Ni Eva Callueng
Sa pagtatanong sa paligid, lumalabas na malaking bilang ang pinagmuni-munihan ang pagpapatiwakal minsan sa kanilang buhay, lalo na noong panahon ng kanilang kabataan. Samu’t sari ang mga dahilan sa kung bakit nila naiisip na gawin ito. May mababaw katulad ng pagnanais na malaman kung talagang may buhay matapos ang kamatayan, na animo’y makababalik na lang muli sa orihinal na kalagayan matapos mapatunayan ang presensya o kawalan nito. Samantalang ang iba naman ay bunga ng patung-patong na isyung kinakaharap ng isang karaniwang kabataan na salat sa atensyon at pag-aarugang maaaring makapagpigil sa pagkitil ng sariling buhay.
Iba-iba man ang dahilan, mababaw man o mabigat na pagpapalagay sa problema, nananatili ang katotohanan na marami sa kanilang naging matagumpay ang pagkitil sa sariling buhay ay nakunan na lamang ng paliwanag sa pamamagitan ng ilang “suicide note” o ilang premonisyon ng pait at pagsisisi sa buhay na kinasadlakan kung kaya’t inaayawan ito.
Bukod sa kaunti ang mga pag-aaral ukol sa nature ng pagpapakamatay sa bansa lalo na ng mga kabataan, ang mga pamilyang naiiwan, higit sa madalas, ay tikom din ang bibig sa isyu kung kaya’t mas mababa ang eksplorasyon sa naturang kaganapan. Bihirang-bihira din ang bilang ng mga kabataang lumalapit o na-a-access ang serbisyong counseling o psychological treatment bunga ng stigma at halagang gagastusin sa propesyonal na serbisyong ito.
Failed attempts
Isang kaklase noon sa elementarya ang ‘di ko inakalang sinubukang magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng isang brand ng pipe/drain declogger. Sa isip ko, ang sakit ng ganoong uri ng pagpapakamatay, lalo pa kung hindi matagumpay ang pagsasagawa nito na nagbunga ng isa pang malaking problema. Pagbaril sa sarili, pagtalon sa gusali, pagbibigti at pag-inom ng lason ang ilan lang sa mga paraan na halos pamilyar ang marami.
Inoperahan ang kaklase ko at kinailangang pagdugtungin ang mga bahagi ng bitukang nalusaw ng nasabing solusyon. Ibig sabihin, mas dumagdag sa pinansyal na problema ng pamilya nila ang nangyari sa kanila. Ilang taon rin siguro ang nakalipas bago ko siya muling nakita simula noong isagawa niya iyon, kung saan pahapyaw niyang ibinahagi na ang di pagkagusto ng ina sa boyfriend at pagkamahigpit nito ang ilan sa maraming dahilan ng pagnanais niyang lisanin ang mundo.
Sa kabilang banda, dalawa namang kakilala noong hayskul ako ang parehas na naglaslas upang pangunahing humingi ng atensyon sa kung kanino man. Naalala ko pa sabi ng isang kaibigan na iyon daw mga naglalaslas na gumagamit ng mga mapupurol namang kutsilyo, cutter, at blade ay hindi naman talaga nais magpakamatay, kung hindi nais lang mabigyan ng atensyon na kinakailangan nila. Dagdag pa nito, ang mga nais daw talagang magpakamatay ay hindi na nagsasabi o nagbabantang magpapakamatay. Ang pahalang din na direksyon na paglaslas at mababaw na paulit-ulit na paghiwa nito na malayo naman sa kinalalagyan ng pulso ay hindi ikamamatay kung hindi ikahimamatay lang ng mga makakasaksi nito. Kung anuman ang ibig sabihin niya ay hindi ko na masyadong pinag-isipan at ang mas importanteng bagay ay sa kung paano mai-aaddress ang mga isyung kaakibat ng reyalidad na ito.
Sa paglipas ng panahon, nag-iiwan ng marka ang noong mas madalas na paraan ng pagpapakamatay. Ilang bilang ng pilat ng alaala ng hindi matagumpay na pagpapatiwakal ang nagsisilbing alaala na minsan sa kanilang buhay ay ninais nilang wakasan ito bunga ng kakulangan sa sistemang pamilya at ilan pang institusyon na disinsana’y nagkakapit bisig upang mapigilan ang ilang kamatayang maaaring naagapan.
Stop suicide campaign
Sabi ng ilang turo, maaari tayong magkasala sa lebel ng pag-iisip lang. Kung totoo iyon at kung maituturing na kasalanan ang magpatiwakal, baka malaking porsyento ng populasyon ang guilty sa kasalanang iyon. Kapag may pakiramdam na hindi na kontrolado ang sitwasyon at kawalan ng halaga sa mundo, minamabuti ng ilan ang opsyon na ito.
Sa mga panahong sinusubok ang katatagan na maalpasan ang problema, may mga ilang madaling sumusuko at nais na madaling makarating sa shortcut sa pamamagitan ng boluntaryong paghahanap nito na siya rin namang kapalaran ng lahat: ang kamatayan. May mga nakukumpleto ang proseso ng suicide (ibig sabihin ay namatay nga sila), may mga pinahirapan muna gaya ng mga nagbaril na ni-revive muna at tumagal pa ng ilang araw na comatose sa ospital, samantalang ang iba ay nabuhay pa, nais subukin ang ibang paraan o ang iba nama’y pinag-iisipan pa ang mga habilin bago simulan ang binabalak.
Anu pa man ang dahilan ng lahat ng ito maging perspektibo sa pagpapatuloy ng ganitong pangyayari, nananatiling hamon sa lahat ang mga hakbang upang matulungan ang mga nananawagan ng tulong. Ito rin ang panahon upang tingnan at balikan ang sarili sa kung anu-ano pang mga bagay ang maaaring makapagtulak upang tuluyang mawalan ng pag-asa na harapin ang anumang pagsubok ng buhay.
Lalong higit sa mga kabataang dumadaan sa ilang krisis na may kinalaman sa pagkakakilanlan, ang gabay at pag-unawa ng nakararami ay hinihingi ng pagkakataon upang hindi na muling maulit ang ilang mga pangyayaring kahindik-hindik. Maaaring para sa kanila ay hindi sila kayang/gustong maunawaan ng nakakarami kung kaya’t nagtutulak iyon ng pakiramdam ng kawalan ng saysay ng presensya. Subalit kung titingnan, ang ating mas mataas na kamalayang iparamdam sa kanila na nais nating maunawaan sila ang maaaring maging daan upang magkaroon ng dayalogo o komunikasyon na minsan ay tanging nais nila.