Sex Talk

MP-KNN teamTeen Pregnancy, The Changing Youth6 Comments

Photo via SplitShire

Kapag nagkukuwentuhan ang magkakaibigan mula sa malayong byahe o kaya nama’y walang tulugang inuman, hindi mawawala ang diskusyon sa pakikipagtalik at mga preferences dito. Kahit antok na ang kausap ay tila nabubuhayan ang mga ito dahil na rin sa kasalatan ng kaalaman sa paksang napag-uusapan. Kumabaga, malaking pagkakataon iyon para marinig nila ang iba pang kwento o karanasan at naipaghahambing nila ang mga nalaman mula sa iba pang kwento o mga patakas na napanood na video ng porno mula sa iba’t ibang midyum gaya ng Internet.

Ganado ang lahat sa diskusyon tungkol dito at masayang nagbabahagi ng mga kaalaman samantalang ang iba ay nagtatanong pa kapag may mga nais silang klaruhin. Masaya ang balitaktakan kapag iyon na ang paksa, lalo pa’t ang pagkatuto ay ganun na lamang. Ang kaalaman ding iyon ang siyang tuntungan upang mas maanalisa ang iba pang sitwasyon tulad na lamang ng pagtaas ng HIV/AIDS at iba pang Sexually Transmitted Infections & Diseases (STIs, STDs).

Paano ba talaga mabuntis?

May mga pagkakataon na halos makaihi na ang iba sa katatawa dahil sa ibang inaakalang tama ng ilan ukol sa kung paano nabubuntis ang isang babae. Bunga iyon ng kasalatan ng diskusyon kung kaya’t kung anu-anong pausong kwento ang nalikha para lamang takutin o pigilan ang ilan na pag-usapan ang sex. Ang hindi nila alam ay naglikha pa ito ng mas mataas na kuryosidad ng mga tao kung kaya’t mas marami ang sumubok nito at piniling danasin nila mismo upang patunayan kung totoo ba ang mga sabi-sabi. Dahil rin walang gustong magpaliwanag at iniiwasan ng mga nakatatanda ang paksang ito, kung anu-ano ring dahilan ang sinabi nila para lamang ligawin sa tunay na isyu ang mga kabataang uhaw sa kaalaman.

Isa sa mga hinala sa kung bakit hindi ito pinag-uusapan ay takot na maging promiscuous ang mga kabataan o kaya nama’y subukin ito. Sa kabaligtaran, ang kawalan ng diskusyon ng mahalagang aspeto ng sekswalidad ng isang tao ang siyang naging mitsa upang higit nilang punan ang nag-aalab na kuryosidad na hindi sineseryoso ng mga mas nakatatanda sa kanila.

Kabilang sa mga nakakatawang kwento na inakalang totoo noong bata pa ay ang paghalo ng ihi ng babae sa ihi ng lalaki ay magreresulta ng pagkabuntis. Nararapat daw na huwag talagang tangkaing pumasok sa CR ng lalaki, o kaya nama’y kung mahaba ang pila sa CR at hindi mapigilang umihi sa puno ay krusan ito at duraan para hindi mabuntis. Ang isa nama’y inakala ding ang pakikipaghalikan ay nakakabuntis kaya’t ganun lamang ang takot nito ng makipaghalikan sa boyfriend noon siya ay hayskul pa lamang.

Ang mainit din na pakiramdam kapag kasama ang gustong tao o kaya nama’y kakaibang pakiramdam katulad ng mabilis na pulso at basang pakiramdam sa maselang bahagi ng katawan ay iniiwasan sa pagligo o pag-inom ng malamig na tubig. Iba-ibang paraan din para hindi mabuntis ang inakalang epektibo subalit sa paglao’y kabahagi pa rin ng mga haka-hakang nalikha na hindi winawasto ng kahit na sino.

