By Eva Callueng
Photos by Cristina Mirandilla
Our contributors are a varied sort: some from NGOs, others from a more corporate background; some are well-known across the board while others lead quieter lives. Regardless of who they are and where they come from, they have something to say about our population, and we should all listen.
The following message is from Eva Callueng, who enjoys teaching as much as learning:
Kumalat sa Internet ang balita sa digmaan sa Iraq, kung saan may mga miyembro ng media (Reuters) na tinutok ang kamera sa parating na helicopter lulan ang mga Amerikanong sundalo. Ikinalungkot ng lahat ang pagkamatay ng mga miyembro ng media maging ng mga sibilyang Iraqi na nasa paligid dahil sa inakalang baril ang naturang kamera. Tatlong taon na ang nakakalipas nang maganap ang naturang insidente bago nalaman ng publiko sa pamamagitan ng Internet at panunulat ng ilang journalists at bloggers, at naging mainit na usap-usapan ito kung saan dagliang pinasugpo ang pagkalat ng video para mapagtakpan o itago ang pagkakamali.
Sa bilis ng mga pangyayari ay hindi naging matagumpay ang pagsugpo ng video at kaliwa’t kanang batikos ang natamo ng Amerika sa pangyayaring iyon. Samu’t saring reaksyon ang ipinahayag ng mga tao at ang mga reaksyon na iyon ay pinamagitan ng maraming bloggers na nag-repost sa kanilang mga blogs maging sa mga social networking sites. Dito ay naging mala-virus ang dating ng video sa loob lamang ng ilang minuto.
Thanks to bloggers!
Sa mabilis na pag-ikot ng mundo at sa dami ng mga pangyayari, tiyak na di kakayaning mai-report lahat ang mga mahahalagang balita sa publiko. Madalas, lalo na kapag mismong media na ang may kinalaman dahil sila ang bahagi ng istorya (kagaya ng kaso ng Reuters) may ilang mahahalagang isyu ang hindi nakakarating sa publiko sa maraming kadahilanan, gaya ng pagkamatay ng reporters sa proseso o kawalan ng mga tututok sa isyu lalo pa kung nasa delikadong sitwasyon.
Ang mga bloggers, dahil sa bilis ng proseso na kanilang kayang gawin, ang tumutulay sa naudlot o natatagalang komunikasyon. Bunga ng prosedyural na pag-eedit at pagdadaanan ng istorya sa mga pormal na samahan ng media, ang mga impormasyon ay ‘unang’ nakikita sa Internet kung kaya’t halos lahat ng dyaryo, radyo, telebisyon ay lumikha ng panustos upang makipagsabayan sa galaw ng teknolohiya at pa-aaccess ng mga impormasyon.
Vehicle of messages
Hindi na mabilang ang blog sites ang matatagpuan. Madalas ang pangunahing dahilan ng pagkakalikha sa kanila ay upang ipunin at i-rekord ang kanilang mga ideya at ipaalam sa kapwa ang mga mahahalagang impormasyon. Sa pag-aaral na ginawa ni Mary Grace Mirandilla-Santos ng NCPAG (National College of Public Administration and Governance) ng UP Diliman, lumalabas na karamihan ng mga Pinoy na bloggers sa kategoryang ‘politikal’ ay mga kalalakihang may sapat na access at panahon sa behikulo at nakasentro sa kapital ng bansa. Patuloy silang nagsusulat upang lumikha ng mga mga bagong ideya. Huling-huli sa intensyon o may pinakamababang bilang ang nagbo-blog upang pagkakitaan. Hawig sa pagsusulat ng talambuhay, naka-rekord dito ang mga kasalukuyang pangyayaring politikal at ang kanilang mga puna’t pansin sa isyu.
Hindi nagiging madali ang pagtanggap sa mga ‘political blogging’ lalo pa’t halos isang dekada na ang debate sa usaping blogging at journalism. Ang disiplinang meron sa journalism na hindi requirement sa pagba-blog sa kabuuuan ay nanatiling isyu lalo pa’t kapag ang isang balita na walang katotohanan ay na-post at kumalat na parang virus kung saan may mapanirang epekto ito. Bunga niyon at dahil na rin sa ‘maluwag’ na katangian ng proseso ng pagba-blog ay wala pang malinaw na paghihiwalay lalo na kapag ang mismong may hawak ng blog account ay mga batikang alagad rin ng midya.
Nagkakaparehas man sa intensyon ng pakikibahagi at pagbabahagi, ang kalidad ng katotohanan na nilalaman ng bawat pyesa mapa-journalistic man o blog ang titimbang sa nais na tukuyin.
Blogging is sharing!
Hindi biro ang magsulat at mas lalo kapag ito ay naglalaman ng mga puna’t pansin sa nakasanayang tama ng lipunan. Malaking responsibilidad ang kaikabat nito at bagaman malayang-malaya ang isang blogger na ihayag ang kanyang nararamdaman ukol sa isang isyu ay katumbas nito ang paulit-ulit na pagpapaalala sa sarili ukol sa magiging epekto nito sa mga tao o anumang pinag-uusapan na isyu at higit ang mga nagbabasa nito.
Walang bawal sa pagpapahayag ng nadarama at ang pagiging tapat sa mga datos na basehan ng reaksyon ay nararapat na patas. Ang mga ilohikal na paratang at pambibintang kagaya ng kwentuhan ng magkakaibigan ay walang lugar sa behikulong ito dahil ang bawat bitaw ay hindi na maaaring bawiin. Kung mabawi man ay maaaring huli na para sa hindi maapulang epekto o pagkasira ng pangalan.
Pinabibilis ng Internet ang proseso ng pakikibahagi at kaakibat nito ang kagyat na pagyakap sa mga responsibilidad na kambal ng mga mensaheng isinisiwalat. Sa pagsusulat ng patas at tapat, ang mga bloggers ay nakikibahagi sa paghahanap ng lunas bukod pa sa orihinal na intensyong magbahagi.
Maaaring basahin ang media brief ng presentation ni Ms. Mirandilla-Santos sa Scribd.