diumanong ‘pagkaligaw ng landas’ at ‘panganib na mapunta sa impyerno pagdating ng araw.’
Sa mga pagkakataong iyon, higit ring nauunawaan ang ilang pampublikong polisiya na may malaking impluwensiya ang relihiyon at paniniwala, kung saan may mga LGBT ang hindi nakakapasok sa eskwelahan, hindi pinapayagang makapagtrabaho, tinatanggal, o kaya’t hindi pino-promote kahit na qualified, dahil lamang sa kanilang pagiging LGBT. Higit pa roon, may mga datos pang nagpapatunay na ang ilan ay binabawian ng buhay bunga ng hindi maipaliwanag na negatibong pagtingin laban sa mga LGBT.
Sa kabuuan, ang paggunita ng buwan ng Pride ay ang pagkilala at pagsulong sa mundong hindi kumikilala ng tao base sa kanyang sekswal na oryentasyon at gender identity, bagkus ay nagpapataas ng morale ng bawat isa sa kadahilanang ang lahat ay nais maging bahagi ng paglikha ng mundong patas, makatao, at progresibo.