Ni Eva Callueng
Sa di maipaliwanag na dahilan, kahit hindi naman ganoon kadami ang kakilalang Anti-RH, ang boses na mayroon sila ay tila napakalakas kumpara sa 6 sa bawat sampung makakasalubong na sumasang-ayon sa panukalang batas na ito. Sa sampung iyon, pinapalagay na ang 2 pa doon ang hati pa ang opinyon samantalang ang natitirang dalawa ay yaong may mahigpit na pagtanggi sa pagpasa nito base sa kanilang pag-unawa sa ibubunga ng RH Bill kung sakaling maipasa.
Sa mga kapilya hangang sa malalaking katedral na pinamumunuan ng mga paring sa(g)rado Romano Katoliko, ang pagpasok ng RH Bill sa bawat sermon, kahit malayo pa ang kinalaman nito sa mga pagbasa (una at pangalawa) at Mabuting Balita ay dominante. Para itong isang aralin sa eskwelahan na inuukit sa isipan ng mga nagsisimba. Subalit, ang kaibhan ay hindi maaaring magtaas ng kamay ang mga nagsisimba upang tanungin ang pari kung sakaling may tinututulan ito sa kanyang mga ipinapahayag. Hindi katulad sa paaralan: ang mga guro ay natutuwa kapag may talakayang nagaganap sa pagitan ng mga estudyante, lalong higit kapag ang karunugan ay tumitimo dulot ng malalim na pag-unawa rito. Sa simbahan, habang may homiliya o sermon, ay hindi ka pwedeng magpakita ng di pagsang-ayon sa pari (habang may misa) o mababansagan kang bastos o may sapi kapag ginawa iyon selebrasyon ng Eukaristiya.
Sa kasaysayan, wala pa akong nakikitang sinuman na nagtaas ng kamay para magtanong habang nagsasalita ang pari. Sa pagkakaalala ko, masyado pa akong bata noong itinaas ko ang aking kamay para magtanong sa pari, subalit hindi ako pinansin nito at nakaramdam ng pagkapahiya bunga ng kawalan ng rekognisyon noong mga oras na iyon. Saka ko lang naisip na ang ganoong format ay hindi tulad sa eskwelahan sapagkat malinaw naman na indoktrinasyon ang bahaging iyon ng misa.
Sa mga repleksyon noong lumaki na, naisip na ganun na lamang marahil ang pagkauhaw ng ilang dating miyembro ng relihiyong Romano Katoliko kung kaya’t ang kanilang mga testimonya sa telebisyon ukol sa pagkasagot sa kanilang mga katanungan ay nabigyan ng puwang sa ibang relihiyon na nilipatan nila. Ang pag-unawa daw nila ay higit na napalalim, at ang kagustuhan nila sa mga sagot na matagal nilang ninais marinig ay natagpuan sa bagong kinabibilangang relihiyon.
Sa kawangis na kwento, may mga ilang kaibigan ang tumigil sa pagsisimba dahil sa diumanong baluktot na pagdadahilan ng hirarkiya sa usaping Reproductive Health. Nakagigilalas ang ganitong katotohahan bunga ng bilang ng mga tupa (kung tupa man ang tingin sa mga alagad gaya ng nasusulat sa Bibliya) na huminto sa daloy ng paglalakad dahil ang pinagkatiwalaang pastol ay hindi na niya kayang pagkatiwalaan pa. Hindi na nila kayang ipagkatiwala pa sa mga pastol na iyon ang kanilang kinabukasan, at ang sampu ng kinabukasan ng mga susunod na henerasyon, dahil sa kawalan ng ‘choice’ na sila namang pinaniniwalaang pinakamahalagang regalo ng kanyang Panginoon.
Ang usaping RH ay isa sa mga isyu na gumuhit ng malalim na pagkakakilanlan sa pagitan ng mga interpretasyon ng iba’t-ibang paniniwala. Iba’t-ibang ingay ang nalikha na pabor at di-pabor sa isyu. Iba-ibang apila rin ang ginagamit ng parehas na grupo upang higit pang makapanghikayat at sumama sa kanilang kawan. May mas makapangyarihan, mayroong mas may kakayahan na magmobilisa ng mga tao at may mas maimpluwensiya bunga ng access na mayroon ito sa mga tao sa araw ng linggo. Subalit ang usapin ay hindi natatapos sa kung sino ang mas may malakas na nagagawang ingay na nakakakuha ng atensyon ng mga tao. Hindi rin ito natatapos sa iisang mensahe na mayroon ang hirarkiyang Romano Katoliko kung saan ang RH Bill ay panganib umano sa pamilyang Pilipino, at ang RH Bill ay katumbas ng aborsyon. Ang usapin ay nananatili sa malayang talakayan at pakikipagtalastasan base sa lohika at kritikal na pag-aanalisa ng tunay na kalagayan ng bawat pamilyang Pilipino. Tungkol rin ito sa pagpapahina ng argumento na ipinepresenta ng bawat panig base sa istruktura, ebidensiya, katotohanan, at pagpapatunay (kung kinakailangan) na base iyon sa maling pagrarason.
Sa huli, ang usapin ay nananatili sa pagbibigay ng mapagpipilian na pamamaraan ng pangangalaga sa kalusugang pangreproduktibo ng bawat pamilyang Pilipino, kagaya ng pagbibigay ng mapagpipilian ng Diyos sa atin. Ang bawat pamilya ay makapipili sa kung anong klase o kalidad ng pamilya ang nais niyang likhain. Sa usaping iyon, sigurado na walang pamilyang Pilipino ang nais maligaw ng landas sapagkat pinapatnubayan siya ng paniniwalang nakabase sa katotohanan at katarungan.