Ni Robie Cornelio
Robie Cornelio lives in Brgy. Silangan, Calauan, Laguna. That area is called “Looban.” The land is owned by the Diocese of San Pablo City, located behind the Liceo de Calauan, which is also the property of the Diocese.
Robie’s grandmother was born in Looban, where there are many illegal settlers. At least 50 families live there to this day.
Pinalaki kami ng mga magulang namin na walang nakasubong gintong kutsara sa aming mga bibig. Kumbaga, makuntento na dapat kami sa kung anung meron, makuntento kung ano lamang ang nasa hapag-kainan, makuntento kung ano lang ang kayang ibigay at huwag mag-asam ng hihigit pa dun. Mga pangarap at gintong mga salita na dala-dala ko pa rin hanggang sa ngayon. Wala naman akong magawa kahit na gusto ko nang umangal minsan. Isang kahig, isang tuka lang kasi ang buhay namin. Masaya na kung sosobra pa sa tatlo ang pagkain naming sa isang araw. Masaya na kung ang ulam namin ay masarap. Masaya na kung may bagong damit, sapatos, o pantalon isang beses isang taon (pasko o bagong taon). Hindi ka pwedeng magreklamo, hindi ka pwedeng umangal. Lahat ng ito ay pinaghihirapan upang makuha: dugo at pawis ang puhunan upang makaranas ng konting ginhawa.
Nung bata pa ako, natatandaan ko na apat na taon ako nun, madalas akong umiiyak tuwing aalis ang tatay ko, Naisip ko maiiwan nanaman kaming mag-isa ng nanay ko. Ilang buwan nanaman ang lilipas sa kamusmusan ko na hindi makikita ang tatay ko. Mga kamusmusan kong hindi nya masasaksihang mangyari. Byahero ang trabaho ng tatay ko dati. Lagi syang nasa trak, bumibyahe ng mga gulay, palay, prutas, at kung anu-ano pang hindi ko na matandaan sa ngayon, sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas. Minsanan lang syang umuwi, siguro mga dalawang beses isang buwan. Iiwanan kami ng nanay ko kung saan-saan kami napunta noon, pero ang pinakamatagal ay sa mga lola at lolo ko sa side ng nanay ko; dun na ko lumaki at nagkamalay. Maghihintay kami roon sa pagbabalik ng tatay ko dala ang konting halaga na kanyang kinita sa ilang linggo o buwan na byahe. Dala niya ang mga dalangin at mga dasal na sana protektahan at gabayan ng Diyos ang aking ama at makauwi sya ng ligtas. Ganoon ang sitwasyon naming mag-ina ng ilan pang mga taon.
Nung lumipat na kami sa silong ng bahay ng mga lolo at lola ko, mga magulang ng tatay ko, natatandaan ko pa ang itsura noon: wala kaming ilaw kaya madilim. Gasera lang ang gamit namin noon. Sa maliit na silong na ko lumaki. Kawayan ang sahig sa taas kaya laging ang daming bukbok galing doon. May maliit na lababo, mga pinggan, baso, isang silya na gawa sa kahoy. at pintuan na gawa sa yero. Madilim sa gabi at nakakalusaw sa sobrang init sa umaga. Konti pa lang ang tao sa maliit na iskinitang yon dati. Kontento na kami sa simpleng buhay na iyon. Kontento na kami sa ganung uri ng pamumuhay.
Ang nanay ko ay dating gumagawa ng mga kahon na pang souvenir. Kasa-kasama nya ako noon sa paggawa nya sa pagawaan; dalawang piso ata kada isa ang bayad, hindi ko na matandaan. Magaan pa ang ang buhay noon: wala pang nag-aaral sa aming magkapatid. Wala pang pressure sa mga magulang ko, wala pang malaking gastusin, wala pang bayarin sa eskwelahan ang kinakailangan. Simple lang ang buhay noon.
Naiba ang lahat nung nag-aaral na kami. Bihira na kaming makakita ng mga pamilyar na bagay at gamit. Bihira ko na ding makita ang mga magulang ko. Kailangang doble kayod para sa kinabukasan naming magkapatid. Laging sinasabi sa amin ng mga magulang ko, “Igagapang naming dalawa para makatapos kayo kahit high school lang upang makahanap kayo ng magandang trabaho at hindi kayo matulad sa amin.” Dun na ko nawalan ng pag-asang makapag-kolehiyo. “High school lang.” Masaya na silang mapagtapos kami ng high school, kahit sa isipan ko ganoon lang. Gusto kong makatapos, gusto kong matupad yung mga bagay na gusto kong gawin at gusto kong maabot. Gusto kong maging isang taong may natapos at may maipagmamalaki sa ibang tao pag hinahamak nila ako at ang pamilya ko. Gusto ko talagang makuha yung cursong matagal ko nang pinapangarap, at gusto kong matapos simula pa nung bata ako at nung nagkamalay ako. Pero wala akong magagawa, hindi ko pwedeng ipilit ang gusto ko kasi alam ko sa sarili ko hindi naman nila kaya at wala ding mangyayari kung ipipilit ko. Kailangang makuntento; kahit lumuha ako ng dugo, walang mangyayari.
Nagkakaedad na din sila. Naiinggit ako sa pinsan kong pinag-aaral ng lola naming nasa ibang bansa, wala namang ginawa kundi maglakwatsa at ibulsa ang perang pinadadala sa kanya. Laki ng panghihinayang ko nung naisip ko, paano kung ako yung pinag-aaral nya at ako yung nasa sitwasyon nya? Sigurado akong gagawin ko ang lahat para hindi ma-disappoint yung nagpapaaral sa akin. Alam kong matatapos ko ang kursong kukunin ko at sigurado akong papasa ako. Nakakahinayang.
