Ni Eva Callueng, Contributor
Sa gay lingo, ang salitang ‘charity’ ay nangangahulugang pagsasabi ng hindi totoo. Ang mas maikli na bersyon na mas madalas na ginagamit kahalili nito ay ang charo at char. Ang ilang halimbawa sa paggamit nito sa mga pag-uusap ng ilan ay ganito: Charo ka, hindi totoo yan! Charity ka naman ha.
Sa mga hinuha ng pinanggalingan ng paggamit nito ay ang programang Maala-ala Mo Kaya, kung saan ang mga panggagaya sa mga drama sa eskwelahan ng mga estudyante ay nagbigay turing sa mga hindi makatotohanang istorya na kanilang inaakto para sa kanilang asignatura. Dear Charo, sabay sabi ng mga kwentong kathang-isip lamang, o charo.
Ang pagbabanggit nito ay upang maunawaan kung paano tinuturing ang kasalukuyang isyu ng PCSO at pagbibigay ng tulong nito sa mga taong simbahan. Charity ang dating gayundin sa pagpapaliwanag subalit sa konteksto ng gay lingo ay malaking ka-charityhan o kalokohan. Ang kaliwa’t kanang pambabatikos na natanggap hindi lamang ng ahensya kung hindi lalong higit ng mga taong nabigyan ng nasabing ‘charity’ ay buhos na buhos sa mga social media networking sites tulad ng Twitter at Facebook.
Ang pagbibinyag ng mga salitang MitsuBISHOPS, SUVishops, SaFari maging sa mga text messages ay kagyat na nagpaisip sa maraming Pilipino lalo na iyong mga halos araw-araw ay nakapila sa lottohan. Hindi biro ang halaga at dami ng mga nasabing donasyon na kung titingnan sa isang perspektibo ay may kaluhuan sa uri ng sasakyan na mga nabili. Sa ilang opinyon, hindi ito consistent sa puntong naunang sinasabi na ang mga sasakyan ay gagamitin upang makarating ang tulong sa mga malalayong lugar lalo pa’t mas makatwiran ang pagbili ng mga sasakyang tiyak na mas malaki ang kapasidad sa usapin ng espasyo, mas hindi panghihinayangang iakyat sa mga bundok sa kabila ng putik at bato, maging ang kakayahang makabili pa ng dalawang beses kung mga tipong L300 na pang-akyat sa matataas na lugar ang binili.
Ayon sa diskusyon na pinangunahan ni Dong Puno sa programang Kalibre 41, halos 50 milyong piso diumano ang kinikita araw-araw ng PCSO. Nabanggit ng mga noo’y bisita ng programa na araw-araw ay tumutulong ito ng humigit kumulang 4.5 milyong piso, samantalang tumaas naman ang bilang ng tinutulungan sa halagang 11.5 milyong piso sa panahon ng kasalukuyang administrasyon.
Ang usapan ay umikot sa isyu ng pagbibigay ng tanggapan sa mga diyosesis ng Simbahang Katoliko sa kabila ng mga probisyong nakasulat sa Saligang Batas. Bagaman may mandato ang tanggapan ng PCSO na tumulong sa ating mga kababayan, o mas higit na kilala sa salitang pagkakawang-gawa o charity, ang pagbibigay sa mga kahilingan ng mga nasa posisyon sa hirarkiya ng nasabing relihiyon ay sinasabing paglabag at pagmamalabis sa kanilang mandato.
Isa sa mahalagang argumento na ginagamit ng noo’y Chairman ng PCSO na si Manoling Morato ay ang pagbibigay ng mga sasakyang iyon ay pagbibigay ng daan upang maisakatuparan ang pagkakawang-gawa ng simbahan sa mga malalayong lugar na sinasakupan nito. Bilang sagot sa puntong iyon ng dating PCSO Chairman, sinabi ni Francisco Joaquin ng PCSO na walang batas na nagbabawal sa pagkakawang-gawa subalit may batas tayo na nagsasabi kung saan-saan dapat ginugugol ang kita ng pamahalaan.
Ang pagtanggi din ng ilang obispo noong una sa mga natanggap na ‘charity’ ay naging mainit na isyu dahil ang pagsisiwalat ng COA na siyang ahensya na nag-aaudit sa bawat kagawaran ng pamahalaan ay lihis sa posisyon ng ilang nasasangkot. Sa lahat ng mga sanga-sangang balita ukol dito maging ang diumanong tunay na pinagtatakpan na isyu, nananatiling tahimik ang mga karaniwang mamamayan habang patuloy na umaasang isa sa mga araw na ito ay sila na ang makakuha ng pangunahing premyo sa Lotto.
Noong Hulyo 13, 2011, pinarada na sa senado kasabay ng hearing dito ang mga nasabing sasakyan na ginagamit umano sa kawang-gawa. Humingi ng kapatawaran at pang-unawa ang mga nakatanggap nito habang sinasalubong ng ilang protesta. Tuluyang nang isinauli ang mga sasakyang binili mula sa halagang iginawad ng PCSO. Subalit ang nananatiling katanungan magpasahanggang ngayon mula sa mga karaniwang mamamayan ay: hanggang ‘sorry’ na lang ba tayo, matapos ang kauna-unahang ‘ I’m sorry’ sa harap ng telebisyon noong panahon ng dating pangulong Arroyo?