Xerex Xaviera’s baby, Babe!

MP-KNN teamCommunity & Culture, The Changing YouthLeave a Comment

Isa sa mga pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa sex ay mga men's magazines katulad ng FHM Philippines.

Isa sa mga pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa sex ay mga men’s magazines katulad ng FHM Philippines.

Kung may Martial Law babies, Revolution babies, Liberation babies, Regal babies o maging New Year babies, ako naman ay aminadong Xerex Xaviera baby.

Abante ang kinalakhan kong tabloid. Malaking bilang sa aming komunidad ang tila naka-subscribe dito dahil sa walang puknat na pagbili pagpatak pa lang ng alas-sais ng umaga. Bago pumasok sa eskwela noong nasa elementarya ay nadadaanan ko ang isang ginang na nagbabantay ng isang newsstand kung saan higit na mas marami ang Abante kaysa sa ibang tabloid.

Bukod sa mga mapanghuling headlines ng tabloid na iyon na madaling nakaaakit sa mga mata na para bang nagsasabing, “Bilhin mo ako, now na!”, ang tupi na nasa bandang kaliwa dalawang pahina bago ang sports kolum ng dyaryo ang siyang pinakaabangan at sinusundan. Kasing lebel ng pagsubaybay sa paboritong telenobela sa radyo o telebisyon ang pagkahumaling sa pitak na Xerex Xaviera. Doon kung saan isinalalarawan ang mga karanasang minsang gumising sa namumukadkad na pagkakakilanlan.

Template

Halos saulo ko na ang template ng pitak na iyon. Ang unang bahagi sa tatlo ay naglalaman ng introduksyon sa kung paano nagkakilala ang sumulat at kanyang tinatanging tao o kaya naman ay paglalarawan ng sitwasyon kung saan maaaring mangyari ang (di) inaasahan. Dito rin ginagawang kapana-panabik kung saan nabibitin ang mga nagbabasa. Bagay na nagpapataas ng kuryosidad sa kung ano ang susunod na mangyayari kaya inaabangan ang pangalawang bahagi nito kinabukasan.

Sa pangalawang bahagi naman ay nakapaloob ang detalyadong pagsasalaysay sa sekswal na karanasan nila at dahil naisusulat ito sa wikang pamilyar ang masa ay nagagawa nitong higit na paigtingin ang kagustuhan na subaybayan ang mga kwento at paghingi ng payo kay Xerex Xaviera. May mga ilang kakilala na tanging pangalawang bahagi lang ng pitak ang binabasa. Sa kung paano nila naintindihan ang buong eksena ay hindi ko na alam.

Ang huling bahagi ay may bahagi pa rin na karugtong ng mga eksenang sekswal sa pangalawa. Sa aking palagay ay sinadya iyon. Maigsing-maigsi rin ang bahagi ng payo dahil nga naman ikaw mismo bilang nagbabasa ay makalilikha na ng sariling opinyon na pwedeng ibigay na payo sa sumulat. Liban sa nakaaaliw na pamagat ng bawat kwento, malikhaing naisulat ang pagsasalaysay ng mga pangyayari na para bang aktwal na nakikita mo ito habang binabasa.

Today’s lesson

Katulad ng libro o isang gawaing-bahay na in-assign ng guro para kinabukasan, masinop kong binabasa ang kwento bawat araw. Kung bibigyan ng exam ang lahat ng nakabasa nito, pihadong 1.0 o A+ ang markang makukuha ko. Sa totoo lang, kahit tanungin pa ako ngayon ng mga naaalala kong kwento o ispesipikong kwento na isasalaysay ay meron at meron akong masasabi.

Sa Xerex Xaviera ko unang natutunan ang maraming bagay ukol sa seks at sinundan pa ito ng panonood ng mga adult videos ng mga kaklase ko. Maraming bagay na akong alam at nagpapasalamat na hindi ko na kinailangang magtanong pa o danasin ang mga iyon upang i-satisfy ang curiosity na mataas, lalong higit noong puberty stage.

Hindi mabilang na aral ang nakuha ko mula sa mga karanasang ibinahagi sa pitak na iyon. Simula sa kahalagahan ng tiwala sa sexual partner hanggang sa mga dahilan kung bakit marami ang nangangalunya o naghihiwalay bunga ng third party.

Sa mga payo din ng kolumnista, natutunan ko higit sa lahat na ang panandaliang orgasm o ilang segundong pagsailalim sa estadong iyon kapalit ng pagkasira ng pamilya lalo na ng mga anak nito ay walang katumbas. Siguro sa murang edad rin nakita ko kung gaano kahalaga ang kaalaman sa mga bagay na may kinalaman sa pagkilala ng sariling katawan na siyang susi upang higit na pahalagahan at alagaan ito.

Undeterred

Malaking pasasalamat ko sa namayapang ama bunga ng nakasanayang pag-iiwan nito sa lamesa ng dyaryo matapos sagutin ang crossword puzzle at mabasa ang lahat ng mga artikulong nakaiinteres sa kanya. Bunga niyon, nakasanayan ko ring kunin iyon at basahin ang mga kwentong nakaiinteres ang titulo kung saan una kong nabasa si Xerex Xaviera.

Noong una ay lumaki ang mga mata ko sa ‘selan’ ng ilang pangungusap. Palibhasa’y lumaki sa debotong Katolikong pamilya o karaniwang pamilyang Pilipino kung saan pinalalaki ang mga anak na bawal pag-usapan ang mga bagay na ito, tinatago ko ang mukha ng dyaryo kapag andun ako pitak na iyon o kaya naman ay kagyat na ililipat ang dyaryo kapag nararamdamang may lumalapit o sumisilip sa binabasa.

Kinalaunan, alam kong alam ng Tatay ko na binabasa ko ang pitak na iyon at sa kung ano mang dahilan ay hindi ko siya naulinigang nagbawal o nagpahinto sa akin na ipagpatuloy ang binabasa. Siguro ay naniniwala siyang kaya kong maunawaan ang mga nakasulat doon o kaya nama’y ayaw na niyang makipag-argumento sakaling sunud-sunod ko siyang tanungin sa kung bakit bawal basahin ko iyon o higit pa ay siya na lang ang magbasa para sa akin, tanungin siya matapos at ipabuod ang nabasa.

Siguro ganun at HINDI katulad ng inaasahan, hindi naman ako lumaking sex maniac o promiscuous katulad ng takot ng simbahan.

Outgrown

Hindi na ako nakakabasa ng pitak na kagaya noon. Kinalakhan ko na siya at panaka-naka kapag may mga pagkakataon ay madaling naaakit ng mga titulong may kinalaman sa pagbabahagi ng sekswal na karanasan at pagpapayo upang ma-address ang mga pangangailangan/kakulangang maaaring hindi natin nakikita kapag tayo mismo ang nasa sitwasyon.

Nalaman kong malaking bilang pa rin ng mga tao ang piniling pagtiisan ang kinasasadlakang sitwasyon sa takot na ibahagi ang ilang isyung ‘maselan’ at ‘hindi dapat pag-usapan.’ Nalaman kong ang patuloy na pandededma sa mga valid na mga isyung ito ang nagtutulak sa ilan na hindi subukin ang ilang opsyon katulad ng paghingi ng tulong o payo sa takot sa stigmang idinudulot.

Ang sarap maging estudyante ng kolum na iyon na para bang araw-araw ay may panibago kang module na dapat aralin at maunawaan ang bawat konteksto. At sa bawat kontekstong iyon na sumasalamin sa ilang katotohanan, mas nagbubukas ang isip sa maraming ‘bawal’ at ‘mali’ na nauna nang itinuro sa ilang natakot masabihang ‘bulgar’ o ‘bastos.’

Masaya akong hindi ko kailangang danasin ang takot o anumang pag-aalangan na makipagdiskusyon ukol sa bagay na ito dahil na rin sa pang-unawang bunga ng pagbabasa ng pitak ni Xerex Xaviera.

At kelan naman kasi naging bastos pag-usapan ang mga bagay na kadikit na ng ating pagkatao?

Ang hirap ‘nun, ha.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *