Ni Eva Callueng
Kapag binabanggit ang salitang ‘aktibismo,’ pihadong maraming kabataan sa kasalukuyang panahon ang may ibang konotasyon sa salita. Ang iba ay may pag-ilag kaagad, samantalang mabigat naman ang dating sa iba. Karaniwan kasing idinidikit ito sa mga protesta o rally sa kalsada, kung saan ang marahas at madugong pagpapatigil nito ang madalas na ipinapakita sa telebisyon.
Ang konotasyon din ay idinidikit noong mga panahong mas buhay na buhay ang student activism, kung saan madalas mabanggit sa mga oryentasyon sa mga pulitikal na grupo ang malawak na kasaysayan at karanasan ng mga lider estudyante na nag-aklas noong panahon ng Batas Militar. Sikat na sikat din ang First Quarter Storm, kung saan malaking bilang ng mga organisasyon sa mga pamantasang pang-gobyerno ang nalikha upang magpahayag ng kani-kanilang saloobin sa nangyayari sa bayan. Nakikita ang gawaing ito bilang isang responsibilidad, lalo pa’t ang pagpapa-aral ay ang buwis ng mamamayan kung kaya’t nararapat lamang na gantihan ito sa pamamagitan ng mga makabuluhang pakikilahok sa mga isyung kinakaharap ng bansa.
Dito nakilala natin sina Lean Alejandro, Popoy Lagman, Edgar Jopson, Eman Lacaba at iba pang mga lider na nagbuwis ng dugo, panahon, at buhay upang makamit ang kalayaang inaasam. Sa pamamagitan ng kanilang panulat, pananalita, sining, maging kapasidad sa pag-oorganisa sa hanay ng mga estudyante, ang mga lider na ito ay nagmarka ng mahalagang bahaging ginagampanan ng mga mag-aaral.
Ang pinagkaiba
Minsan nang naitanong sa ilang diskusyon ukol sa kaibhan ng mga kabataan noon sa ngayon, lalo na sa usaping pampulitika ng bansa. May mga naniniwalang ibang-iba na raw ang mga kabataan ngayon at inaakusahang mga walang pakialam sa mga nangyayari sa bayan.
Malinaw raw na halimbawa dito ang 300 porsyentong pagtaas ng tuition fee sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan hindi ito naawat ng kahit na anong kilusang pang-estudyante. Bilang resulta nito, malaking bilang din ang hindi na nakapasok sa Unibersidad o lumipat sa mga pamantasang mas mababa ang tuition fee. Kinomento rin ng isang dating aktibo sa samahan ng kabataang pulitikal sa naturang unibersidad na ang protesta na ginagawa, halimbawa, ng mga nasa PUP (Polytechnic University of the Philippines) ay hindi matatawaran, kung saan nananatiling may boses pa rin ang mga estudyante upang singilin sa obligasyon ang pamahalaan at awatin ang pagtaas ng Tuition Fee upang magkaroon ng access sa edukasyon ang mahihirap na mga estudyante.
Sa mga komentong ito, madalas hanapin ang nawawalang koneksiyon. Repleksiyon na rin ito sa kung papaano na nakikilahok ang mga kabataang mag-aaral sa mga isyu ng bayan. Ang hindi gaanong napansin ay ang pulitikal na konteksto noong panahong iyon sa kung bakit kumikilos ang maraming kabataan, gaya na lamang ng pagkawala o paglimita ng mga basic na karapatan katulad ng paglabas sa gabi (curfew), pagbabahagi ng opinyon, at malayang pamamahayag. Ang mabilis din na paglipana ng kaliwa’t kanang teknolohiya para sa mas mabilis na pakikipagkomunika ay wala noong panahong iyon, kung kaya’t ang kanilang talento sa sining ng paglikha ng paraan upang maipasa ang mensahe ay kinailangan.
Noong panahon ring iyon ay sinasabing mas personal ang dating sa mga kabataan ng mga isyu, lalo pa’t nakasalalay sa sinumang namumuno ang budget na inilalalaan kada taon para sa mga pampublikong paaralan. At bilang may kinalaman sa kanyang magiging kinabukasan ang bawat isyung kinasasangkutan ng bansa, marapat lamang na aktibo siyang makibahagi at makialam kung nakikitang may hindi na tama sa pamamalakad nito.
Sa ngayon, ang maraming mag-aaral daw ay higit na abala sa maraming bagay dulot ng mabilis na pagbabago ng panahon, mapa-aspetong teknolohiya man o pulitikal. Ibig sabihin, mas lumaki ang tendensiyang makiayon sa pag-agos ng mundo lalo pa’t hindi maawat ang mabilis na pagbabago nito. Kagaya na lamang daw diumano ng minsang pagiging pinaka-makapangyarihan ni GMA sa bansa at sa isang iglap ay kalaboso ang hantungan, bunga ng mabibilis na pag-agos ng mga pangyayari.
Pesimistiko man ang paniniwala bunga ng malayong paghahalintulad ng mga karanasan ng mga kabataan noon at ngayon, marami pa rin ang nagsasabing mali ang nasabing simetriko ng pagkukumpara at bilang produkto ng maraming elemento sa lipunan, ang ating sagot ay nananatiling angkop lamang sa panahon at sitwasyong kinasasangkutan. Napapanahon.
Iba pang porma
Marahil ay ibang-iba at hindi tamang itulad dahil na rin sa hindi na “epektibo” o angkop ang mga dating istratehiya sa ngayon. Maaari ding maling sabihin na wala nang pakialam ang mga kabataan ngayon dahil lang sa ibang midyum ang kanilang pinipiling gamitin sa pakikibaka sa kasalukuyang panahon.
Sa patas na pagtataya, mahalagang isipin na hindi lamang iisa ang porma ng aktibismo. Nagbabago ito ng kusa ayon sa pinaniniwalaang silbi nito sa kahit na anong adbokasiya at panahon. Ang pagtungo sa kalye para ibandera ang mga saloobin (EDSA strategy) ay maaaring hindi na angkop sa panahon, kung kaya’t paggamit na lamang, halimbawa, ng mga social media networking sites, paggawa ng mga pelikula/video saka i-uupload sa youtube ang in sa kulltura.
Pinaniniwalaang walang mas higit o kulang sa istratehiya ng adbokasiya. Walang mas tama o mas mali. Mas magagaling na kabataan noon o ngayon. At ang tunay na sukatan ay ang pagbabago ng mentalidad ng mga tao at kakayahang kolektibong mapakilos ang mga ito para sa tunay na pagbabago ng sistema, mabagal man ang usad nito.