Ni Eva Callueng, Contributor
Sa kulturang mayroon tayo, hindi madaling basagin ang mga usap-usapan, lalo pa kapag nabalitaang buntis ka. Anumang pagbabago sa katawan, pagtaba o pagpayat ay may katumbas na balita na pawang kinaiinisan bunga ng kahihiyang idinudulot ng mga kumakalat na balita. Siguro, kung totoo ang kumakalat na balita, ang pagsugpo na lang nito sa pamamagitan ng pag-amin ang paraan upang manahimik ang mga nagkakatihang dila sa paligid. Kung hindi naman totoo at talagang nakasisira na ng pangalan, pihadong gulo at away ang katapat upang magtanda ang mga nagkakalat ng di tamang balita.
Sa kaso ni Joanna, mas kaunti na lang ang nagtanong kung totoo ngang buntis siya dahil na rin sa hayagan na nitong sinasabing nagkamali nga siya. Mas gusto na ng magulang niya na sabihin niya at maglakad-lakad siya sa paligid na nakadamit pambuntis kaysa pagbulung-bulongan ito ng mga tao.
Nasa ika-apat na antas na si Joanna sa mataas na paaralan, subalit kinailangang siyang huminto kahit pa mag-aanim na buwan pa lang ang kanyang ipinagbubuntis sa takdang panahon ng kanyang naantalang pagtatapos ng hayskul. Sarili niyang choice ang paghinto upang maalagaan na din niya ang bunsong kapatid na katatapos lang magdiwang ng kanyang unang kaarawan.
Buong-puso niyang ibinahagi na nagkamali siya, at kagaya ng maraming akala, di niya inaasahang magdadalang-tao siya sa unang pagkakataon ng pakikipagtalik sa boyfriend. Kaklase niya ito, at di gaya ng kanyang naging kapalaran, nagpapatuloy pa rin ito sa klase na parang wala namang nangyari. Binibisi-bisita niya si Joanna paminsan-minsan pagtapos ng klase, at dinadalhan ng ano mang makakaya nitong meryenda.
Sa pagiging mabait at tahimik na panganay na si Joanna, hindi lubos maisip ng magulang, maging ng mga kapitbahay nito, na mabubuntis ito ng maaga. Masipag kasi siya at likas na maalaga sa kapatid, lalo pa noong nasundan matapos ang sampung taon ang kanilang pinakabunsong kapatid. Naghahatid pa nga ito sa eskwelahan sa kanyang pangatlong kapatid, kaya kahit pa may boyfriend, kumpiyansa ang magulang na hindi ito makagagawa ng bagay na maaaring sumira sa plano niya sa kolehiyo.
Nagbago ang lahat ng iyon nang mag-positibo ang kanyang pregnancy test. Nanginginig pa nga daw siya noong makita ito, at tinanong pa ulit ang kasama niya na mag-test kung iyon nga ba ang ibig sabihin ng nakikita niya. Mala-pelikula daw at literal na gusto niyang himatayin. Pumasok sa kanya ang konsepto na ipalaglag ang ipinagbubuntis, subalit agad niyang binawi sa isip dahil na rin wala siyang kilala na makatutulong sa kalagayan niya. Pinagkakatiwalaan siya ng husto ng magulang, kung kaya’t nang minsang umuwi ito sa probinsiya at siya lang ang naiwan ay nabuo ang hindi nila parehas na inaasahan.
Nagsisisi daw siya na sinira niya ang tiwala ng magulang, subalit wala na siyang magagawa kung hindi tanggapin ang naging bunga ng kanyang minsang ‘pagkakamali.’ Hindi daw niya ito sinasadya habang nangingilid pa ang luha na ikinukwento ang nangyari sa pinsan na kasama niyang lumaki.
Kung papipiliin daw siya at kung maibabalik ang panahon, ayaw pa niyang maging nanay. Hindi pa siya handa. Marami pa siyang gusting abutin sa buhay, gaya ng tapusin ang pag-aaral at matulungan ang magulang, lalo pa’t panganay siya sa limang magkakapatid. Gusto rin daw niya na maraming mapuntahang probinsiya sa bansa lalo na kapag nakikita niyang nagpo-post ang kaklase niya na palaging isinasama ng magulang kapag may biyahe ito sa loob ng bansa. Alam niya hindi niya na iyon matutupad, o kung matupad niya man iyon ay pihadong matagal pa. Kailangan niya kasing mag-alaga ng anak, at kasama na ito sa lahat ng mga konsiderasyon kung may nais itong gawing bagay, gaya ng pag-aaral, pagbiyahe o kahit simpleng pagpunta lang sa tindahan para bilhin dahil walang mag-aalaga rito.
Dagdag pa niya, sa ganitong sitwasyon ng maagang pagbubuntis, palaging talo ang mga babae dahil tayo daw ang nahihinto sa pag-aaral, nag-aalaga, may malaking pagbabago sa buhay at nakasalang ang isang paa sa hukay sa panahon ng panganganak. Samantalang ang mga lalaki daw ay maaari lang magpatuloy sa buhay na parang walang nangyari lalo pa kapag iresponsable.
Sa murang edad ni Joanna, na-realize niya ang lahat ng iyon. At sa muli niyang pagbubukas upang bigyang buhay ang artikulong ito, alam kong marami siyang natutunan sa nangyari na gusto niyang ibahagi para sa katulad niyang kabataan na nadapa at handing tumayo upang tahakin ang mas nakabubuting daraanan.