Sa panahon ngayon kung kailan malinaw na inirerekomenda ang pag-recycle, hindi ko lubos maisip na maging ang diapers ng bata ay isa sa mga bagay na kasamang nire-recycle. Sa isang probinsiya sa Kabisayaan ko unang nakita ang isang nakagugulantang na pagre-recycle ng mga diapers na ito at sa pag-ikut-ikot ay napag-alamang maraming pamilya ang gumagawa nito.
Iba-iba ang kwento sa kung bakit nila ginagawa iyon at lahat ng iyon ay pawang maikakategorya sa kahirapan at kawalan ng kakayahang bumili nito, at least pag gabi kung saan hindi na kailangang tumayo-tayo ng nagbabantay upang palitan ang saplot na naihian ng bata.
Missing nanay
Noong una ay hindi ko pinahahalatang interesado akong malaman sa mga nakasabit na sampay na diapers sa labas ng kanilang bahay. Habang tinatawag ng kanyang ina ang aking pakay na si Roy para sa isang panayam, hindi ko napigilan ang sariling tanungin ang ina ni Roy kung para saan ang mga nakasabit na diapers na parang mga salawal ng batang maayos na isinampay.
Sinabi ni Aling Lorena na iyon daw ay para sa kanyang apo na noong una’y inakala kong anak niya. Itinuro niya pa ang batang maayos na natutulog sa duyang ginawa pa daw ng kanyang asawa. Gawa iyon sa telang pinagtagpi-tagpi na sa tingin ko’y dating pinaglagyan ng mga harina. Ang mga katsang iyon ang ikinabit sa isang tali sa magkabilang dulo kung saan hindi bababa sa isang pulgada ang taas mula sa pulang lupa.
Hiyang-hiya si Aling Lorena sa kanilang bahay at noong mga oras na iyon ay pinaramdam ko sa kanyang wala siyang dapat ikahiya lalo pa’t ako ang dayo at may kailangan sa kanyang anak. Ngumiti si Aling Lorena sa pagsabi kong iyon at tinulu-tuloy pa ang kwento sa ibang bagay kahit wala sa linya ng aking mga itinatanong.
Nabanggit nitong ang apo niyang iyon ay anak ng nakatatandang kapatid na lalaki ni Roy na nagtatrabaho sa bayan at umuuwi lamang kapag Linggo upang magbigay ng kita sa ina. Malayo ang bayan at para makatipid sa pamasahe ay nakikitulog ito sa pinagtatrabahuhan.
Iniwan na daw ng asawa ang kapatid ni Roy. Sumama daw ito sa ibang lalaki. At dahil bata pa daw ang babae dahil nanganak ito sa edad na 19, wala rin itong trabaho kung kaya’t iniwan ang bagong panganak na sanggol noong dalawang buwan pa lamang ito. Hindi na rin nagpakita na ang nanay ng bata o nakipagkomunikasyon sa tatay ng bata, at ang balitang sumama ito sa ibang lalaki ay galing na rin sa mga kamag-anak nito noong minsang pinuntahan ni Roy ang kamag-anak ng nanay ng bata upang magpa-amot ng kahit na kaunting tulong sa pagpapalaki sa sanggol.
Gatas, lampin, at higit sa lahat pag-aaruga
Sa sama ng loob ng nanay ni Roy, naihalintulad niya ang dating kinakasama ng anak sa ahas na matapos magpalit ng balat ay mawawala na lang. Sinabi niya rin na mabuti pa daw ang aso ay hinahanap at kapag nanganak naman daw ay napakatapang dahil handa itong depensahan ang mga bagong tuta laban sa gustong magpahamak sa mga ito.
Malinaw na hirap silang buhayin ang batang iyon lalo pa’t sila na rin ang tumatayong ina’t ama nito sa panahong nitong lubhang nakaasa lamang ang sanggol sa kaniyang tagapag-alaga. Bukod pa sa katotohanang iniwan ito sa panahong nangangailangan ito ng gatas ng ina at init ng yakap o pagkandong, ang mga materyal na pangangailangan nito gaya ng lamping pamunas sa kaniyang pawis, ihi, at dumi ay hindi kayang maibigay.
Ang mga diapers na iyon ay paulit-ulit na nilalabahan ni Aling Lorena upang may magamit ang sanggol sa pagtulog nito. Ginagamit rin iyon kapag dinadala nila ang bata sa labas upang bumisita sa ilang kamag-anak o kaya naman ay dinadala kapag naghahatid ng pagkain sa nagtratrabahong asawa lalo pa’t walang mapag-iiwanan dito.
Ang mga diapers, kapag naihian, ay hinuhugasan o pinadadaanan ng tubig at pinapatuyo sa araw hanggang halos manumbalik ito sa dating porma. Ang mga nadumihang diapers naman, pati na yung mga lubhang durug-durog na ang mga bulak sa loob, ay tinatanggalan ng laman upang lagyan ng tela sa loob na hinihiwalay kapag nilalabhan. Paulit-ulit ang prosesong ito hanggang sa tuluyang maubusan ng dikit ang diapers at panahon na upang bumili naman ng panibagong mga diapers na maaaring i-recycle.
Sa natural na pagkukuwento ni Aling Lorena, alam kong hindi niya rin iyon gustong gawin bagaman pinagtiyatiyagaan na lang upang higit na mabigyang ng prayoridad ang pangangailangan ng bata tulad ng pang-araw araw na gatas nito. Sa panahong kulang pa sa pagkain nila ang pinagsama-samang kita ng mga anak at asawa, sabaw ng sinaing ang pagkain ng sanggol para lamang mapunan ang gutom nito.
Sa totoo at kung titingnan pa ito ng mas malalim, maswerte pa rin ang sanggol na iyon dahil may lolo at lola siyang pinipilit na buhayin siya kahit pa kaakibat nito ay ang pagpapagamit sa kanya ng mga ni-recyle na diapers. Maswerte pa rin siya kumpara sa ilang namatay sa kagutuman na hanggang ngayon ay hindi pinaniniwalang realidad ng ilang hindi nakasasaksi o yung mga ilang kailan ma’y hindi makararanas nito.