Sex positions

Nakakatawa ring pakinggan ang ilang mga pausong sex positions na diumano’y pag-iwas sa pagbubuntis. Nariyan ang patuwad na posisyon o kaya nama’y hindi tuluyang pagpasok ng penis. Bukod rito, ang klasikong withdrawal method ay isinasagawa rin kung saan madalas ang pagpalya. Ang hindi naiwasto ay ang pre-ejaculation na maaaring maging sapat upang makabuntis.

Ibinahagi rin ng isa na agarang binubuhusan ng suka ang maselang bahagi ng babae sa paniniwalang walang mabubuo kapag ginawa ito. Pinapatay raw ng suka ang mga semilya kung kaya’t naiiwasan ang pagkikita nila ng egg cell. Kapag naman daw nabuo na ang (hindi) inaasahan, iba-iba pa ring metodo upang tanggalin ito sa takot na maaaring matanggap mula sa magulang at masamang tingin ng mga nakapaligid dito. Ilan ding babae ang mas dehado sa sitwasyon dahil kung sila ay nasa hayskul pa ay hindi pinapayagang magmartsa ng ilang eskwelahan lalo pa kung malaki na ang tiyan nito.

Learnings

Hindi natatapos ang kwentuhang iyon ng antok. Sa katotohanan, nauulit lang ang kwentuhan kapag may pagkakataon na para bang narinig ang kwento sa unang pagkakataon. Paulit-ulit ang pagbabahaging ito kung kaya’t halos memoryado na namin ang bawat kwento at ang mga bagong kwento ay nakapapanabik na pakinggan.

Magpasahanggang ngayon, bilang rin lang ang grupo ng mga barkadahan na ganun kabukas ang pag-iisip sa pagbahagi ng mga kwentong noo’y inakala nating “X” rated or for adults only. Ang hindi naintindihan ng mga nakatatanda ay isa itong pangangailangan na siyang susi sa higit na pagkilala sa sarili at kapwa. Ang kasalatan at kakulangan nito ay humahantong lamang sa higit pang pagnanais na higit na matuto. Ang hindi rin nila naintindihan (silang mga sumisikil sa mahalagang impormasyon na ito) hanggang ngayon ay mas maraming kabataan ang sinusubok ang kanilag siniil na kuryosidad kung kaya’t sa kanilang pag-eeksperimento ay nabuntis o kaya nama’y nadapuan ng (hindi) inaasahan. Huli na kung tutuusin bago nila natutunan ang proteksyong kaalaman.

6 Comments on “Sex Talk”

  1. MP-KNN team

    Maaari nang makabuntis ang lalaki kapag nag-umpisa na siyang magkaroon ng sperm cells sa semen (semilya) niya. Nangyayari ito sa panahon ng puberty, mga edad 11 to 15, kaya maaga pa lang ay kaya na niyang makabuntis. Basahin ito: http://www.sharecare.com/health/sexuality-teen-perspective/when-boys-able-girl-pregnant

    May bago ring research na nagsasabi na kahit ang pre-cum (fluid bago ang ejaculation) ay maaaring magkaroon ng trace ng semen. Basahin ito: http://sexetc.org/info-center/post/sperm-and-pre-cum-what-you-need-to-know/

    Kaya ipinapayo pa ring gumamit ng condom kung hindi pa handa sa pagbubuntis ang nagtatalik.

    Salamat sa tanong! Stay safe 🙂

  2. MP-KNN team

    Ang pagbubuntis ng babae ay hindi naka-depende kung ito ay nilabasan o nagkaroon ng orgasm. Ang pangunahing rason sa pagbubuntis ay kung nagkaroon ng sexual intercourse sa loob ng fertile period ng babae. Iba-iba ang fertile period depende sa menstrual cycle, pero ito ay madalas na limang araw bago ng ovulation.

    Para sa mga detalye ng fertility at menstrual cycles, basahin ito: http://www.webmd.com/infertility-and-reproduction/fertility-awareness

    Stay safe and take care of yourself!

  3. ren

    tanung ko lng po kapag po ba naputukan k ng tamob ng lalaki sa unang pagkakataon maari po bang mbuntis yun?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *