Homosekswalidad: Isang kasinungalingan?

MP-KNN teamUncategorizedLeave a Comment

Ni Eva Callueng

Ginulantang ang marami sa mga naging pahayag sa Twitter ni Ms. Universe First Runner-Up Miriam Quiambao sa kanyang mensahe kay Donald Trump, may-ari at tagapamahala ng Miss Universe Pageant. Bunga ito ng polisiyang pagbubukas ng pinto ng Miss Universe para sa mga transgender candidates simula 2013. Sinabi niya ang kanyang posisyon ukol sa pagsali ng mga transgender candidates na dapat raw ay para lamang sa mga ipinanganak na babae. Sinabi niya na ang nilikha daw ng Diyos ay babae at lalaki lamang, at ano pa mang operasyon ay hindi makakabago nito.

Matatandaan na unang na-diskwalipika ang kandidatang si Jenna Talackova ng bansang Canada sa Miss Universe Canada bunga ng pagiging transgender nito.  Naging malaking isyu ito na ‘di kalauna’y pumabor din sa kanya at pinayagang sumali sa kanilang Pageant na gaganapin ngayong buwan ng Mayo. Ang pagpayag ng pamahalaan ng Miss Universe ay naging hudyat sa pagbubunyi ng komunidad ng LGBT bunga ng pagkilalang iginawad sa mga transgender women.

Sa pangyayaring ito, tinanong ni Miriam Quiambao kung ano na ang nangyari sa katanungang ano ang esensiya ng isang pagiging babae (what happened to the essence of being a woman), na naging dahilan ng palitan ng mga kuru-kuro sa ilang social media networking sites. Sa ilang websites, isinalaysay  na may mga taong ipinanganak na may reproduktibong sistemang  walang kakayahang magbunga dahil sa kondisyong kasama sa pagpapanganak sa kanya (baog, o kaya may inverted ovaries), samantalang ang iba naman ay naaksidente, pinipiling hindi magbuntis o maging single hanggang pagtanda, menopause: ibig bang sabihin noon ay natatapos na ang kanilang pagiging babae?

Sinagot din ng ilan na ang pagiging babae ay isang katauhan na nararapat igawad ng taong gustong mamuhay bilang isang babae. Hindi raw sapat na maging basehan ang sistemang reproduktibo sapagkat ang pagiging tao (babae, partikular na ideya) ay hindi lamang nag-uumpisa at nagtatapos sa kung ano ang mayroon sa pagitan ng kanyang hita.

Subalit hindi nagtapos sa usaping pagpasok ng mga transgender candidates sa Miss Universe ang usapan, at tumawid pa sa isyu ng homosekswalidad. Ilang interbyu sa telebisyon ang kanyang pinaunlakan matapos ang palitan ng mga komento sa online media na siya ring inulan ng balitaktakan, hindi lamang sa hanay ng komunidad ng LGBT subalit maging ng mga taong sumusuporta sa mga naging pahayag ni Miriam.

Sa isang panayam sa telebisyon ay sinabi niya na ang homosekswalidad ay isang paglihis o pagkaligaw ayon sa Bibliya. Naliligaw ang mga homosekswal at nangangailangan daw ng gabay, kung kaya’t sinasabi niya ang mga iyon kahit pa masaktan ang kausap.  Ito rin daw ay kasinungalingan mula sa demonyo.

Sa  pagkakataong iyon ay tuluyan nang sumilab ang damdamin ng ilan kung saan umabot pa ang argumentasyon sa personal na atake laban kay Miriam na isang diborsyada. Sa ilang opinyon sa Twitter, sinasabi nila na kung ang homosekswalidad ay isang kasinungalingan dapat tingnan ni Miriam ang kanyang istatus sa buhay kung saan mariing tinututulan ng simbahan ang diborsyo na itinuturing ng simabahan na isang pagkaligaw.

Marami ang nalungkot sa paulit-ulit na paglutang ng  usaping ito kung saan may mga pumapalagay na nagbabago lang ang salitang ginagamit kapag pumoposisyon sa isyung ito. Nagsimula ito noon na itinuturing na kasalanan ang pagiging homosekswal. Nagbagong-anyo ito at naging posisyon na hindi kasalanan ang maging homosekswal subalit ang pagsasapraktika nito ang siyang kasalanan. Iyon ang naging daan sa pagkaroon ng mga konsepto kagaya ng ipinahayag ni Miriam.

Maaaring isa lang si Miriam sa mga may pangalan sa lipunan na may lakas ng loob na ipahayag ang saloobin, at marami sa atin ang tikom-bibig na lang sa isyu o sadyang walang pakialam. Hindi lamang ito tungkol kay Miriam, kung hindi tungkol sa maraming taong ipinapako sa krus ang kapwa-bunga ng pagiging LGBT.

Sabi pa ni Miriam sa kanyang tweet, kung saan humihingi siya ng paumanhin sa mga nasaktan sa kanyang mga nasabi, siya raw ay tagahatid lamang ng mensahe at sinasabi niya iyon dahil mahal niya ang LGBT.

Subalit, katulad ng kahit ano pa mang mensahe na inihahatid sa atin, marapat lamang na magkaroon tayo ng kakayahang kilatisin at siyasatin ito. Siguraduhing walang dagdag-bawas, hindi nahaluan ng opinyon, o ng kasinungalingan  diumano na inaakala nating katotohanan. Dahil sa huling-huli, hindi natin pwedeng pasinungalingan  ang paghihirap na dinaranas ng mga LGBT sa lipunan na bawat araw ay kinaklasipika ng mapang-uring lipunan.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *