Ilang taon na rin ang nakalilipas nang unang ibahagi ng isang kaibigan ang kanyang kalagayan. Noong araw na iyon ay iyak ng iyak ang isa pa naming kaibigan sa kanyang narinig. Gusto kong maging matapang para sa kaibigan kong iyon kung kaya’t hindi kinakitaan ng kahit na kaunting pangamba ang aking mga mata. Ang nasabi ko lang ay: “Okay, thanks for sharing.”
Subalit, ang hindi makapaniwalang reaksyon ng mga huling nakaalam at unti-unting pagsisiwalat nito sa ilang mga kaibigan ay kagyat na nakapagpaisip sa akin kung papaano ba ang ‘dapat’ na maging reaksyon sa oras na marinig ang ganoong kalagayan. Sumagi rin sa aming isipan ang kanyang kasalukuyang partner, subalit hinayaan siyang magkuwento ng kung ano lamang ang nais niyang ibahagi sa amin.
Overreactions?
Alam kong nagtatapang-tapangan rin si Edward (ibang pangalan para sa kasulatang ito) noong mga oras na iyon. Alam kong gusto niyang isipin ng lahat na nakaalam na walang nagbago at hindi sila dapat masyadong mabahala sa mga ganong sitwasyon. Parang katumbas ng may malaria siya; iyon nga lang, sa kaso ng HIV/AIDS, ay wala pang lunas. Sa totoo, ang ikinababahala niya noong mga taong iyon ay ang tuluyang pag-aalis ng mga tulong na nagmumula sa ibang bansa laban sa HIV/AIDS. Hindi biro ang halaga ng mga gamot.
Kinukwenta namin sa isip ang maaaring gastusin kapag dumating ang panahon na kailangang gastahan ng isang Person Living with HIV (PLHIV) ang kanyang sarili para sa mga gamot na Anti-Retroviral (ARV) at iba pa. Nasabi namin na katulad ng karaniwang sakit sa Pilipinas kung saan walang kakayahan ang isang pamilya na bumili ng gamot, mabilis itong igugupo ng sakit.
Hindi rin kasi mabilang ang bilang ng mga Pilipinong namatay dahil kulang ang nabiling gamot o walang kakayahang bumili nito na nagreresulta sa maaaring naging kapabayaan o kakulangang ng kabuuang sistemang pangkalusugan. Banggit pa namin, nakatira kami malapit sa ospital na notoryus sa dami ng bilang ng pasyenteng pinabayaan o napabayaan dahil walang ekonomikong kakayahan na makapagpagamot sa mas ‘maayos’ na ospital.
Ibinaling namin sa ganun ang usapan upang tingnan ang kabuuang sitwasyon kaysa bigyang atensyon ang kondisyon ni Edward na siya namang ayaw na makaramdam na nalulungkot at kinaawaan siya ng mga nasa paligid. Noong panahon niya na para magkuwento, seryosong nakikinig ang lahat at panaka-naka’y sumisingit sa kwento.
Edward’s sharing
Ayaw niya talagang kaawaan siya at sinabi niya sa isang mas malaking grupo ng mga nakikinig na hindi dapat ang pagiging biktima nila ang pokus ng midya o ng mga tao. Yung victimization daw kasi ay may mas malaking epekto sa kanilang nararamdaman. At dahil ipinararamdam sa kanila diumano na ‘biktima’ sila ng sakit, doon umiikot ang argumento na para bang sila ay mga kaawa-awang nilalang na nagpositibo sa HIV.
Sa isip ko noon, tama si Edward subalit hindi niya rin mapipigilan ang ilang kaibigan na umiyak noong mga oras na narinig nila iyon. Hindi sanay at kung noon ay sa TV at babasahin lang naririnig ang mga kwento, heto si Edward sa harapan namin na nagkukuwento.
Tama siya dahil kagaya ng marami ay pinili niyang harapin ang kalagayan niya upang maging mabuting miyembro ng lipunan. Hindi nakakatulong sa kanila ang ating patuloy na pagbibigay sa kanila ng pakiramdam na ‘biktima’ sila o kaya nama’y ang kabaligtaran nito kung saan kinokondena sila sa naging kalagayan.
Sabi pa niya sa mas magaan na diskusyon noon ay buti nga daw sila, alam nila kung ano ang nangyayari sa kanilang sistemang pangkalusugan at maaaring maging dahilan ng kamatayan.
“Uy, lahat naman tayo mamamatay. Oo, may HIV ako, at iyong ibang namatay ng biglaan kagaya nung mga nasagasaan o naholdap, hindi sila nakakapaghanda,” wika niya na kumbinsido ang tono.
Pinapatahan niya noon ang pinaka-emosyonal naming kaibigan sa narinig. Hindi pa daw siya mamamatay at hindi daw niya hahayaang sirain niya ang sarili sa nalaman. Sabi niya nalulungkot lang siya sa sitwasyon kung paano niya ito nalaman, ganun din sa ilang nagpatiwakal dahil sa inaasahang stigma na dadanasin kaya inunahan na nila.
Ang ikinalulungkot niya ay ang mababang support system ng ilang mga PLHIV. Maswerte daw siya at may mga kaibigan siyang kagaya namin kung saan ang ilan man ay hindi lubusang naiintindihan ang HIV/AIDS ay naging maayos ang pagtanggap na kanya rin namang inaasahan. Inulit niya bago matapos ang pagbabahaging iyon na hindi daw siya mamamatay at hindi siya papayag na mamatay na malungkot.
The stronger Edward
Kapag nakikita ko si Edward sa maraming pagkakataon na ibinabahagi niya ang kondisyon sa mas maraming tao, alam kong pagbibigay-katuparan iyon sa kanyang pinaulit-ulit na mensahe noong araw na sinabi niya ang kondisyon sa amin.
Aktibo siyang nagbabahagi ng kaalaman sa ibang tao at ramdam kong ni isang saglit ay huminto ang buhay niya bunga ng kondisyon.
Sa isang pagtitipon kung saan hindi nakarating si Edward dahil nasa isang naunang appointment ito, batid kong mas angat na ang kamalayan naming lahat. Nagkukuwentuhan kagaya ng dati, nagkukuwentuhan na ang isyu ng HIV/AIDS ay isang katotohanang hinaharap at hindi hinahayaang makagupo ng mas marami pa.
Sana ganun din ang ating pamahalaan. Sana’y mapayaman pa ang hindi sapat na nalalaman natin ngayon bilang bansa at kabahagi ng laban sa nakamamatay na sakit na ito.
Sulat ni Eva Callueng