Ang pagkakasing-hanay ng RH Bill at Anti-Discrimination Bill

MP-KNN teamUncategorizedLeave a Comment

Ni Eva Callueng

Ang kamakailang pahayag ng Santo Papa sa harap ng humigit kumulang 180 diplomats para sa Bagong Taon ay nagpainit sa maraming isyung may kinalaman sa adbokasiya ng mga grupo ng LGBT sa bansa. Sa kanyang mensahe, sinabi nito na ang gay marriage ay isa sa maraming banta sa sangkatauhan at ang impluwensiyang mayroon ang pahayag na ito ay gumuhit ng ilang mga batikos mula sa komunidad.

Sa kaugnay na pahayag at sa panayam na isinagawa ng GMA news, sinabi ni Archbishop Oscar Cruz na siya ay nakikisimpatiya sa komunidad ng LGBT. Winika niya na wala namang patutunguhan ang ganoong pagsasama sapagkat ang dalawang may parehang kasarian ay magsasama at mamamatay na silang dalawa lamang.

“What is there that comes from it? Nothing! They are two, they remain two, and they die two. There is not a possibility of them really for a union, much less procreation.”

Sa mga pahayag na iyon, kagyat na nagsilabasan ang mga reaksiyon sa iba’t-ibang social media networking sites, kagaya ng pagtinging ang pagsasama ng dalawang taong nagmamahalan ay tila dapat awtomatikong nagreresulta sa pagkakaroon ng supling o tradisyunal na depinisyon ng pamilya: Ama, Ina at anak. Sinabi rin ng ilang mga hindi sumasang-ayon sa pahayag na insensitibo ito sa ilang heterosekswal na mag-asawang may problema sa kalusugang reproduktibo kung kaya’t hindi nagkakaroon ng supling. Kawangis na argumento din ang ipinahayag kung saan may mga mag-asawang piniling hindi magkaroon ng supling sa kung anumang dahilan liban pa sa kawalan na ng kakayahang reproduktibo.

Ang palaging pagtingin na ang (di) pagkakaroon ng supling ang basehan ng saysay ng isang relasyon/pagsasama ay malinaw na kinritiko ng ilang indibidwal. Bagaman hindi na bago ang ganitong mga pahayag mula pa sa pinakamataas sa hirarkiya ng relihiyong Romano Katoliko pababa hanggang sa mga alagad ng simbahan sa bansa, patuloy pa rin ang pakikibaka ng komunidad upang magkaroon ng pantay na legal na karapatan ang lahat ng tao, mapa-lesbiyana man, bisexual, gay o transgender.

RH Bill at Anti-Discrimination Bill: D.E.A.T.H. bills!
Malinaw na itinuturing na kabilang sa prominenteng bansag na ‘D.E.A.T.H. (Divorce, Euthanasia, Abortion, Total Contraception, Homosexuality) bills’ ang Reproductive Health Bill at Anti-Discrimination Bill. Bunga niyon, naturalmiente na ganun na lamang kasigasig ang nasa kampo ng simbahan na tutulan ang pagpasa ng kahit na anong panukalang batas na mababansagang DEATH bill.

Sa kasaysayan, ang parehas na panukalang batas na ito ay mahigit isang dekada nang naka-tengga sa mababang kapulungan at sa kawangis na kapalaran, may kanya-kanya rin itong mga kinakatakutang susunod umanong panukalang batas na iaadbokasiya kapag pumasa ang alinman dito. Ibig sabihin, ipinapalagay lamang na kapag pumasa halimbawa ang Reproductive Health Bill ay aborsiyon naman o kaya’y diborsiyo ang susunod na iaadbokasiya, o kaya naman, kapag pumasa ang Anti-Discrimination Bill, same-sex marriage naman diumano ang susunod na ikakasa sa kongreso.

Kung titingnang mabuti ang parehas na nilalaman ng dalawang panukalang batas, WALA sa kahit na anong probisyon o seksyon sa RH bill ang tumutukoy sa aborsyon. Bagkus, marami pa ngang naisusulat na artikulo ukol sa panukalang batas na ito na nakikita ng mga sumusuporta sa RH bill ang isang solusyon upang bumaba ang lumolobong bilang ng aborsyon sa bansa. Ang pagkakaroon ng edukasyon ng mga tao ukol sa kanyang reproduktibong kalusugan at paggamit ng pills, condoms, IUD at iba pang angkop na paraan upang planuhin ang pagbubuntis ay pinaninindigang suporta pa nga. Kung iisipin, maaaring dramatikong mabawasan nga ang aborsiyon kung planado ang pagbubuntis at 100 porsyentong WALANG kinalaman ang RH bill sa aborsyon, kagaya ng ibinibintang at presentasyon ng mga Anti-RH bill.

Sa kabilang banda, ang Anti-Discrimination Bill naman ay ukol sa pagkakaroon ng pantay-pantay na pagkakataon ng mga tao, lalong higit sa usaping pagtratrabaho. Nilalayon ng panukalang batas na ito na lumikha ng isang komunidad na kumikilala sa pantay-pantay na karapatan ng mga tao, kahit ano pa man ang kanyang sexual orientation o gender identity. Matatandaan na ang pinanggagalingang argumento ng panukalang batas na ito ay ang bilang nga mga napapabilang sa komunidad ng LGBT na hindi tinatanggap sa eskwelahan, binu-bully, hindi tinatanggap sa trabaho o tinatanggal o kaya nama’y walang pantay na access sa pangunahing mga serbisyong panlipunan bunga ng kanilang pagiging LGBT. Sa premise na ito, WALA ni isang ideya o probisyon sa kahit na anong seksiyon ang tumutukoy sa same sex marriage gaya ng presentasyon o paniniwala/pagpapalagay ng mga tumutuligsa dito.

Magkawangis na daan ang tinatahak ng parehas na panukalang batas at pihadong gayundin sa iba pang mga panukalang batas na mababansagang kabilang sa DEATH bills. Habang ang hirarkiya ay abala sa mga panibagong ibabala laban sa mga DEATH bills na ito, hindi rin naman maitatago ang bilang halimbawa ng mga kababaihang namamatay araw-araw bunga ng mga komplikasyong may kinalaman sa kanyang pangkalusugang reproduktibo, kahit pa may mga pamamaraang malaon nang ipinagkait sa kanya o kaya nama’y bilang ng mga LGBT na patuloy na nakararanas ng diskriminasyon dahil sa pagiging LGBT niya.

Ang lahat ng ito ay magpapatuloy dahil lamang ipinapalagay ng hirarkiya na ang mga panukalang batas na iyon ay walang kaibhan sa same sex marriage o aborsyon.

Hay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *