Ni Eva Callueng, Contributer
Mag-wawalong taon na ang nakalilipas mula noong tumawag ang isang kaibigan para kuhanan ko siya ng mga dahon ng bayabas para pang-langgas. Mabisa daw kasi ang pinakuluang bayabas sa mabilis na paggaling ng mga sugat at mga nabibinat. Hindi ko na rin gaano pang inusisa kung para saan ang mga bayabas na iyon kaya basta ko na lang siya kinuhanan ng mga dahon ng bayabas.
Nang magkita kami para ibigay ang mga mga batang dahon ng bayabas ay sinabi niya na nagpalaglag daw siya. Sa unang reaksyon ay hindi ako nagtaka na nabuntis siya dahil na rin sa pagiging aktibo nito sa pagtatalik at hindi maingat na pagsasagawa nito dahil na rin sa pagpayag na hindi gumamit ng condom ang kapartner.
Sa kanyang mahinhin na kilos, malamyos na boses at pagiging natural na sweet, walang mag-aakala na gagawin niya iyon kahit pa walang tulong ng mga malalapit na kaibigan. At dahil na rin sa kanyang konserbatibong pamilya at istriktong magulang, ang unang iisipin naming magkakaibigan ay kanyang pagtuloy ng pagbubuntis bunga ng maaaring maging pressure mula sa boyfriend at magulang kung sakaling nalaman.
Hindi niya na pinaabot pa sa puntong iyon at noong nalaman na positibong nagbubuntis ay madaling tinimbang na hindi siya handa para doon sabay pagkonsidera ng kakayahang buhayin iyon at nakaabang na buhay kung sakaling ituloy niya ang pagdadalang-tao. Naunahan rin siya ng takot at maaaring bundok na galit ng pamilya kapag nalamang buntis ito.
Sa pagpapaliwanag niya sa akin ay ibang katauhan ang nakita ko. Mas matapang, walang bahid ng pagiging mahinhin at walang bahid na lumaki at nag-aral sa mga eklusibong paaralan na pinalalakad ng dominanteng relihiyon sa bansa. Sa kanyang pagbabahagi, ni hindi niya nabanggit ang kahit na anong moral na argumento o legal na aspeto ng naging aksyon, ang sa kanya ay ang pagpapalawak ng mga naging pagpipilian niya at pagpili ng landas na kinokondena ng karamihan.
Wala akong nasabi noon. Kung may tanong lang siya ay sumasagot ako. Hindi niya tinanong kung ano ang pagtingin ko at ng panahong iyon, ang pangangailangan niya ng kaibigan na mapagkukuwentuhan ang bahaging ginampanan ko. Walang judgment. Walang pagkokondena. Walang paninisi o apila sa moral na argumento.
After almost 8
Nagkita kami kamakailan ni Sarah*. Pabisi-bisita na lang kasi siya sa bansa para magbakasyon. Sa loob ng magwawalong-taon na iyon ay nagkikita naman kami at panaka-nakang nagkukuwentuhan sa mga social media networking sites. Sa aming huling pagkikita habang kumakain ay hiningi ko ang permiso niya na isulat ang kanyang naging karanasan. Dagliang pumayag ito bunga na rin ng paliwanag na para ito sa kapwa kabataan na maaaring may hawig na karanasan. Pihadong may mga mapupulot na mapagmumuni-muihang isyu ang mga magbabasa lalo pa’t isa ito sa mga usaping hangga’t maari ay iniiwasang pag-usapan. Maraming isyu ang nakapaloob dito, banggit ko sa kanya, at sa pagpapaliwanag kong iyon ay higit pa siyang nagbigay ng detalyeng nais niyang makita sa artikulo.
Hindi nag-iisa si Sarah. Isa lang siya sa maraming babaeng minsang nalagay sa sitwasyong hindi ginusto o pinagplanuhan. Sa istatistika ng noong 2005 ng UN World Estimates, 2008 Guttmacher Institute at Census sa bansa noong 2007, tinatayang mayroong 5,205 kababaihan na nabubuntis araw-araw na hindi ginusto o pinagplanuhan. Sa bilang na iyon, 1,530 ang bilang ng induced abortion kung saan mahihinuhang maraming bilang ang maaaring mamatay bunga ng kumplikasyon, sanitasyon sa pagsasagaw nito lalo pa’t iligal ito sa bansa.
Ang bilang na iyon ay kasama pa sa konserbatibong estima nila kung saan 11 kababaihan ang namamatay araw-araw sa Pilipinas dahil sa kumplikasyon na may kinalaman sa pagbubuntis.
Sa hiwalay na istorya namin noon, naalala ko pa ang isang kaibigan na nagnanais i-abort ang pagbubuntis kung saan handa pa itong inumin ang kung anu-anong halamang gamot maging pumunta sa hilot para maisagawa ang desisyon. Sa isip ko, ang pagpunta ng ilang kababaihan sa mga hindi medikal na propesyonal na nagsasagawa nito at may mataas na risks na mga metodo ay maaaring maging dahilan ng kanilang kamatayan.
Ibinahagi ko ito sa kaibigan kung kaya’t di maiwasang mapag-usapan ang RH bill, na sa aming palagay ay makapagpapababa ng mga bilang ng hindi inaasahang/pinagplanuhang pagbubuntis maging datos ng aborsyon sa bansa.
Nakalulungkot man na hindi tinatanggap ng ilan na ito ang katotohanan sa bansa at ang pagsasawalang bahala sa kalagayan higit sa lahat ng mga nagbubuntis ay hindi tumitigil ang marami na ilaban ang adbokasiya sa higit na pagpapalawak ng kaalaman ukol sa iba pa at modernong paraan ng pagpaplano ng pamilya. Hindi nakasasakit na alam natin na may mga options tayo, katulad ng paggamit ng condom, pills, IUD, injectables at iba pa. Sa tingin pa nga ng kaibigan ko mas nakakapanghina pa na malamang dine-deny natin ang mga kababayan sa kaalamang ito sa takot na maging promiscuous sila kaysa sa maaaring epekto ng pagbaba ng bilang ng di pinlanong pagbubuntis maging ng aborsyon.
Mas masakit pa daw sa prosesong pinagdaanan niya ang katotohahan na bingi at bulag ang mga mambabatas natin sa sigaw ng mga higit na apektado ng isyu.
*Di tunay na pangalan.