Ni Eva Callueng
Our contributors are a varied sort: some from NGOs, others from a more corporate background; some are well-known across the board while others lead quieter lives. Regardless of who they are and where they come from, they have something to say about our population, and we should all listen.
The following message is from Eva Callueng, who once worked for the biggest barangay in Quezon City, and is now a columnist for The Philippine Online Chronicles:
Kung laking Maynila ka, hindi mo lubos maiisip kung anong kaliwa’t kanang trabaho ang ginagawa ng mga bata sa maraming bahagi ng bansa para mabuhay. Masasabing ang ating exposure ay limitado sa mga batang nagpupunas ng sapatos sa dyip, namamalimos sa kalsada, o yung mga tinuruang mang-snatch para may boundary sa kani-kanilang mga amo. Ang mas tila masaklap na pangitain ay yaong mga nagtratrabaho para buhayin ang kanilang pamilya, na noong una pa lang ay hindi naman piniling magkaroon ng napakaraming kapatid.
Hindi bababa sa apat na magkakapatid ang karamihan sa mga nakapanayam na mga batang nagtratrabaho sa tubohan. Karamihan sa kanila ay nagtratrabaho sa edad na 8, at ayon na rin sa mga mismong mga miyembro ng Sangguniang Barangay ay bumababa ito dahil sa matinding kahirapan. Pagod ang mukha ng mga bata, at makikitang mas matanda sila tingnan sa kanilang edad na may pangangatawang hinubog ng trabaho subalit may kaliitan.
Kahirapan at Trabaho
Yung mga batang iyon, madalas nung una silang magtrabaho ay masaya lang sila dahil maraming mga bata ang kasama nilang nagtratrabaho. Tila napakalaking ‘playing field’ ang kanilang pinaglalaruan, subalit nang di kalaunan ay di na nila nagugustuhan ang ginagawa. Masakit ang sugat na dulot ng matatalas na tama ng tubo sa murang balat nila. Maging sikat ng araw na kulang na lang ay sunugin ang kanilang damit na suot sa sobrang init.
Isang bagay ang sigurado: gustung-gusto nilang mag-aral. Ang iba sa kanila ay nagtratrabaho sa tubohan para may pambaon. Samantalang ang iba naman ay walang pagkakataong makatuntong sa paaralan dahil kailangan nilang kumita para sa kanilang lumalaking pamilya. Nagbuntis na naman ang nanay nila at panglabing-isa na iyon. Animo’y sila ang mga magulang ng mga batang maliliit kung kaya’t ang pag-aaral ay naging ‘bisyo’ sa kanilang tingin. Mahirap makalimutan ang katagang binitawan ng isa kung saan ang kanyang pagtingin ay nakalimita sa kanyang pagtratrabaho sa tubohan habang buhay. Hindi na raw kailangan mag-aral dahil kahit matapos sila ay yun rin naman ang kanilang gagawin. Nalumbay ako sa narinig ko.
Malaking Pamilya: Asset?
Kung marami kayong magtratrabaho sa tubohan, palayan o kung ano mang sektor, ang pagtingin ay biyaya ito sapagkat malaki ang kita kung pagsasama-samahin. Subalit ang katanungan ay hindi pa kung tama ang kitang umaambon sa kanila kung hindi kung sapat ang kanilang kita para mabuhay sila ng maayos at hindi kapos dahil may binabayaran silang mga utang.
Kapag malaki ang pamilya, malaki ang pangangailangang pinansyal upang matustusan ang mga importanteng bagay, tulad ng pagkain, tubig, ilaw at pang-gatas ng mga bagong silang. Sabi ni Inday Lorna, kapag hindi season ng tubo ay wala naman silang gagawin kung hindi gumawa ng paraan na mag-sideline sa palayan, maisan para masegurong makakakain ang mga supling. Kung minalas-malas naman daw at puno na ang mga trabahante ay nakatunganga sila sa bahay na presko at may masarap na simoy ng hangin. Kapansin-pansin na puro panahon ng tag-araw yaang kaarawan ng mga anak niya, at nang bilangin ko ay panahon ng off-season ng tubo sila madalas na nabubuo. Dagdag pa niya, hindi niya ginustong ganun kadami ang mga anak dahil ang pangarap lang naman niya ay apat: dalawang babae at dalawang lalaki, at hindi times 3 nito.
Kids at Work
Magaspang at matitigas na mga kamay, puno ng kalyo at maraming sugat. Ang karamiha’y mababaw na peklat. Subalit may mangilan-ngilan lalo na sa mga kalalakihan ang may malalalim na peklat bunga ng pumalyang tapas ng itak. Tunay na nakapagpapabago ang karanasang makita sila at makapiling sa mga sandaling panahon kung saan buong-buo nilang ibinabahagi ang kanilang mga kwento at karanasan. Sa likod ng aking utak at mangilid-ngilid na luha, alam kong higit kanino man sila Inday Lorna ang may kailangan ng serbisyong pangkalusugan ng gobyerno. Hindi masakit na bigyan sila ng kaalamang reproduktibo, karapatan nila iyon at kung pagkatapos niyon ay pipiliin pa rin nila ang ganung kalaking pamilya na salat sa pagpaplaplano, at least natapos na ang ating obligasyon na ibigay ang pangunahing serbisyong ito. Hindi masamang magbahagi at matuto.