Ni Liwliwa Malabed
Photos from the Probe Media Foundation, Inc.
Our contributors are a varied sort: some from NGOs, others from a more corporate background; some are well-known across the board while others lead quieter lives. Regardless of who they are and where they come from, they have something to say about our population, and we should all listen.
The following message is from Liwliwa Malabed, who joined the Lakbay Buhay Kalusugan trip to Capas, Tarlac:
Parang mantra na paulit-ulit sinasambit ng mga kalahok sa Lakbay Buhay Kalusugan (LBK) ng Department of Health (DOH) at US Agency for International Development (USAID). Swak na swak itong isigaw ng superhero bago niya puksain ang mga kontrabida sa kalusugan tulad ng dengue, impeksiyon at malnutrition.
Pero kung tutuusin, di natin kailangan si Darna o si Captain Barbell. Layunin ng LBK na dalhin ang mga serbisyong pangkalusugan sa pamilyang Pilipino at bigyan sila ng kakayahang pangalagaan ang sarili nilang kalusugan. Kailangan makita ng bawat Pinoy na may responsibilidad sila sa kalinisan ng kapaligiran at kalusugan ng kanilang pamilya. Pagdating sa kalinisan at kalusugan, dapat bawat isa ay superhero.
Kakampi ng LBK ang lokal na gobyerno. Sa unang byahe ng LBK noong March 3-4, nagmistulang piyesta sa Barangay Sta. Juliana, Capas, Tarlac. May marching band, mga programa at pagtatanghal, storytelling sessions at interactive exhibits. Syempre ang LBK bus ay nagsilbing maternal at child health clinic. Mayroon ding health classes at family health counseling na pinangunahan ng mga Barangay Health Workers (BHWs).
Mahigit 300 na pamilya—kasama na ang mga isang libong katutubong Ayta—ang bumaba mula sa kanilang mga tahanan sa paligid ng Mt. Pinatubo upang magpa-check-up. Higit sa 100 dito ay mga kababaihang nagdadalang-tao. Ang pinakabata dito ay labing-anim na taong gulang pa lamang. Karamihan sa mga buntis ay may tangan-tangan pang sanggol o batang paslit na ngayon pa lamang magpapatingin sa doktor. Maliban dito, maraming residente rin ng mga karatig-barangay ang nakinabang sa mga serbisyong-pangkalusugang dala ng LBK. Bumisita rin ang ilang grupo ng estudyanteng high school sa mobile clinic at mga eksibit.
Para kay Dr. Ricardo Ramos, Provincial Health Officer ng Tarlac, hindi lang kalusugan ang target ng LBK. Pinupuntirya din nilang pataasin ang kalidad ng pamumuhay, pati ang level of happiness ng ating mga kababayan. Mangyayari ito pag matutunan ng bawat pamilyang maging self-reliant at pangasiwaan ang kalusugan ng sarili at pamilya, maging ng kumunidad. Dagdag naman ni Dr. Asuncion Anden, Direktor ng Center for Health Promotion ng DOH, mahalagang isali ang kumunidad sa programang pangkalusugan upang may magpapatuloy at magpapalago ng proyekto.
Isinusulong ng LBK ang good hygiene, tamang nutrition at family planning. Prevention pa rin ang best cure, ika nga. Malinaw ito sa LBK jingle na sinasabayan ng nakakakiliting indak ng mga BHWs at mga humahataw na batang Ayta.
Kids, laging tandaan, mahalin ang katawan
Pano ang gagawin, aba’y maraming paraan
Kumain ka ng gulay, hahaba ang iyong buhay
Kumain ka ng prutas, proteksyon ay tataas
Maligo, maghugas, magsabon ng kamay
Para di ka dumugin ng mga mikrobyong pasaway
Para kay tatay at nanay, kung kailangan ng gabay
Sa pagplaplano ng pamilya at malusog na pamumuhay
Wag nang mag-atubili, sa Health Center sumangguni
Alamin ang modernong paraan para wag mag-alinlangan
Ito ay ligtas, ito ay garantisado
Maraming pagpipilian at angkop para sayo
Susunod namang bibisitahin ng LBK ang mga probinsya ng Pangasinan, Nueva Ecija, Bohol, Negros Occidental, Bukidnon, Zamboanga del Norte, Compostela Valley, South Cotabato at Maguindanao. Kalusugan mo, ingatan mo! Walang iwanan sa biyaheng kalusugan, kaya sakay na!