Ni Eva Calllueng
Hindi na bago ang ganitong usapin. Ang bago sa kwento ay iniwan ito sa isang panghimpapawid na sasakyan kung saan kagyat na nakaani ng kaliwa’t kanang opinyon mula sa madla ang pag-iwan. Gaya ng nabanggit, paulit-ulit lang ang ganitong pangyayari kung saan halos isang fetus o sanggol na ang iniiwan kada linggo sa harap ng simbahan, bahay ng isang maykaya at kilalang may mabuting puso, motel o hotel at basurahan. Ang iba ay hindi na natin nalalaman sapagkat mangilan-ngilan lang gaya ng mga naiuulat ang makakarating sa ating kaalaman. Pihado kung seseryosin ang isyung ito, kalahating oras sa primetime news ang maaaring magugol upang ibalita ang kaliwa’t kanang pag-iiwan ng fetus o sanggol sa kabuuang teritoryo ng bansa.
Madalas sa mga kwento ang nalalaman lang natin ay iniwan sila pero hindi natin itinatanong o ipiniprisinta ang dahilan kung bakit may mga ganitong paulit-ulit na pangyayari. Kahit araw-arawin pa tayo ng midya sa ganitong isyu, tila nagiging manhid tayo sa tunay na kalagayan ng kababaihang Pinoy na ang alam lang natin ay sisihin at tuligsain sa ginawang ‘karumal-dumal.’ Ni wala na tayong panahong alamin ang kanyang dahilan sampu ng kanyang mga kapwa kababaihang nalalagay sa kalagayang ayaw man lang seryosong tugunan ng gobyernong ating inaasahan.
Totoong 400,000 ang kaso ng aborsyon kada taon. Nasa 25 ang namamatay na sanggol sa bawat 1,000 buhay na ipinapanganak. At 10-12 ang kababaihang namamatay kada araw bunga ng komplikasyon sa pagbubuntis at iba pang sitwasyon.
Sa mga resulta ng mga pag-aaral at istatistikang ipinapakita sa bawat kumperensiyang may kinalaman sa sekswal at reproduktibong kalusugan ng mga Pilipino, nakakaalarma ang mga isinasaad dito at nakalulungkot na walang kumprehensibong pambansang batas ang tumatalakay dito upang kagyat na kumilos sa mga nabanggit na isyu. Ang malinaw, sa kabila ng kaliwa’t kanang rekomendasyon upang resolbahin ang mga isyu, tila nagiging manhid ang gobyerno sa pagkilos nito upang dagliang kumilos sa panlipunang isyu, na sa bawat araw ay kumikitil ng buhay ng mga kababaihang Pilipino na alam naman nating lahat ay maaaring naiwasan at nabawasan sa patuloy na pagtaas ng kaso.
Kung pagninilay-nilayin, mas karumal-dumal ang hayaan silang malugmok sa ganoong sitwasyon, lalo pa’t may mga epektibong pamamaraan upang maiwasan ang pag-iwan sa mga tulad ni Baby George. Sundin natin ang lohikang ito, kung ang pagbubuntis ay planado, bababa ang bilang ng kaso ng aborsyon at dahil hindi lahat ng pagtatalik ay nagnanais ng pagbubuntis (sa ayaw natin o gusto), mainam na alam natin at may access tayo sa mga pamamaraang epektibo base sa ating pagpapahalaga. Hindi natin dapat malimutan na ang pagpapahalagang iyon ay base sa ating interpretasyon ng relihiyon at paniniwala at hindi dikta ng kahit na anong dominanteng sektor. Ibig sabihin, kahit pa tayo napapabilang sa dominanteng paniniwala, kung ang interpretasyon natin ng pagpapahalaga ay iba sa sinasabi ng hirarkiya ay responsibilidad ng pamahalaan na tugunan ito gamit ang perspektibo ng karapatan sa impormasyon at malayang pamimili para sa pansariling kabutihan.
Kung available ang mga makabagong kaalaman para maiwasan ang hindi nakaplanong pagbubuntis o kahit sabihin na nating nakaplano ito, maiiwasan sana natin ang kamatayan ng ilang kababaihang hindi nagnais magbuntis. Subalit, walang sapat na pinansiyal na pagkukunan upang paanakin ng isang trained birth attendant at malampatan ng lunas sakaling makaranas ng matinding pagdurugo (hemmorrhage) na siyang nangungunang dahilan ng kamatayan ng mga nanay sa bansa. Kung may comprehensive reproductive health policy, maiiwasan natin ang terminasyon ng pagbubuntis dahil napaghandaan ang prosesong ito at ang isyu ay maaaring umangat sa lebel na ipinagpapatuloy ang mga di ninais na pagbubuntis. Subalit muli, nakaagapay ang ahensiya ng gobyerno o mga NGO upang maging maayos ang pagluluwal nito at pangangalaga sa sanggol hanggang sa ito ay makatagpo ng bagong magulang o pamilyang magpapalaki sa kanya.
Malinaw ang isyu, maging ang napapanahong adbokasiya para pangalagaan ang ating mga kababayan. ‘Walang babae ang dapat mamatay sa kanyang pagsilang ng buhay sa mundo,’ at kaakibat nito, ‘Walang sanggol ang dapat na mamatay dahil hindi sapat ang mga payak na kagamitan sa paligid niya upang siya ay mabuhay, at walang sanggol o fetus ang dapat na iniiwan o itinatapon dahil hindi siya ginusto o pinlano.’ Kung available ang kaalaman sa makabagong pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya at seryoso ang gobyerno sa pagtupad sa tungkulin nito, sigurado akong mas gulat at pagtataka pa sa maaaring naging dahilan ang una nating mararamdaman kapag may balitang kagaya ng kay *Baby George.
*para sa mga kagaya ni Baby George na walang muwang at kasalanan.
One Comment on ““Bakit may mga Baby George?””
Pingback: Bakit may mga Baby George? | The Pro Pinoy Project