Gaano mo kamahal ang iyong kabiyak? Ni Liwliwa Malabed
Isang kilusan ang naglalayon ng matatag na lipunan at bayan na nag-uugat sa matatag na pamilyang Pilipino. Kalimitang sinasabi na ang mga ama ang haligi ng tahanan—na sila ang bigkis na nagpapalakas sa pamilya. Ang “How much do you love your wife?” campaign ay nagbigay ng karagdagang papel sa kalalakihan. Hinihimok nito ang mga lalake na pag-igtingin ang samahan nilang mag-asawa sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang pagmamahal sa kabiyak. Inilunsad ang kilusan noong Hulyo at nagkaroon naman ng blogger’s event noong Oktubre sa pangunguna ng Revicon Max ng Unilab upang mapalaganap ang bagong kaisipan.
Inaamin ni Erika Delgado, Assistant Product Manager ng Unilab, na counter-culture at revolutionary ang kanilang advocacy. Kinakailangan baguhin ang kasalukuyang mindset ng mga kalalakihang Pinoy. Hindi madaling hubarin ang umiiral na machismo sa ating lipunan. Kinalakihan na ito at madalas, bahagi na ng araw-araw na kalakaran. Pero kumpiyansa siya na napapanahon ang kanilang kampanya at sa tulong ng kanilang campaign ambassadors na sina Paolo Abrera, Edric Mendoza at LA Mumar ay tatanggapin ito ng mga Pilipino.
Ayon kay Paolo Abrera, maraming papel ang ginagampanan ng mga kalalakihan at minsan ay napapabayaan ang relasyon sa kabiyak. Upang panatilihing buo ang pamilya, kailangan daw panalitihin ang romansa sa samahang mag-asawa. Para kay Paolo, ang kailangan ay “spontaneity.” Sorpresahin ng bulaklak ang minamahal hindi lamang kung may okasyon at ipaghanda ng baong pagkain bago siya pumasok sa trabaho—ilan lamang ito sa mga pwedeng gawin ng lalake upang ipakita ang pagmamahal sa asawa.
Si Edric Mendoza naman ay naniniwalang ang pag-ibig, katulad ng pag-aasawa, ay isang desiyon na kailangan panindigan at pagsikapan. Ang babae at lalake ay magkaiba, kung kaya’t kailangan ang palagiang komunikasyon. Makipagkwentuhan sa kabiyak bago matulog at gamitin ang angkop na “love language”—words, touch, time, service, gifts— upang maiparamdam ang pagmamahal. Ibinunyag ni Edric na kahit di siya marunong sa kusina ay ipinagluluto niya ang kanyang asawa.
Para kay LA Mumar, ang pag-aalaga sa sanggol na anak ay romantiko. Ito ay isang paraan upang ipakita ang pagpapahalaga sa kabiyak. Ito ay “motivation” upang maging “intimate” sa asawa. Ayon kay LA, ang intimacy ay bigay ng Diyos at ang pagtatalik ay di lamang para sa procreation kundi para rin sa kasiyahan ng magkabiyak. Importanteng tratuhin ang kabiyak na parang reyna at ipadama sa kanya araw-araw na espesyal siya.
Sina Paolo Abrera, Edric Mendoza at LA Mumar ay mga pamilyadong lalake na di nahihiyang ipahayag sa mundo at higit sa lahat, sa kanilang asawa ang kanilang pagmamahal. Inaalam nila ang pangangailangan ng kanilang kabiyak upang mas mapangalagaan at mapagtibay ang kanilang samahan. Pero katulad ng kababaihan, may pangangailangan din ang mga lalake na kailangang punan ng asawa. Nagkasundo ang tatlo sa kanilang listahan: sariling oras para sa sarili, respeto at sex. Maging sa kanilang pananaw sa usaping RH Bill, nagkakaisa sina Paolo, Edric at LA. Para sa kanila, may karapatan ang mag-asawa na magdesisyon para sa kanilang sarili at maging responsable para sa kanilang pamilya.