Ni Eva Callueng
Bata pa lang tayo ay naimulat na tayo sa kahalagahan ng kalinisan, partikular na sa tamang pagtatapon ng basura. Nagkaroon pa nga ng kaliwa’t kanang kampanya ang gobyerno at pribadong sektor upang tutukan natin ng atensyon na ang hindi tamang pagtapon ng basura ay nagdudulot ng pinsala sa lugar. Kung matatandaan, mayroon pa ngang ilang epektibong komersyal sa telebisyon na tumutukoy sa pagtatapon ng magulang ng batang nakasakay sa kotse habang sila’y bumibyahe. Nabihag tayo ng ilang bersyon ng paalalang iyon kung kailan naging pamoso ang mga katagang, “Kung ano ang ginagawa ng matatanda, sa mata ng bata ay nagiging tama.”
Sa mga nakaraang panahon ay dinaluyong tayo ng ilang malalakas na ulan na tumama sa bansa. Marami sa ating mga kababayan ang napinsala. Ilang buhay ang nalagas at ari-ariang nasira, na magpasahanggang ngayon ang ilan sa kanila ay hirap pa ring alpasan ang sinapit na kapalaran.
Matapos ang mga pangyayaring iyon, lalong higit ng Bagyong Ondoy na hindi malayo sa mga nakatira sa Metro, kitang-kita ang basura sa kapaligiran na umaapaw at naging dahilan sa mabagal na pagsipsip ng mga drainage bunga ng tubig-ulan. Tambak na basura ang tumambad sa atin, na sa maniwala man ang iba o hindi, ay naging pagkakataon pa sa ilang bata upang gawing swimming pool at diving area.
Sa mga basurang nakapaligid, karamihan doon ay plastik ng basura na sinasabing dekada bago tuluyang matunaw at ilang diapers na nakabuyangyang. Sa aming pag-iikot, ang hirap makapaniwalang may mga taong nakukuhang itapon lang ang mga diapers o napkins sa kung saan-saan. Hindi naman kasi mahirap na ayusin ang pagtali nito saka itapon sa basura. Ilang plastic din na pinaglagyanan ng chihirya ang nakakalat kasama ng ilang basurang nabubulok na.
Matagal nang naipatupad ang segregation scheme ng ilang lokal na pamahalaan, subalit kung lilibot ka sa paligid ay ilan lang talaga ang tumutupad dito. Naalala ko pa noon na may mga sulat mula sa lokal na gobyerno ang mga araw ng koleksiyon ng basura na nakakaklasipika ayon sa kanilang uri. May paalala pa nga sa sulat na ang sinumang hindi sumunod ay hindi kokolektahin ang basura, bagay na naging hudyat upang sumunod ang ilang residente sa lugar.
Noong unang mga linggo ay masusi ang magkakapitbahay sa sistemang iyon, subalit ang hindi pagsunod ng ilan at pangongolekta pa rin kahit hindi ayon sa klasipikasyon ay naging dahilan upang katamaran ang ilang linggong naging praktika saka bumalik sa dating gawi. Hanggang ngayon ay hindi mahigpit ang pagpapatupad ng nasabing polisiya, kung kaya’t nakadaragdag pa sa gawain sa hanay ng mga nasa Waste Management Program.
Sa mas maliit na antas ay makikita ang sistemang ito kung saan mapapailing ka na lang sa ilan na walang habas ang pagtatapon ng basura habang nakasakay sa pampublikong sasakyan tulad ng dyip, bus, traysikel at maging mga taxi. Bagaman may pamantayan ng pagkakaroon ng basurahan sa loob ng mga pampublikong sasakyan, hindi pa rin maiwasan ng ilan ang nakasanayang pagtatapon ng basura sa kalsada.
Simula sa maliit na balat ng kendi hanggang sa isang plastik na puno ng basura ay inihahagis nila ito na parang ang kapaligiran ay isang malaking basurahan. Minsan pa nga pag-uwi sa bahay ay may mag-inang umiinom ng softdrinks na naka-plastik sa dyip. Tinanong pa ng bata kung saan itatapon ang kalat saka kinuha ito ng ina at itinapon sa labas. Nagulat man ang ilan sa nakakita ay nagkibit-balikat na lang na parang walang nakita. Siguro walang gustong manita para walang diskusyon, walang away o baka wala na ring pakialam.
Gustong-gusto ko siyang pagsabihan noong mga oras na iyon dulot ng sama ng loob ko sa ginawa niya. Pakiramdam ko ay walang hustisya niyang nilalapastangan ang kapaligiran sabay na tinuturuan ng hindi magandang asal ang anak na musmos. Malamang na gagayahin siya nito o kaya nama’y iisipin niya na okay lang na magtapon dahil wala namang nagagalit.
Inipon ko ang lakas ng loob upang pagsabihan siya subalit ng nakalap na ang mga tamang salita upang sabihan ang aleng nagtapon ng basura sa labas ng dyip ay saka naman ang pagpara nito sa susunod na kanto.
Nakasasama ng loob, nakakapanghinayang na hindi ko nasabi ang gusto kong sabihin sa kanya. Handa pa naman ako sa magiging matamis at mabilis na litanya. Yung hindi siya mapapahiya pero makikitang mali ang naging asal niya. Siguro sa susunod na lang kapag nagkaroon ng pagkakataon, para hindi naman sabihin ng iba na panay lang ang reklamo ko laban sa mga taong “tapon dito, tapon doon.”
Sasabihin ko sila, papaalalahanan, kukumbinsihin na iwaksi ang asal na nakadagdag pa sa di-mabilang na problema ng bayan. Kaunting bagay lang iyon para kahit papaano ay maging bahagi ng resolusyon.