Maintenance worker sa isang pawnshop ang tatay ko at kasambahay sa bahay ang nanay ko sa isang lugar dito sa Laguna noong high school na ako. Tuwing Sabado na lang nauwi ang nanay ko. Kailangan nyang mamasukan upang makatapos kami ng kapatid ko. Hindi na sapat ang kinikita ng tatay ko para sa amin. Kulang ang pera sa pagkain, pambayad ng kuryente, baon at pambayad-utang. Dumarami ang gastusin, bumibigat na ang pasanin nila; kailangang gumaan kahit papaano.
Namasukan si nanay. Naiwan kami sa bahay. Bilang kapalit sa pagkakahirap nila, nag-aral akong mabuti. Kasunud nun, natuto rin akong maglaba, magluto, mag-budget ng 200 pesos kada linggo para sa allowance ko sa paaralan nung high school ako. Walang butas para magloko kasi nagpapakapagod sila. Ako ang tumayong nanay at tatay sa aming magkapatid sa bahay namin. Sa edad na 16, ganun na ang sinabak ko.
Walang puwang para sa reklamo; ganun talaga ang buhay. Kailangang masanay. Lumipas pa ang mga buwan, dumarami na ang mga proyekto sa eskwelahan, pati na rin ang mga bayaring kailangan bayaran, pati mga utang . Hindi na ganon kadali para sa kanila. Umeedad pa sila lalo, humihimpis na ang katawan ng tatay ko, lumalabo na ang mata ng nanay ko. Konting tiis na lang, makakatapos na ko. Makakatulong na din ako kahit papaano. Gagaan na kahit konte ang pasanin nila.
Nakatapos ako ng high school. Nagpatay-malisya sa mga kaklase kong hindi na magkanda-ugaga kung saan papasok ng kolehiyo. Ayokong makiusyoso. Ayokong ma-disappoint sa sarili ko, ayokong malungkot, at higit sa lahat ayokong maiinggit sa kanila. Nilunok ko muna ang mga mumunti kong pangarap. Itinago sa pinakamalalim na parte ng puso ko. Saka ko na lang ulit hahanapin, saka ko nalang huhukayin ulit, saka ko nalang ulit hahanapin. Andyan lang naman sya. Makikita ko din paglipas ng panahon pag may pagkakataon. Sa ngayon, kayod muna ang dapat kong isipin.
Lahat ng pwedeng apply-an ng 17-anyos kong pangangatawan pinasok ko na, upang makaambag sa gastusin sa bahay at makatulong kahit papaano sa mga magulang ko. Hindi na hawak ng mga magulang ko ang desisyon ko. Sarili ko nang diskarte ito. Pabrika, census survey, labor sa construction, candy maker, magbabalot ng uling sa palengke, factory ulit sa Maynila, labahin, linis-bahay, waiter sa night bar, taga-serve sa catering, bantay ng cellphone shop. Lahat ng raket, ni-raket ko na para sa kaunting kita. Mahirap mag-apply: ang dami mong makakasabay na mas mataas ang piang-aralan sa iyo, kaya sila yung priority ng mga kumpanya. Maraming naghahanap na may natapos, at pag high school graduate ka, operator ang bagsak mo. Minsan naluluha na lang ako. Gusto kong magkaroon ng trabaho na sasapat sa pamilya ko ang kita. Hindi puro raket lang.
Sa ngayon namamasukan pa rin ang nanay ko. Uuwi sya sa hapon na may dalang bigas at ulam upang pagsaluhan namin sa hapag-kainan. Maintenance worker pa rin ang tatay ko sa isang pawnshop. May maayos naman akong pinagkakakitaan. Sa wakas, kahit papaano nakakatulong na din ako sa kanila. Sa kabilang banda, naaawa pa din ako sa kanila. May edad na din sila. Gusto ko sana silang bigyan ng masagana at maalwan na buhay, pero hindi ko magawa. Gusto ko sana silang ipasyal sa mga lugar na hindi pa nila napupuntahan o di kaya’y bihira nilang mapuntahan.
Ang dami kong gusting gawain at pangarap sa kanila pero hanggang dun na lang ata yun. Nagpapasalamat ako at pinalaki nila akong ganito, napalaki nila akong hindi kailangan ng mga makamundong gamit upang mabuhay. Napalaki nila ako bagama’t isang kahig, isang tuka lamang kami. Puno naman ng pagmamahal at pangarap. Naniniwala pa rin ako na darating ang swerte ko at mababago ang gulong ng buhay namin. Gaya nga ng tinatak ko sa isip ko: “Pangarap na lang ang meron ako. Hindi ko na hahayaang manakaw ito ng iba.” Andyan pa naman yung mga mumunti kong pangarap. Hindi pa sya nawawala sa gunita ko. At sisiguraduhin kong sa mga darating pang panahon kaya ko ng humarap sa kanila at sabihing, “Natupad ko na ang pangarap ko at sumasakay ako ngayon sa agos ng mga pangarap ko,” mga mithiin at pangarap na parang isang malabong salamin, ngunit ng mapunasan at malinis ng pagkakataon, isa ng malinaw na repleksyon na naaaninag ang sarili ko.
Sa ngayon marami pa kong dapat gawin para sa mga ito. Gagawin at tutuparin ko sya unti-unti. Hindi biglaan, hindi agaran. Ngingiti na rin sa amin sa wakas ang pagkakataon. Sasaya na rin ang mga matang nalulungkot at nawawalan na ng pag-asa. At higit sa lahat, mas magiging malinawanag ang aming hinaharap sa tulong ng mga taong nagbibigay sakin ng lakas at inspirasyon para mangarap pa at iluloy ang nais kong gawin, bagama’t isang kahig, isang tuka lang kami sa ngayon.