Ni Eva Callueng
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang laki ng impluwensiya ng dominanteng relihiyong ito sa pang-araw araw na pamumuhay ng bawat Pilipino. Hindi maikakaila na ang pagiging sekular ng gobyerno at lahat ng mga ahensiya nito ay hindi natutupad ang naunang katangian ng lahat ng pampublikong insititusyon. Laganap ito lalong higit sa mga pampublikong paaralan kung saan tadtad ng imahe ni Kristo at Birheng Maria ang bawat silid-aralan na halos hindi na nakakatawag-pansin sa mga tao kung bakit may mga ganoon sa pampublikong paaralan na inaasahan nating magtuturo ng pagkakapantay-pantay ng lahat at paggalang sa lahat ng paniniwala at relihiyon.
Sa ikalawang pagkakataon ngayong taon, nagboluntaryo kaming maging bantay sa bawat presinto sa naganap na Synchronized Barangay at SK Elections sa ilalim ng diyosesis ng Cubao. Walang pinagbago ang mga silid-aralan at sa pag-iikot sa mga gusali sa loob ng paaralan ay malinaw na aakalain mong pribado ito at paaralan ng mga estudyanteng Romano Katoliko. Wala namang nagtatanong kung bakit ganoon, malamang nakasanayan na at inakalang tama dahil wala namang umaalma.
Katoliko ako, tayo!
Katulad na rin ng salitang katoliko na nakasanayang gamitin mula ng bata, ang ating pagtingin ay lahat ng Romano Katoliko ay katoliko. Kung pagbabasehan ang diksyonaryo sa ibig sabihin ng salitang ito ay matatagpuang mukhang malayo sa nakasulat ang pagsasapraktika ng naturang salita. Minsan na itong itinama ng isang manunulat sa isang Media Congress subalit kagaya ng dati, gamit ang nakasanayan, ang pagtutukoy sa mga may relihiyong ang kinikilalang lider ay ang Papa sa Roma ay Katoliko imbes na Romano Katoliko sapagkat ang katoliko ay maaaring tumukoy sa iba pang relihiyon, maging ng Islam.
Kung isusuma total, maaaring tawaging katoliko tayong lahat subalit bunga ng nakasanayang pagtukoy nalimita ito sa mga Romano Katoliko. Sa nakaraan, halos hindi naman ito nakita bilang malaking isyu lalo pa’t may ganoong unawaan at kasunduan subalit ang paglabas ng kaliwa’t kanang isyung may kinalaman sa RH at iba pang panukalang batas na inaayawan ng Romano Katoliko, ito ay nagsilbing hudyat upang ibalik sa orihinal na pakahulugan ang salitang katoliko maging ang pagbibigay-diin na Romano Katoliko ang dapat na gamitin kung ang may hiwalay na posisyon sa RH ang tinutukoy na relihiyon.
Sa eskwelahan
Espesyal sigurong maituturing ang makapag-aral sa mga pampublikong paaralan subalit ang pagiging espesyal na ito ay mahirap matantsa kung nakahilis sa maganda at tamang pamamaraan. Noong hindi pa integrated ang Values Education sa lahat ng asignatura o hindi pa nakapaloob sa grading ng MAKABAYAN, pirming nakikita ang mga katekista sa paaralan na gumugugol sa oras ng asignaturang Values Education. Nakalilito ang ganung set-up sa kadahilanang ginagamit nito ang oras ng Values Education subalit malaya namang umaalis sa klase ang mga kaklaseng hindi Romano Katoliko ang relihiyon. Hindi ko alam kung napipilitan ang ibang hindi naman Romano Katoliko kapag nakikinig habang nagtuturo ang katekista o sadyang pinili na lang nilang maupo dahil wala naman silang gagawin kung hindi ang magikut-ikot sa kampus kung saan ang lahat ay kasalukuyang nagkaklase.
Dagdag pa nito, palagi kong sinisilip ang mga kaklaseng may ibang relihiyon kapag sinisimulan ng guro sa pang-umagang klase ng dasal na naka-sign of the cross. Batid kong nalilito ang mga kapwa ko estudyante sa ganoong prosesong hindi man lang ipinaliwanag nang maayos kung bakit ginagawa na pwede namang gawing ekunemikal sa gayo’y walang nalilito at naiiwang ibang mga bata. Madali para sa mayorya ang gawain dahil sa identipikasyong Romano Katoliko subalit kwestyonable ito sa batas ng Pilipinas para sa pampublikong paaralan at batas ng ibang relihiyon kung saan malinaw ang kanilang paniniwala sa kani-kanilang paraan ng pagsamba sa Lumikha gayun din ng mga hindi lumaking may kinikilalang relihiyon.
For a change
‘Sensitivity’ daw ang keyword ayon sa marami lalo na kung nais natin ng tunay na pagbabago. Siguro tolerance din na magkakaiba tayo at hindi monolithic ang mundo. Maaari din nating tingnan na magkaiba tayo ng pandinig at persepsyon sa kahol ng aso o miyaw ng pusa at ang pagpupumilit nating iisa lang ang tunog na naririnig ay naghuhudyat ng hindi pagkakaunawaan at pagkakaintindihan.
Kung bata pa lang ang mga estudyanteng Pilipino ay may ganito nang exposures, hindi nakapagtatakang nalilito siya sa kabuuang proseso. Ang inconsistencies ng mga itinuturo sa konstitusyon at batas ng kanilang relihiyon (lalo pa kung sila ay napapabilang sa ibang relihiyon liban sa dominanteng grupo) ay nakadaragdag sa kabuuang isyu kung saan sa kanyang paglaki ay kinakailangan niyang pumosisyon sa maraming sitwasyon base sa kanyang konsensya at paniniwala. Mas higit na maiintindihan marahil kung ang set-up na ito ay nagaganap sa pribadong Romano Katolikong paaralan sapagkat umpisa pa lang ay malinaw na ang posisyon ng institusyon sa kurikulum ng paaralan kung saan halimbawa, ang anak ng hindi ikinasal na magulang ay hindi maaaring makapasok o maging mga anak ng single-parent. Subalit ang gawin o akalaing ang lahat ay may iisang relihiyon sa pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagpasok ng mga katekista mula sa simbahan gamit ang oras ng Values Education ay nangangailangan ng kagyat na pagbabago sa sektor na disinsanay unang kumilala ng pagkakaiba-iba nating lahat at pagtuturo ng paggalang sa kaibahang ito. Ang higit na mahalagang mensahe sa ngayon, marahil, ay lahat tayo ay katoliko, katolikong nagnanais ng pagbabago anuman ang relihiyong kinabibilangan o kahit pa wala tayong kinikilalang relihiyon.