Bi Eva Callueng, Mulat Pinoy Contributor
Sa university belt unang nabalita ang ganitong kalakaran na lalong higit na maingay kapag panahon na ng bayaran ng tution fee. Ito ang panahon ng prelims, midterms at finals, kung saan kinakailangan makapagbuo ng halagang pinangakong babayaran ng estudyante sa nasabing mga panahon. Staggered payments ang paraan ng pagbayad upang hindi masyadong mabigat ang babayaran sa pagbubukas ng semestre.
Hindi biro ang halagang kailangang bunuin sa pagpasok sa unibersidad. Sa panahon ngayon, at kahit na sa Unibersidad ng Pilipinas na dating halos anim na libo lang ang binabayad kada semestre, sampung taon na ang nakalilipas ay nagbabayad na ng higit sa dalawampung libo ang isang estudyante sa isang semestre. Tanging ang ilang piling state-universities na lang katulad ng PUP (Polytechnic University of the Philippines) ang may tuition fee na masasabing abot-kaya na ng isang nagpapaaral. Samantala, ang matrikula sa mga pribadong unibersidad sa kalakhang Maynila ay hindi bababa sa 25,000Php at naka-depende pa ito sa dami ng units na kailangang i-enroll ng isang estudyante.
Enrolment rate
Sa isang regular na empleyado ng isang kompanya na nagpapa-aral halimbawa ng dalawang estudyante sa kolehiyo, mabigat ang magbayad ng 60,000Php kada semestre hiwalay pa ang baon, uniporme, libro, at kung anu-ano pang pangangailangan ng bata. Sa kasalukuyang sitwasyon, ang kanilang pinagsamang kita sa isang buwan ay kulang pa rin upang tustusan ang lahat ng pangangailangan ng pamilya. Ang estimang ito ay base pa rin sa dalawang anak na nasa kolehiyo, kung saan sa totoong buhay, ang madalas na bilang ng anak ng isang pamilya ay hindi bababa sa tatlo.
Bunga ng ganitong sitwasyon, malaki ang tsansa na isa sa dalawang nagpang-abot sa kolehiyo ay humihinto upang paunahin ang kapatid. Sa datos na inilabas ng Center for Asia Pacific Studies, sa 100 estudyanteng papasok sa elementarya, 66 dito ang makakatapos ng Grage 6, 42 sa high school at 14 sa kolehiyo, kung saan 7.7 porsyento lamang ang magkakaroon ng trabaho. Ibig sabihin 1 lamang sa 100 na pumasok sa elementarya ang magkakaroon ng trabaho.
Ang ganitong istatistika, bagaman nakalulungkot, ay may mas mahalagang katanungang kaakibat kung saan magandang hanapin kung saan napupunta ang ilang hindi na nakapagpatuloy ng pag-aaral, gayundin ang pagsubok na pinagdadaanan ng isang karaniwang pamilyang nangangarap makapagpatapos na kahit na isa sa limang anak sa kolehiyo.
Sa imperial Manila
Maraming estudyante sa kolehiyo na nagmula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang nag-aaral sa kalakhang Maynila, sa pag-asang mas mataas ang tsansa na makahanap ng trabaho. Naid din nila ito upang higit na masanay sa simoy Maynila, na maaari ding maging lugar ng kanilang pagtratrabaho o pagbubuuhuan ng pamilya sa nalalapit na panahon. Sa iba pang kadahilanan, kung bakit sa Maynila nila higit na gustong mag-aral, ay sa kanila na lang iyon o maaaring pagkuhanan ng datos o aspeto para sa isang pag-aaral.
Noong kumalat ang balita ukol sa prostitusyon sa iba’t ibang kasa sa Maynila, nakita na malaking bilang ng mga taong nag-eengage sa ganitong trabaho ay nag-aaral at dating mga mag-aaral sa malalapit na eskwelahan. Ang aking ilang taon na ring pagtuturo sa lungsod na ito ang nagpakita upang mapakinggan ang ilang kwento ng mga estudyanteng nagpapahayag sa kung bakit ito ang naisip nilang paraan upang matustusan ang sariling matrikula.
Sa pakikinig, ang higit na naramdaman ay pag-unawa sa kanilang matinding pagnanais na matapos ang pag-aaral. Ang sitwasyon ng kanilang pamilya hindi lamang nung mga nasa probinsiya ay pihadong hindi sasapat, lalo na sa biglaang pagtaas ng matrikula kada taon. Sabi pa ng isa ay kulang na ang kaniyang pagbayad sa tinitirhang dormitoryo subalit hindi niya na gustong pa-problemahin pa ang magulang sa probinsiya kung kaya’t kinailangan niyang dumiskarte.
Ang pagpasok sa mga fastfood chain na tumatanggap ng 2nd year college pataas bilang initial requirement ay binanggit ko bilang isa sa mga pagpipilian subalit ang patung-patong na rin na resume ng mga gustong pumasok sa mga kaparehas na linya ang nagpahinto kay Bella* para mag-apply.
Raket/diskarte ang ginamit nyang mga salita at dahil tuwing enrolment season lang naman ito nangyayari pakiramdam niya ay wala naman siyang dapat idetalye nang husto at ang mahalaga’y hindi na niya madadagdagan pa ang listahan ng utang ng magulang sa probinsiya para lamang makapagtapos siya.
Aral para magtrabaho o trabaho para makapag-aral?
Para sa isang mag-aaral, namimili na siya ng kurso kung saan alam niyang siguradong makakakuha siya ng trabaho. Madalas na nating marinig ang ‘education to employment’ na islogan. Ang hindi lang madalas nating malaman ay kung anu-anong mga trabaho ang pinapasukan ng isang may masidhing pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral upang magkaroon ng oportunidad na makapagtrabaho. Iba pa sa usaping ito ang totoong balon ng oportunidad (kung meron man) matapos niyang bunuin ang pag-aaral, maging kapalit man nito ay ang pagsuko ng katawan.
Maliit na bahagi lamang ng anggulo sa pagkukuwento ni Bella* ang ating nalaman, bagaman ang kanyang kasama ay piniling manahimik at sinamahan lang ang kaibigan upang mas may lakas ng loob na ibahagi ang kanilang karanasan.
Sa ngayon, dalawang taon pa ang bubunuin ni Bella habang isang taon at isang summer class na lang ang kaibigan nito. Sa ganang kanila, hindi rin nila gustong nasabak sa ganoong gawain hindi dahil sa moral na kadahilan nito. Sa tooo, hindi naman sila naniniwalang may masama sa kanilang ginagawa lalo pa’t hindi lang ang sarili ang natutulungan nila kung hindi maging ang buong pamilya. Kawalan ng oportunidad ang kanilang itinuturong dahilan at ang pagtatapos sa pag-aaral ang pinaniniwalaang paraan upang mas lumawak pa ang kanilang mga pagpipilian.