Juan Dela Cruz vs. Two Garcias and the likes

MP-KNN teamNews ArchivesLeave a Comment

Ni Eva Callueng

Juan Dela Cruz

Hindi biro ang mga anomalyang kinasasangkutan ng mga matataas na pinuno ng pamahalaan, lalo kapag pagdispalto sa kaban ng bayan ang pinag-uusapan. Sa matagal nang nakasanayang prosedyur ng SOP o halagang nakukuha sa bawat transaksiyon, hindi na gaanong pinapansin ng mga tao ang ‘tradisyong’ ito hindi dahil tanggap na ang katotohanan kung hindi dahil nakikitang walang katuturang gawain ang lumaban o iwaksi ang nakasanayan. Kawalan ng katuturang maituturing dahil na rin sa kawalang ngipin ng lahat ng mga nasa kabuuang sistema nito upang ipatupad ang nararapat.

Sa mga whistleblowers na kagaya nila Jun Lozada at iba pang matapang na natangka, nauwi sa dismissal ang karamihan dito kahit pa pikon na pikon na ang sambayanan sa ma-anomalyang transaksiyon ng NBN ZTE deal. Kabilang na rin sa mga nakabitin sa langit ay ang mga isyu ng fertilizer scam, GSIS funds, euro generals, pabaon system at marami pang iba na pilit ibinabaon sa limot o kaya naman ay pagpapasiklab ng ibang isyu upang maiba ang atensyon ng lahat.

Hindi bago ang istratehiya na ito liban pa sa tusong pagpupuwesto ng mga tao sa mahahalagang posisyon sa gobyerno para protektahan ang dungis na dungis ng pangalan. Tila nagsasawa man ang mga tao sa biglang pagputok at pagpatay ng mga isyu, nanatiling nakaukit sa mentalidad ang mga hindi nasagot na isyu at tulad ng patay na daga na ikinulong para hindi umalingasaw, kusang sasabog ito sa tamang panahon upang singilin ang mga naging gahaman.

Panaghoy ni titser

Malaking bilang ng kakulangan ng guro ang mayroon sa bansa, dagdag pa dito ang kakulangan sa silid-aralan, upuan, libro at iba pa. Maituturing na bayani ang mga gurong nananatili sa bansa sa kabila ng maraming oportunidad na magtrabaho sa ibang bansa (wala mang kinalaman sa inaral) na dodoble sa mga kasalukuyang kinikita.

Ang pagiging guro ay kagaya daw ng pagsusundalo, pagpapari o pagmamadre. Hindi lahat pwede dito o piling-pili lang ang may kakayahang manatili dito. Sa mga gurong tumagal na magturo ng 40 taon o hanggang sila ay bigyan na lang ng “forced retirement” ay lubhang kahanga-hanga at nararapat lamang na bigyang-puri at itampok. Sa katotohanan, kahit yaong mga nasa 10 taon pa lang sa serbisyo ay kapuri-puri na lalo pa kung ang kontekstong pinag-uusapan ay eskwelahan sa bundok na kinakailangang maglakbay ng limang kilometro bawat araw para lang maturuan ang mga batang nagsisiksikan sa silid-aralan na kulang-kulang ang kagamitan. Hindi lahat ay kakayaning magtiyaga sa ganun at ang pagmamahal sa napiling bokasyon ang nagtutulak sa kanya upang manatili sa serbisyo.

Sa pagbabahagi ni Mam Aida na tumanda na sa serbisyo, hindi tamang ipitin silang mga pobre sa matagal nang naka-file na pension at  pangatwiranang walang pondong maibibigay sa takdang panahon. Masakit sa kanya iyon dahil inaasahan nila ang pera upang mapakinabangan ang bunga ng kanilang paglilingkod habang sila ay buhay pa.

“Kelan nila gusto iyon ibigay? Kapag patay na kami?,” dagdag pa ni Mam na tumatagos ang paghihinaing. Nabanggit pa niyang simula nang maupo si Winston Garcia sa GSIS ay di mabilang ng iskandalo ang ibinabato rito kung saan ang tunay na biktima ay silang mga kawani ng gobyerno, partikular na ang mga guro sa probinsiyang walang kalaban-laban at boses sa pagdinig ng mga kaso.

Frontliners sa gyera na butas ang bulsa

Ang kinasasangkutang iskandalo ng mga nasa hanay ng pulis at militar ay nagbukas sa isip ng ating mga kababayan upang higit pang alamin ang mga nakasanayang tradisyon ng pabaon at pamumuhay na tila mga hari at reyna ng mga matataas na opisyal. Ang punto ay nananatili sa pagkamal ng yaman na mula sa buwis ng mga mamamayan na walang kamalay-malay sa bulto-bultong badyet na nawawalang parang bula. Dokumentado man ang ‘pagkawala’ ng mga ito, nanatiling ebidensiya ang mga ito dahil sa di makatwirang paglobo ng mga presyo.

Sa kasalukuyang pandinig kay Maj. Gen. Carlos Garcia, pagpapakamatay ni former AFP Chief Angelo Reyes sampu ng mga kasamahang pinagpapaliwanag sa Senado, naungkat ang mga dati at nakasanayan ng ‘gawain’ na tila bahagi ng sistema. Nariyan na ang pagsisiwalat ng nawawalang pondong dapat ay natanggap ng mga sundalong ipinadala sa East Timor ayon sa kalkulasyon ng dapat na matatanggap nila na nauna nang pinangatwiranang napunta sa contingency funds ng opisina ng Chief of Staff.

Ang mga milyong pisong pabaon hindi lamang diumano sa pa-retire na opisyal kung hindi maging sa mga asawa  ng mga tinaguriang Euro generals sa mga kapulisan ay mga umuulit na ugong, kung saan ang konklusyon ng pangkaraniwang sundalong pansabak sa gyera ay tadtad na ang katawan nila sa bala ay nagpapapakasasa naman ang mga opisyal nila sa nakalulunod na kapangyarihan at pera.

Laban Juan!

Tapat sa islogan ni Pangulong Pnoy na “Kung walang corrupt,walang mahirap!” ay patuloy ang sunud-sunod na kampanya at pandinig sa kamara upang lipulin ang mga nandaya sa bayan. Hindi madali ang panawagang ito lalo pa kung tradisyon at ‘kultura’ ang binabaka nito. Sa tagal ng panahon na ang mga gawaing pandinig ng mga kaso ay mala-kabute, hindi nagiging madali ang magtiwala upang isiwalat ang nalalaman, bunga na rin ng mga kinahihinatnan ng mga nagtangkang puksain ang kurapsiyon sa pamahalaan.

Sa kasalukuyan, nag-iipon ng lakas at determinasyon ang  matagal nang inaapi at ninanakawang si Juan dela Cruz upang paghandaan ang paniningil sa mga kawatan. Siya rin ay nagsusumikap na linisin ang mga duming ikinalat ng mga kasamahan sa sandatahan, kapulisan, at iba pang ahensiya ng pamahalaan na hindi naging tapat sa Diyos at bayan. Ang labang ito ay pinangungunahan niya  upang patunayan ring ang tradisyon na meron sila Two Garcias et al ay hindi likas sa kanyang lahi at lalong di turo ng kanyang mga ninuno.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *