Sa ilang mga bata at sa mayorya ng mga batang Pilipino, matindi ang mental conditioning kung papaano dapat tayong lumaki. Kabilang dito ang malimit na pagtatanong sa kung ano ang gusto nating maging paglaki, na kadalasa’y naiimpluwensiyahan ng kung ano ang itinurong “gusting maging” ng ating mga magulang o sino mang madalas nating nakakasama.
Klasikal nating tinatanong ang isang bata sa kung ano ang kanyang pangalan, edad, saan nakatira, at ang pangalan ng magulang. Kung nakuha na natin ang loob nila, tinatanong pa natin kung anong gusto nilang maging paglaki nila.
Karamihan sa mga sagot ay pagiging doktor, nars, abugado, pulis, sundalo, guro, piloto at kung anu-ano pang higit na sikat na propesyon sa kanilang kapaligiran. Halimbawa, ang isang batang lumaki sa pamilya ng mga sundalo ay tiyak na sundalo rin ang isasagot ng mga batang anak nito, lalo pa kung makisig at tapat na ginagampanan ng kanilang magulang ang nasabing trabaho.
Iniidolo naman ng mga anak ng guro ang kanilang magulang, kung kaya’t kahit pagod nilang nakikita ang magulang sa paghahanda ng mga ituturo at pagwawasto ng tambak na mga papel, nakikitaan nilang masaya naman ito kung kaya’t nagiging malaking impluwensiya ang kapaligiran ng isang bata sa kanyang gustong maging paglaki niya.
Mag-aaral siyang mabuti dahil nakatuon ang kanyang pokus sa pagkamit ng kanyang pangarap. Sagana din sa eskwelahan ang pagtuturong susi sa kanyang pagkamit ng pangarap, at tagumpay ang pag-aaral ng mabuti at pagpapanatili sa pagpokus na makamit ang pinapangarap.
Nasa kanyang isip na kapag nag-aral siyang mabuti, nakakuha ng mataas na grado at aktibong nakikilahok sa mga gawaing pang-eskwelahan at komunidad ay nahahasa ang kanyang natural na talent sa komunikasyon at pakikisalamuha na isa pa ring elemento sa pagkamit ng tagumpay.
Sa kanyang pagtatapos sa mataas na paaralan ay abala niyang pinaghahandaan ang kolehiyo bunga na rin ng kaisipang kapag natapos niya ito ay pihadong makakamit niya ang pinapangarap na nakaayon sa kursong pinili niya (kahit noong bata pa siya). Paghuhusayan niya ang pag-aaral lalo pa’t mataas ang binabayad ng kanyang magulang sa kanyang matrikula. Naulinigan pa nga niya na nangungutang ang kanyang nanay sa bumbay dahil sukol na din ang utang ng tatay niya sa opisina dahil sa kanyang matrikula. Sa likod ng isip niya ay sinasabi niyang kaunting tiis na lang ay matatapos din siya at makakapagtrabaho . Sa gayo’y mababayaran na nila ang mga inutang at kahit papaano’y aangat ang pamumuhay. Pinangako niya iyon sa sarili na agad na magtratrabaho at kikita upang mabigyan ng kahit kaunting kaginhawaan ang magulang at ilan pang natitirang nag-aaral pang mga kapatid.
Saktong dalawang taon na magmula ng siya ay magtapos sa kolehiyo subalit wala pa rin siyang nahahanap na trabaho ayon sa kanyang kurso. Sa isip niya ay tama naman ang naging landas na tinahak niya, ayon sa pormula ng tagumpay na siya ring ginamit ng maraming nagtagumpay sa buhay. Sa kanyang isip ay wala naman siyang tinalunang proseso at sa katunaya’y marami pa siyang idinagdag tulad ng pagsa-sideline kapag kinakapos siya ng naiipong baon para sa mga proyekto sa eskwelahan. Mataas naman ang kanyang grado subalit hindi niya lubos maisip na mas matindi talaga ang kumpetensiya kapag naghahanap na siya ng trabaho.
Sa isang posisyong inaplayan, dalawa na lang silang natira at kampante siyang makukuha siya dahil nagpabalik-balik pa siya sa simbahan ng Baclaran nagdadasal para makuha iyon. Halos mabuwal siya sa pagkalumo nang sabihing tatawagan na lang siya at dahil nagkapalitan na sila ng numero ng babaeng ka-kumpetensiya niya sa posisyon ay napag-alaman niyang iyon ang nakuha dahil may pinsan pala sa loob. Nalungkot siya sa katotohanang kailangan niyang maghanap ng trabaho na walang kinalaman sa kanyang kurso. Subalit kailangan niyang tanggapin iyon dahil iyon ang “kalakaran.”
Sabi pa nga ng kapwa niya aplikante sa isang opisinang inaaplayan “Grabe, brod! It’s not what you know, it’s who you know. Ganyan din nangyari sa girlfriend ko. Cum Laude pa iyon ha, hindi siya nakuha kasi may backer sa loob.” Hindi niya inaasahang marinig iyon sapagkat sa isip niya ay isolated case ang nangyari sa kanya doon sa isang opisinang pang-gobyerno na inaplayan niya.
Nawawalan na siya ng loob at naalala kapag nire-recite niya sa klase ang gusto niyang maging kapag tinatanong ng guro. Sa loob-loob niya, sana pala ay sinabi niya na lang na gusto niyang maging agent- agent ng mga naghahanap ng trabaho. Naiiyak siya pero sya na ang susunod na iinterbyuhin at sa oras na iyon, ayaw niyang masabihang tatawagan na lang siya. Suko na siya.