Lights, Camera, Action!

MP-KNN teamNews ArchivesLeave a Comment

MP at WDC


Ang Papel ng Kalalakihan sa Sexual Reproductive Health
ni Liwliwa Malabed

Kausap ng doktor ang isang buntis na babae. Nagmamakaawa ang babae na i-vasectomy na ang kanyang asawa at baka magbago pa ang isip. Ni-request niya na turukan ng anesthesia dahil naduduwag daw at ninenerbyos ang asawa. Sumang-ayon naman ang doktor at binigyan ng kaukulang instructions ang nars.

MP at WDC

Mulat Pinoy at Women Deliver

Sa waiting area, lalapit sa asawang nakaupo ang babaeng buntis. Kukumbinsihin ng lalake ang babae na huwag na ituloy ang vasectomy dahil baka tumaba daw ito at mawalan ng sex drive. Sasabihin ng babae na dapat lang mawalan na ng sex drive ang lalake dahil panglabing-tatlo na ang ipinagbubuntis ng babae. “Maawa ka naman sa akin,” ang hiling ng babae. Nakumbinsi naman ang asawa pero nang pumunta sa banyo ang babae, tumakas ang lalake.

Eksena ito sa Dolphy-Panchito movie na nasumpungan ko habang palipat-lipat ng channel (kung gusto mo malaman ang nangyari pagkatapos ng eksenang ito, kailangan mo munang basahin ang kabuuan ng article). Naalala ko ang pelikulang ito nang dumalo ang MULAT PINOY sa WOMEN DELIVER PHILIPPINES—isang conference na ginanap sa Crowne Plaza Hotel kamakailan. Isa sa mga session na di ko pinalampas ang Men’s Role in Sexual & Reproductive Health. Kumbaga sa entablado o puting tabing, lahat ng ilaw ay nasa kalalakihan. Tinanong ko sa aking sarili kung katulad ba sa pelikula ipipinta ang papel ng kalalakihan sa Sexual & Reproductive Health?

Ayon kay Dr. Michael Tan, kailangan muling usisain at isipin ang “male involvement” sa usaping Sexual & Reproductive Health. Kumbaga sa camera, dapat tingnan ang lahat ng angulo. Malaking dahilan ang “machismo” kung bakit maraming kalalakihan ang hindi lumalahok at pumapayag sa family planning at maging sa tamang pag-aruga ng mga anak. Mahalaga ring pag-usapan ang iba’t ibang klase ng Pinoy machismo at kung paano nabubuo ang mga ito dahil naipapaliwanag nito ang kasalukuyang pagtrato sa kababaihan. Makikitang nag-ugat ito sa edukasyon ng mga lalakeng Pilipino, at sa realidad na marami sa kanila ay anim na taon pababa lamang ang ginugol sa paaralan dahil kailangan na nilang magtrabaho.

Para naman kay Dr. Camilio Naraval, nararapat lamang na hikayatin ang mga kalalakihan na makialam sa Sexual & Reproductive Health dahil karamihan sa mga posisyon sa gobyerno ay hawak ng mga lalake. At maging sa loob ng tahanan—sila ang pangunahing gumagawa ng desisyon. Sila rin ang may hawak ng pitaka at manibela upang dalhin sa ospital ang asawa o anak na nangangailangan ng atensyon. At aminin na natin, ang mga lalake ay kilyente rin ng SRH services. Binigyang diin ni Dr. Naraval na magbubunga ng maganda kung puntiryahin ang mga kalalakihan sa pagsulong ng gender equality at reproductive health. Isang halimbawa ang Men’s Responsibility in Gender and Development o MR. GAD project sa Davao, kung saan mga lalake mismo ang kumikilos upang maipalaganap ang respeto at tamang pag-aruga sa kababaihan at kabataan.

Sangayon naman si Dr. Sylvia Estrada-Claudio na panahon na upang tignan ang mga kalalakihan na katuwang at hindi hadlang sa Sexual & Reproductive Health. Hindi lang dahil kailangan din ng mga lalake ang serbisyong-pangkalusugan, kundi dahil karapatan din nila ito.

Hindi katulad sa Dolphy-Panchito movie, walang takas ang kalalakihan sa Sexual & Reproductive Health. Dahil sila ay tao. Dahil sila ay lalake. Dahil sila ay asawa, ama, lolo, tiyo, kapatid at kaibigan. Dahil sa lahat ng papel na ginagampanan nila, apektado rin sila sa mga nangyayari sa pamilya at sa lipunan. At dapat, maging katuwang sila sa pagdesisyon at aksyon.

(Katulad ng naipangako ko, eto ang kadugtong ng eksena sa pelikula: Dumating si Dolphy at Panchito. Dumiresto si Dolphy sa opisina ng doktor na kanyang nililigawan habang si Panchito ay naupo sa waiting area. Saktong lumabas ang nars na magbibigay ng pampatulog at anesthesia. Napagkamalan niyang si Panchito ang asawa ng buntis at ito ang tinurukan ng pampatulog. Lumabas si Panchito sa operating room na lango, galit at di na pwedeng magka-anak.)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *