Si Dina at ang PMAC

MP-KNN teamUncategorizedLeave a Comment

 Ni Jonathan Monis, Contributor

Tatlong araw na ring hindi pumapasok sa eskwela si Dina. Siya ay nasa kanyang dormitory, nagkukulong at ayaw lumabas. Halos isang linggo niya na rin tinitiis ang kirot ng sikmura at lagnat, pero walang nakakaalam ng kanyang karamdaman maliban sa kanyang malapit na kaibigan at kasama sa kwartong si Mariz. Ngayon ay masasabi niyang isa ito sa pinakamasaklap na parte ng kanyang buhay. Dahil hindi lang tumindi ang kirot ng kanyang tiyan, hindi niya na rin matimpi at maikubli ang dugo na lumalabas sa kanyang pwerta kasama ng masangsang na amoy nito.

Photo courtesy of mymorningmeditation.com

Takot. Takot ang ngayo’y nangingibabaw. Takot na mas namumuno pa sa kirot at hirap na nadarama. Takot sa dalang panganib sa kanyang buhay ngunit ayaw niyang pumunta sa pagamutan dahil sa isa pang takot. Takot na makulong at malaman ng lahat ng tao ang krimen na kanyang ginawa, na mahuli na siya ay nagpalaglag ng nabuo sa kanyang sinapupunan.

Naisipan niya’ng labanan ang mga takot at napagdesisyunan na humayo sa pinakamalapit na ospital. Sinubukan niyang tumayo at tiisin ang sakit pero wala na siyang lakas kaya siya rin ay tumumba at unti-unting nawalan ng malay.

Nagising siya pero wala pa sa tamang wisyo. Napansin na ang lugar ay hindi pamilyar. Ilang minuto rin bago niya napagtanto na siya ay nasa ospital. Napapikit na lang siya at nagpasalamat sa Diyos at sa kung sino man ang nakapagdala sa kanya doon. Nagpasalamat rin siya sa pangalawang buhay na binigay sa kanya. Ngunit bumalik rin agad sa kanyang isip ang takot na kanina’y kanyang sinubukan niyang labanan, kaya hindi niya rin naiwasang kabahan at nagwika sa isip na “bahala na.”

Maya-maya’y narinig niya ang isang yapak sa pasilyo kaya minulat niya ang mata at nakita ang isang nars na papalapit. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso at parang bumagal rin ang kanyang mundo na parang sa pelikula. Gustuhin niya man maghanda ng sasabihin sa papalapit na nars pero wala na ring oras.

Nang siya’y malapitan, ito’y ngumiti at tinanong ang kanyang pakiramdam. Nagulat si Dina at nagtaka. Akala niya siya ay pagagalitan, mumurahin at kukutyain gaya ng kanyang nasaksihan nang dinalaw niya sa ospital ang isang kababata na nagsapit ng parehong sitwasyon noong isang taon.

Naisip niya na siguro ay hindi pa nila alam ang kanyang ginawa.  Pero imposible. Dahil ang kaso niya ay di nalalayo ng sa kaibigan. Naging maganda rin ang trato ng lahat ng tauhan ng ospital kay Dina. Nagtataka man pero siya ay parang nabunutan ng tinik.

Tinanong rin siya kung ang nangyari ba ay sinadya. Hindi na rin siya tumanggi at humahagulgol habang nagkekwento sa kanyang sinapit. Walang ginawa ang nars kundi makinig at hayaan siyang magkwento. Nakatulong ito upang gumaan ang kanyang loob.

Ilang araw pa ang lumipas. Unti-unting bumalik ang lakas ni Dina. Unti unting humihilom ang sugat na natamo pati na rin ang kalbaryong sakit at nag-aapoy na lagnat. Dumating ang araw ng kanyang pag-alis. Lumabas si Dina kasama si Mariz sa ospital. Siya pala ang nakakita kay Dina na nakahiga sa sahig. Lumabas si Dina na magaan ang loob at nabawasan ang bigat na nadarama subalit siya ay babalik para sa kanyang “follow-up check up.” Habang naglalakad papalabas sa pasilyo, siya’y napahinto at napasilip sa isang kwartong puno ng mga tao. At binasa ang nakapaskil sa pintuan “2nd Batch of PMAC Training.”* Pagkatapos, siya ay nagpatuloy at nagpasalamat na kahit papaano’y naging mabait pa rin sa kanya ang Diyos sa kabila ng kamaliang kanyang nagawa.

Photo courtesy of http://flickrhivemind.net/

*Ang Prevention and Management of Abortion Complications ay isang programa upang matugunan ang pangkalusugan at pangmedikal na pangangailangan ng kababaihan na dala ng kumplikasyon ng aborsyon sa kahit ano pang kadahilanan. Tinuturo rin dito ang pagbibigay ng makataong serbisyo at mangibabaw ang tungkulin na sumagip ng buhay sa mga kiling at inklinasyon ng mga manggagawang pangkalusugan na  nagdudulot ng diskriminasyon, pisikal at berbal na imposisyon.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *