Ni Eva Callueng, Contributor
Nagkaroon ng ‘family planting’ matapos ang giyera, at ito’y naging hindi naisusulat na polisiya ng maraming bansa noon bunga ng maraming bilang ng taong naagas ang buhay dulot ng maraming kaguluhan. Sinasabi nga natin palagi na hindi na natin papayagang maulit ang mga ganoong karahasan kung kaya’t kaliwa’t kanang mga karapatang pantaong instrumento ang nalikha.
Kabilang na doon ang pagkilala at pagpapaalala sa kabuuang kalusugan ng mga kababaihan. Sa pag-alala ng mga iyon, sumasagi sa isipan ang noong mga programa ng gobyerno sa pagpapalaki at pangangalaga ng populasyon. Sa paglobo nito at pagdudugtong sa usapin ng antas ng pamumuhay at access sa mga pangunahing serbisyo at oportunidad, hindi maikakailang ang pagpaplano ng pamilya ang isang mahalagang elementong nararapat na pagtuunan ng lipunang Pilipinas.
Big Family
Kaswal na nagkukuwentuhan kami ng tatlong kasama sa isang dinaluhang Human Rights Training sa Tagaytay City noong isang linggo. Malayang dumadaloy ang usapan ukol sa kani-kanilang pamilya kung saan lumabas ang ilang isyung ngayon rin lang namin napagtuunan ng pansin na pag-usapan at pagmuni-munihan.
Paksa ng usapang iyon ang ginagawa ng bawat isa sa amin at ng aming mga kapamilya. Nabanggit ko na walo kami magkakapatid at maagap namang sumagot ang isang kasama na siya ang bunso sa sampung magkakapatid. Gumagap din sa usapan ang pangatlo pa naming kasama na nagsabing siya rin ang bunso sa pitong magkakapatid. Natuwa kami sa narinig dahil na rin parehas naming pinagsasaluhan ang pamumuhay sa pamilyang malaki ang bilang. Palibhasa’y galing sa katutubong sektor ang isang kausap naging highlight ng kanyang pagpapaliwanag ang kahalagan ng edukasyon ukol sa reporduktibong kalusugan hindi lamang ng mga kababaihan, kung hindi ng mga batang maaaring imodelo ang dami ng bilang ng mga anak na kinalakihan.
Sinasabi niya na dahil kadalasan ay may kakapusan sa pangunahing serbisyo kagaya ng edukasyon ang mga nanggaling sa malaking pamilya ay may malaking tendensiya na mag-asawa ng maaga upang pumisan sa naghihingalong estado ng pamilya. Maagap kong sinabi na iyon ay katotohanan hindi lamang sa Mindanao (pinanggalingan niya) kung hindi sa buong bansa lalong higit sa aking kinalakihang barangay. Hindi ko na rin maitala kung ilang mga kabataan ang nakilala ko noong nagtratrabaho pa sa barangay na may kawangis na istorya.
Upang magbahagi naman ng karanasan ang kasamang bunso sa sampung magkakapatid, nabanggit niya ang isang bagay na hindi ko kailanman naisip na naging epekto pala sa mga batang marami ang bilang ng kapatid. Sinabi niya na lumaki daw siya na mahina ang loob kahit pa maikokonsiderang isa siya sa mga nangunguna sa klase. Bunga daw iyon ng madalas na hindi magandang pagtingin o pangungutya ng mga kaklase o kakilala kapag nababanggit niyang sampu sila magkakapatid. Naalala ko pa noon na sa oras na malaman ng kausap na walo naman kami magkakapatid ay awtomatiko silang nagkokomento na masipag ang tatay at nanay ko na siya rin parehas na karanasan ng aking dalawang kausap.
Ang mapagkutyang tono kapag sinasabi iyon at tingin na para bang sinusukat ang laman ng sikmura ay nagdulot ng pagkamahiyain ni Claudette, intimidasyon ni Geraldine, at pag-iwas ko sa mga katanungang maaaring magdugtong sa kung gaano kami kadami sa bahay.
Hindi ito nauunawaan ng marami maging ang naging epekto ng mga matatalim na pabirong komento at nakapanliliit na tingin. Hindi nila naiintindihan na nagdudulot iyon ng pagbagsak ng confidence na hindi namin naranasan sa sari-sariling pamilya. At higit sa lahat, ang insensitibong mga komento ng mga nakatatanda at panunukso ng kapwa kabataan namin noon ay isang bagay na hindi namin pinili para sa sarili. Hindi kami ang nagdesisyon na mapabilang sa malaking pamilya kung kaya’t ang maparuhasan kami sinasadya man o hindi ng mga nasa paligid ay tumatak ng isang markang dala-dala namin sa paglaki.
Vow to be
Kung may mabuting idinulot ang mga karanasang iyon sa amin bago natapos ang gabi ng huntahang iyon ay maaaring ang aming pare-parehas na pagtingin na hindi dapat na muling maranasan iyon ng aming mga anak. Kung sakaling piliin naming magkaroon ng malaking pamilya ay sisiguraduhin naming mabibigyan ng higit pa sa sapat ang mga pangangailangan ng mga bata. Sisiguraduhin din namin na kapag naranasan nila ang ganoong mga komento ay maipoproseso namin sa kanila ito ng tama upang hindi mawasak ang pundasyon ng aming inihanda sa kanila.
Sa ngayon, sa teorya, ganun ang mga nais naming gawin kung sakaling landas ng malaking pamilya ang pipiliing lakbayin. Subalit sa naging karanasan at pagbabahagi noong gabing iyon, malinaw na isa sa mga naging manipestayon ang aming mga kasalukuyang preference kung saan dalawa sa amin ang nagsabing hindi pa handang magkaanak sa edad na 30, samantalang ang isa naman ay nagsabing kahit pa noong bata pa siya ay hindi niya nakikita ang sariling mag-aanak. Masaya na daw siya sa mga pamangkin sa kapatid na maaari niyang pagbuhusan ng atensyon at pagmamahal na parang galing rin sa kanya.
Marami pa kaming gustong pag-usapan ng gabing iyon pero dahil na rin sa maaga pa ang calltime namin sa training na dinadaluhan minabuti naming matulog at ituloy ang huntahan kinabukasan.