Isyu ng paggamit ng condom, sa ikabubuti o higit na ikasasama?
Ni Eva Callueng
Sa kasalukuyang isyu ng Reproductive Health Bill, isa sa mga pinakamainit na talakayan ang paggamit ng condom at ang pagtuturo ng Adolescent Sexual and Reproductive Health sa mga klase. Itinuturing na kasalanan ang paggamit ng nauna, kasama ng ilan pang contraceptives, bunga ng pagpigil nito sa tinatawag na proseso ng konsepsyon.
Kinatatakutan rin na matulad ang bansa, ayon sa mga humahadlang sa pagpasa ng RH Bill, sa mga bansang malayang gumagamit ng condom, lalo pa’t malaki diumano ang tendensiya nating maging ‘promiscuous’ sa oras na maging aktibo ang gobyerno sa paglulunsad ng mga programang may kinalaman sa paggamit ng condom.
Sa kanilang pagtingin, at base sa mga istatistikang iginaya sa ibang bansa, mababago ang ating sexual behaviors dahil sa presensya ng mga nananahimik na condom. Kung mas posible man ito kaysa sa hindi, ang mas magandang tanong ay kung bakit wala tayong programang edukasyon na siyang magbibigay sa atin ng kakayahang makapagdesisyon ukol sa usaping pakikipagpatalik at sa paggamit ng condom. Sa parehas na hanay, ang mismong proseso ng pagtuturo din ng mga paksang may kinalaman dito ay agad naming tinututulan kung kaya’t ang kawawang Pinoy ay pilitang kuntento na lamang sa walang tigil na bangayan laban sa RH bill nang hindi direktang sumasagot sa isyung pare-parehas nating kinasasadlakan.
Kasalanan daw ang gumamit ng condom, lalo pa’t pinipigilan nito ang pagtatagpo at paghihinog ng itlog. Sa puntong iyon, marami na ang gumamit ng argumento na ang pinipigilan nito ay ang pagtatagpo na nangangahulugang walang pagsira sa nahinog na itlog ang naganap at maaaring maganap. Bagkus, walang paghihinog ang maaaring maganap sapagkat pinigilan na ng condom ang pagbyahe ng nasabing mga semilya.
Sa kung papaano naging kasalanan ay iyon ay hindi lubos na maunawaan ng marami, lalo pa kung hindi sila naniniwala sa konseptong ang nag-iisang layunin ng pakikipagtalik ay pagbubuntis. Sasabihin natin agad na hindi lahat ng pakikipagtalik ay may pagnanais na pagbubuntis, at hindi lahat ng nabuntis noong nakikipagtalik ay ginusto.
Malabong isipin na sa lahat ng pagkakataon ng pakikipagtalik ay naghahangad tayo ng pagbubuntis, lalo pa kung responsible kang tao at alam mo na may kinakailangang kahandaan bago mo sabihing handa ka nang maging ganap na magulang. Ibig sabihin, ang pagdedesisyon ng kahandaang magbuntis ay bunga ng malalim na pag-iisip at pagkonsidera sa mga sitwasyon, kagaya ng kakayahang maibigay ang atensyon at pagmamahal na nararapat sa bagong isisilang.
Liban pa ito sa usapin ng ekonomikong kakayahan, lalo pa’t hindi naman nais mag-anak ng mag-anak at kalimutang may obligasyon tayong palakihin sila ng may disenteng kalagayan. Sa parehas na punto, kayhirap ding paniwalain ang mga tao na dapat lamang silang makipagtalik kapag handa na silang maging magulang. Sa pagbuo ng isang malusog na pamilya at relasyon ng mag-asawa, ang hirap paniwalaan na nagtalik lamang sila ng tatlong beses sa buong buhay nilang mag-asawa dahil tatlo ang anak nila, o kaya naman ay 15 beses lang kahit sabihin pa nating maka-limang ulit na pagsubok ang ginawa nila upang mabuo ang bawat isang anak. Matinding pagpipigil at disiplina ata ang kailangan dito upang maging tapat sa turo ng relihiyon.
Kung withdrawal naman ang sagot, ang tanong ay ano ang kaibhan nito sa natatapong semilya sa naiipon ng condom at pag-wiwithdraw, kung saan maaaring namali ng timing at tamang-tama lang ang natira upang makabuo. Sa paggamit ng condom, malinaw ang intensyon mo na mapigilan ang pagbubuntis, kumpara sa nabuong wala kang kahandaan ni kagustuhan at sa kalauna’y parurusahan mo bunga ng hindi mo siya ginusto.
Sa hirarkiya ng kasalanan, kung pinaniniwalaan natin ito, malinaw na ang paggamit ng condom (kung kasalanan man ito) ay may magaan na sentensiya kumpara sa pagbuo nang hindi kagustuhan at pagiging iresponsable sa mga obligasyong nakakabit sa pagkakabuo. Hindi lamang iyon: ang pagbibigay ng maayos na buhay sa isisilang at gawing moral at responsableng mamamayan ng bansa ay nakadikit sa proseso ng pakikipagtalik, ginusto man natin o hindi ito. Kung titingan, tiyak na mas malaki ang kasalanan ng mga taong iresponsableng nakikipagtalik, kaysa sa mga gumamit ng condom na una pa lang ay pinagdesisyunan nang hindi pa sila handa sa mga oras na iyon.
Sa usapin ng mas higit at realistikong pagtingin sa mga bagay-bagay, alam natin ang bahaging ginagampanan ng piraso ng latex na ito, depende sa kung ano ang tunay na pinapahalagahan mo.