Lumaki sina Karen* na maalwal ang pamumuhay. Lahat sila ay nakapag-aral sa pribadong paaralan na hatid-sundo pa ng school bus. Malapit lang ang bahay nila sa isang pampublikong paaralan sa parehas na elementary at sekundarya, subalit sa kagustuhan ng magulang na maibigay sa kanila ang lahat ng mabuti at maganda sa buhay ay pinalaki ito sa buhay na mas angat kumpara sa mga pinsan nito na nasa compound. Palibhasa’y kalakasan pa nito at pabalik-balik sa bansang Saudi Arabia, masasabing hindi naman nakaramdam ng pagkukulang ang kanyang mga anak sa kanyang presensya sa usaping material na pangangailangan. Pinuno ito ng maalagang ina kung kaya’t lumaki silang bahay-ekswela at simbahan lamang kapag Linggo ang alam na ruta.
Maayos ang buhay nila noon, subalit hindi nagtagal ay bumalik ang ama, at hindi na pwedeng makabalik pa sa Saudi Arabia bunga ng bukol na tumubo sa tiyan. Malignant ang bukol na iyon at naging simula upang bumagsak ang kanilang kabuhayan. Malaki ang naging gastusin sa pagpapagamot, kung kaya’t kinailangan nilang lumipat sa pampublikong paaralan. Hindi pa naging maganda ang kapalaran sapagkat isang taon malipas ang deteksyon ng sakit at tuluyang iginupo ang kanilang ama. Nasaid ang kanilang mga naipong pera at kinailangan nilang magtrabaho upang may kainin.
Hindi iyon lubusang naiintindihan ni Karen. Panganay siya sa tatlong magkakapatid at nagsimulang sisihin ang magulang sa paraan ng pagpapalaki sa kanila. Hindi daw dapat ganun lalo pa kung hindi naman kayang panatilihin ang ganung istatus. Kinasuklaman siya ng mga kamag-anak sa ganoong pananaw. Ingrata daw ito at imbes na magpasalamat sa magulang ay paninisi pa ang iginanti niya.
Siguro ay may punto si Karen lalo pa’t nahihirapan silang makapag-adjust bunga ng matibay na pader ng proteksyon na itinayo ng magulang nila para sa kanila. At sa oras na kailangan na nilang lumabas sa pader na iyon ay wala silang kalaban-laban bunga ng kakulangan ng interaksyon at karanasan upang makipagsabayan sa karamihan.
May punto nga siguro siya, subalit may mali lang sa paraan ng pagbibigay ng mensahe, kung kaya’t hindi siya nauunawaan ng mga kamag-anak.
Naghanap siya ng pagmamahal at kalinga na nag-uumapaw niyang tinatamasa noon. Nagkaroon ng boyfriend at naging mas madalas ang paggamit ng telepono at Internet upang madagdagan pa ang mga kakilala. Halos tatlong beses din siyang nagpalit ng boyfriend sa isang taon, hanggang sa nabuntisan na siya ng huli. Kagyat itong tinutulan ng lahat, lalo pa na wala naman silang trabaho para buhayin ang nasa sinapupunan. Pero dahil nga unang apo iyon, tinulungan siya ng mga kamag-anak sa pag-asang hindi na ito masusundan pa hanggang hindi pa ito nakatatapos ng pag-aaral at makahanap ng maayos na trabaho.
Madalas ang naging pag-aaway nila ng kinakasama, na nauuwi pa sa sakitan. Masama rin ang loob ng kaniyang bunsong kapatid dahil sa hindi daw nito pag-iisip sa kinabukasan. Imbes daw na mag-aral at magtrabaho ito habang may tumutulong pa sa kanila na kamag-anak ay lalaki ang inatupag nito at nagbuntis pa. Mas dumalas ang iringan sa isang bubong na tinitirahan nilang lahat. Naging mala-impyerno ito na maaaring nagtulak sa sumunod na kapatid na mag-asawa na rin upang makaalis sa bahay na iyon. Nabuntis rin iyon at sumama na sa kinalauna’y naging asawa.
Sa sumunod na taon ay nagbuntis pa ulit si Karen. Kahit pa naghihimagsik ang mga tumutulong sa kanilang kamag-anak ay wala silang magawa kung hindi magpaabot ng tulong sa pambayad sa ospital ng pinag-anakan. Huling pagtulong na daw iyon at panahon na upang matuto silang tumayo sa sariling paa lalo pa ngayong dalawa na ang anak nila.
Naghanap sila ng trabaho at sidelines. Kahit papaano ay nakakain sila at nakakaraos. Bumukod sila ng tirahan upang maiwasan na ang iringan sa kapatid subalit nagbunga pa ang pagbubukod iyon ng mas malaking gastos sa upa. Bukod pa doon, nabuo rin ang ikatlo at ikaapat na pagbubuntis.
Hindi maunawaan ng lahat ang ginagawa ni Karen. Alam na alam naman niyang hindi na sapat ang kinikita at nagdagdag pa ito ng pangatlo at pang-apat na anak. Hindi nagkulang ang Health Center sa pagpapaalala sa kanya gayundin ang mga kaklase niya noong elementary na nag-ambagan pa para lang makalabas sila ng anak sa ospital.
Kahit kailan ay di niya sinabing ayaw niya o gusto ang pagbubuntis. Wala lang siyang gustong gawin upang pigilan ito. At nang minsang naglakas loob akong tanungin siya kung bakit hinayaan niyang umabot sa apat ang anak niya, sinabi niya na lang na para tumahimik daw ang mga tao sa paligid niya sa pamumuna sa gusto niyang gawin sa buhay niya.
Natahimik na lang ako ng marinig ko iyon at nagdadasal na sana ay nauunawaan niya ang sinasabi niya.
*di tunay na pangalan
One Comment on ““Pagbubuntis bilang porma ng rebelyon””
Ang ganda ng mensahe ng artikulo mo, Eva.
Rebelyon man ang kanyang mga pagbubuntis, marahil ang pagmamamhal na hinahanap ni Karen ay nararamdaman lamang nya sa piling ng kanyang mga anak at katipan kahit na salat ang kanilang pamumuhay. Masakit naman para sa kanyang mga magulang hindi lamang ang pagbulusok ng kanilang dating marangyang buhay, kundi pati na rin ang paninisi sa kanilang paraan ng pagpapalaki sa kanilang mga anak. Pero sana maunawaan ng lubusan ni Karen na hindi kagustuhan ng kanyang mga magulang na maghirap sila.
Gayunpaman, ang naging sitwasyon nila bilang isang pamilya ay paalala sa ating mga Pilipino na bagamat magandang layunin, ang pagbibigay ng komportableng buhay sa mga anak habang bata pa sila ay may epekto sa kanilang kakayahang magdesisyon ng maayos at kumilos ng akma lalo na sa oras ng kagipitan pagtanda nila.