Hagdang palayan at walang katapusang pagbubuntis

MP-KNN teamNews ArchivesLeave a Comment

Ni Eva Callueng, Contributor

Madalas na naririnig na ikomento ng mga tao na kung sino pa iyong kapos sa buhay ay sila pa ang madalas magbuntis at may kakayahang reproduktibo na magpalaki ng pamilya. Kumpara sa ilang mga handa nang magpamilya (pinansiyal, sikolohikal at iba pang aspeto ng buhay), sila pa itong madalas makita sa Ubando na nagsasayaw para humingi ng supling o kaya nama’y nag-nonovena para lamang makabuo.

Sa kung ano mang dahilan at paliwanag kung bakit ganun ang pagkakataon, ang katotohana’y nakasasalay sa maraming supling na hindi pinlano, ginusto ng ilang inang may kakapusan sa kaalaman upang maglagay ng tamang espasyo sa panganganak.

Tandang-tanda ko pa sa isang interbyu na isinagawa para sa isang dokyumentaryo, nabanggit ng ilang nagtratrabaho sa ilang NGO na mas maayos na ngayon ang kalagayan ng ilang kababaihan kumpara noon na kinakailangan pa nilang hingin ang permiso ng asawa upang payagan silang magpatali (tubal ligation). Sa naturang interbyu din lumabas ang ilang pagbabahagi ng ilang ina na kinonsulta pa rin ang asawa o kaya nama’y hiningi ang kanilang permiso upang payagan silang gumamit ng pills, magpa-inject o kaya nama’y magpa-IUD (Intra Uterine Device).

Marami sa mga kababaihan ng Paradise Village ang nagsabing hindi rin naman kasi pumapayag ang kanilang asawa na gumamit ng condom kung kaya’t ang kontrol ay nakasalalay sa kanilang nagbubuntis. Palibhasa’y alam na nila ang panganib at hirap na pinagdadaanan sa sunud-sunod na pagbubuntis, sila na mismo ang lumalapit at kumkunsulta sa kapwa mga ina sa lugar upang makakuha ng pinakahustong reproduktibong metodong bagay sa kanila.

Hagdan-hagdan

Ang biruan sa kanilang lugar at biro na rin na tinanggap ni Aling Celia ay isang hakbang lang sa kanya ng asawa ay nabubuntis na kaagad siya. Ibig sabihin, madali siyang mabuntis kahit sa isang pagtatalik lang bukod pa sa wala rin namang balak ang kanyang asawa na gumamit sila ng reproduktibong metodo para planuhin ang pagbubuntis at pagpapalaki ng pamilya. Marami rin siyang kaparehas sa lugar, at karamihan sa kanila’y may kahawig din na kwento. Subalit ang kaiba sa kwento ni Aling Celia ay ang pagkakaroon niya ng sakit na hika kung kaya’t may mas mataas na panganib sa tuwing nagbubuntis at nanganganak. Minsan na din itong nakunan ng madulas ito habang hinahabol ang isa pang batang kasalukuyang inaalagaan.

Sa edad na 26, mayroon na dapat siyang limang anak kung saan ang isa ay nakunan. Sa loob ng limang taon ay taun-taon siyang nagbubuntis, at dahil sa pagsuko na rin ng mga Ate na tumutulong sa kanya sa pag-alaga ay mag-isa niyang inaalagaan ang apat na sunud-sunod na edad na anak habang ang asawa ay nasa malayo para may pangtustos sa kanilang mga supling.

Minsan na niyang kinonsulta ang doktor para mapigilan ang pagbubuntis subalit dahil sa sakit ay hindi pwede sa kanya ang injectables at pills. Ang IUD naman bilang isa pang opsyon ay hindi binigyan ng permiso ng kanyang asawa bukod pa sa mga mito laban sa paggamit nito. Ang kanyang asawa naman ay ayaw din gumamit ng condom dahil sa parang hindi daw ganap ang kanilang pakikipagtalik noong unang ginamit ito kaya’t hindi na muling gumamit pa.

Ayawan man niyang magbuntis pa muna ay wala siyang magawa, lalo pa’t tila wala na siyang opsyon pa upang lagyan ng espasyon ang panganganak.

Kuya na!

Hindi pa man nag-iisang taon ang ikaapat na anak ay kuya na ito sa bagong panganak na kapatid. Dahil dito, ang atensyon na sana’y nakalaan pa sa kanyang murang edad ay naipasa na sa bagong kapatid na higit na nangangailangan ng atensyon. Ang kanya ring panganay na kapatid na may edad na limang taon ay maaga ring naging kuya kung saan wala na itong panahon sa paglalaro at paglilibang. Ito ang nagpapatulog sa ikatlong kapatid sa duyan habang siya ang nagbibihis sa pangalawa. Ang kanya namang ina ay abala sa pag-aaruga sa bunsong anak nito kung saan kapag nakatulog na ang bunso ay saka pa lamang ito makakapaglinis, makakapagluto at gawin ang iba pang obligasyon.

Sa sitwasyong natagpuan namin sila ay tila buntis na naman ang kanilang ina, dagdag pa ng banggit nito na pakiramdam niya ay buntis siya. Natigilan kami sa pagtitig sa kanilang kalagayan habang nanghihina sa ideyang ang limang-taong panganay nito ay nangangayayat na sa pagod marahil bunga ng mga gawaing maagang iniatas sa kanyang murang balikat.

Solusyon?

Hindi namin alam kung ano pang paraan ang maaaring magawa upang masolusyonan ang kanilang kalagayan. Ang pagod na hitsura hindi lamang ng ina kung hindi ng mga anak nito ay sumasalamin sa maraming pamilyang Pilipino na animo’y napagkaitan ng solusyon upang higit na maging magaan ang kalagayan.

Ang hindi magandang pakiramdam diumano ng paggamit ng condom liban pa sa machong nosyon kung kaya’t inaayawan ito ay nakabuo ng marami at sunud-sunod na supling na hindi pinlano o ginusto at ang resulta’y maagang pagtanda ng mga bata. Ni hindi man nga nila naranasang maging bata na punung-puno ng aruga at atensyon dahil wala pa silang muwang at may kasunod na sila agad na nakaabang na kailangan nilang iduyan at alagaan bago pa sila natutong sumulat at bumasa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *