Ni Eva Callueng
“Maalwal ang aming pamumuhay higit sa aming mga kapitbahay pero may isang bagay na parang kulang, yun ay ang aking Tatay”—Ronald, 23
Ang pangingibang-bansa na yata ang pangunahing pagpipilian kung mayroon man ng maraming Pilipino kapag tinatanong sila kung ano ang kanilang gagawin matapos ang mag-aral. Hindi sikreto ang “pangarap” na ito bunga na rin ng tumataas na bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa Pilipinas. Ang kabuuang 7 sa bawat 100 Pilipino na walang trabaho ang siya na ring nagtutulak upang lisanin ang bansa at subukan ang swerte sa mga banyagang lupain. Nangunguna na sa madalas na puntahan ang Middle East partikular na ang United Arab Emirates (Dubai at Abu Dhabi) gayun na rin ang Kingdom of Saudi Arabia, kung saan kamakailan lamang ay ilang mga kababayan natin ang napauwi.
Kung bibilangin ko ang mga kamag-anak at kakilalang may isa o higit pang kapamilya na nagtratrabaho sa ibang bansa ay siguradong halos lahat ay may kapamilyang nagsisilbing punong tagapagtaguyod o kaya breadwinner sa kanila sa ibang bansa. Ang impormal na pagbibilang na iyon ay minsan nang pinaalala sa akin ng mga pelikulang may pagtukoy sa mga kinahihinatnan ng mga batang may mga magulang na nasa abroad, gayundin ng mga istoryang tinatalakay sa sikat na sikat na programang Face to Face. Marami dito ang naghahanap ng kalinga ng magulang kung kaya’t sumusubok ng iba’t ibang paraan upang maagaw ang atensyon ng magulang. Simple lang ang kanilang nais na hindi nila direktang masabi sa magulang, ang presensya ng mga ito kung kaya’t marami sa kanila (mali man o tama sa kanilang paningin) ay gumamit ng ipinagbabawal na gamot o nag-asawa ng maaga upang maghanap ng kalinga mula sa asawa o ibang taong may kakayahang ibigay ito.
Hindi na bago ang mga ganitong usapin subalit ang mas malalim na pag-unawa sa sitwasyong ito ang siyang magiging susi para maunawaan naman ang mga perspektibo ng mga kabataang silang unang nakakaramdam ng ‘pagkawala’ ng magulang.
Mga naiwang anak
Magkakamag-anak sina Rye, Tin-tin, at Flor. Magpipinsan sa katotohanan at ang mga pangalan nila ay sadyang binago ayon na rin sa kanilang pakiusap. Bagaman pumayag silang lahat na ibahagi ang ilan sa kanilang mga karanasan. Alam nilang may mga napagwawagiang istorya din naman na kagaya nilang ang isa o parehas na magulang ay nasa abroad.
Sabi ni Tin-tin, hindi niya alam kung baka nagkataon lang ang lahat pero halos pare-pareho ang kani-kanilang mga kwento. Pare-parehas silang lumaki na lang at nasanay na palaging wala ang ama sa tabi. Uso o sadyang pangunahing pinagpipilian kasi ang pagtungo ng mga tatay sa abroad sa lugar. At dahil hindi lamang nag-iisa sila sa paligid na wala ang tatay at higit na may nakaaangat na pamumuhay, hindi nila nararamdamang palaging ‘absent’ ang ama sa mga mahahalagang okasyon ng kanilang buhay. Masyado na silang nasanay hanggang sa dumating sa puntong hindi nila talaga hinahanap, dagdag pa ni Flor. May mga pagkakataon naman sa kabataan ni Rye na kapag dumarating ang tatay niya ay pag-alis naman nito ang agad nitong tanong sa kanilang pagkikita. Marahil ang pagtatanong na iyon ay upang ihanda ang sarili sa muling pag-alis ng ama.
Sa kanilang paglaki ay naghahanap sila ng sariling pagkakakilanlan ganun na rin ng sariling buhay, ngunit hindi nila namamalayan (sinasadya man o hindi) na sa ibang tao sila mas higit na nakabubuo ng relasyon. Doon daw nila nararamdaman na hinahanap-hanap sila at natagpuan ang kanilang paghahanap.
Alam ni Rye na masama sa katawan ang paninigarilyo pero dito siya nagsimula, hanggang napadalas-dalas ang pag-inom at nakatikim ng iba pang nakasasama sa kalusugan. Sa madaling salita at katulad ng mga istoryang madalas na ipinapakita sa telebisyon at kwento ng mga tunay na buhay, napariwara si Rye. Hindi niya natapos ang pag-aaral at matagal ding nanatili sa rehab.
Si Tin-tin ay maagang nag-asawa. Nakapangasawa siya ng matanda sa kanya. Ganun daw iyon sabi sa ilang nabasang libro, naghahanap daw kasi ang mga ganoong babae ng isang ‘father figure’ kaya mas napapalapit sa mga lalaking may edad na. Sa edad na mahigit 30 ay may anim na siyang anak. Ganun din ang nangyari kay Flor na limang taon ang bata kay Tin-tin at may apat ng anak ngayon.
Hinahanap si itay
Sa nangyari kay Rye at sumunod pang mga kapatid na lalaki na parehas ang naging kapalaran, sila mismo ay nahihirapang sabihing malaki ang kinalaman ng pagiging absent ng ama sa kanilang paglaki. Sa totoo pa ay hindi nila ito isinisisi sa ama dahil na rin sa alam nilang hindi rin naging madali ang buhay ng ama sa abroad. Bagaman, maayos ang pagpapalaki sa kanila ng ina, maaaring sabihing hindi naging sapat iyon upang punan ang bahaging ginagampanan ng isang ama lalo pa’t panay lalaki ang kanilang anak.
Si Tin-tin naman ay naghiwalay ang magulang dahil sa may kinakasama pala ang ama nito. Bagaman hindi ito naramdaman ng magkakapatid dahil na rin sa pagtatakip ng ina at walang palyang pagpapadala ng pera at kung anu-anong bagay ng ama, ang halos isang linggo lang na pag-uwi nito sa kanila kada tatlong taon ay halos katumbas na rin ng isang habambuhay na pagkawalay. Sa kabilang banda, ang pagiging rebelde ni Flor at pilit na pagkuha ng atensyon ng magulang na parehas nasa abroad ang naging dahilan kung kaya’t nag-asawa ito habang nag-aaral. Paraan nya daw iyon para ipakita sa mga magulang niya na mahalagang sama-sama ang pamilya kahit nagugutom sila. Palibhasa’y panganay at wala ring malapit na kamag-anak na gumagabay ay nagsarili ito samantalang ang panibago niyang pagsubok ay ang paghihiwalay nila ng kinakasama habang may bagong dine-date ngayon.
Nagkataon man ang lahat ay hindi maitatatwang ang kasalukuyang nararanasan nila Rye, Tin-tin, at Flor ay produkto ng masalimuot na koneksyon ng pangkabuuang kalagayan ng isang pamilyang Pilipino sa bansa. Ang kasalukuyang estadong pang-ekonomiko, kawalan ng oportunidad, compadre system, at iba pang sistemang nagtutulak sa ating mga kababayan na subukin ang kapalaran sa ibang bansa ay naglalagay ng malaking hadlang sa pagitan nila at ng kanilang minamahal sa buhay.
Hindi nag-iisa ang kanilang mga kwento. Bagkus ay paulit-ulit na mga karanasang binabaka ng bawat batang Pinoy na isa o parehas na magulang ay KINAKAILANGANG magtrabaho sa ibang bayan, sa ayaw man nila o gusto.
At nagpapatuloy ang istoryang gaya nito…