Ni Liwliwa Malabed
Malimit nating marinig ito mula sa mga matatanda pero isa itong realidad sa Pilipinas, kung saan labing-isang kababaihan ang namamatay araw-araw dahil sa mga kumplikasyong dala ng pagbubuntis.
Maraming itinuturong dahilan. Isa dito ang kakarampot na 2% budget ng pamahalaan para sa kalusugan. At syempre, dahilan din na hanggang ngayon wala pa rin tayong komprehensibong reproductive health policy.
Labing-limang taon nang isinusulong ang Reproductive Health bill. Kung naging tao nga ang RH bill, teenager na siya ngayon—pwedeng-pwede nang makipagtalik at mabuntis. Ngunit kahit hindi naging prioridad ang RH bill sa mga nakaraang Kongreso, patuloy pa rin ang laban ng mga sumusuporta dito sa pangunguna ng Democratic Socialist Women of the Philippines (DSWP). Ang DSWP ay isang NGO na may 157 kalahok na organisasyon na naglalayong isulong ang mga karapatan ng kababaihan.
Isang Orientation on the Reproductive Health Bill ang inorganisa ng Democratic Socialist Women of the Philippines sa tulong ng Reproductive Health Advocacy Network (RHAN) na dinaluhan ng 111 participants noong ika-13 ng Agosto sa Adarna Food and Culture, Quezon City.
Nagsalita sa orientation sina Atty. Elizabeth Pangalangan, Executive Director ng Reproductive Health Rights and Ethics Center for Studies and Training (ReproCen), Larah Lagman, Chief of Staff ni Hon. Edcel Lagman, Ramon San Pascual, Executive Director ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development Foundation (PLCPD), at Elizabeth Angsioco, National Chairperson ng DSWP.
Ayon kay Atty. Pangalangan, nakapaloob sa ating batas (1987 Philippine Constitution) ang karapatan ng bawat Pilipino na magplano ng kanilang pamilya. Sa pamamagitan din ng Magna Carta of Women, bawat babae ay may karapatan sa reproductive health care at mga serbisyong kalusugan na kaakibat nito. Ang mga karapatang ito ay maibibigay ng Reproductive Health Bill.
Binigyang-linaw ni Lagman ang mga maling paniniwala sa Reproductive Health Bill. Ang RH Bill ay hindi lamang tungkol sa sex, education, family planning at contraceptive. Tungkol ito sa kalusugan, karapatan at sustainable human development. Ang RH bill ay hindi anti-life, ito ay pro-quality life. Hindi rin 2-child policy ang RH bill, hindi nito ipinagbabawal ang pagbubuntis at lalong hindi niya gagawing legal ang abortion. Hindi pinapaboran ng RH bill ang contraceptive use. Sa halip, binibigyan nito ng karapatan ang mga magkapareha na pumili ng angkop na family planning method—kung natural ba o modern.
Kumpyansa naman si San Pascual na maipapasa na ang RH bill. Ayon kay San Pascual, mas maraming Pilipino ang mulat na sa pangangailangang planuhin ang pamilya at ang lipunan. Malaking porsyento rin ng populasyon ang naghahangad ng pagbabago na matutugunan ng komprehensibong reproductive health policy. Malakas din ang suporta mula sa Kongreso at Senado.
Inilahad ni Angsioco ang mga paraan para makatulong sa mas mabilis na pagpasa ng RH bill. Kailangang patuloy na himukin ang mga mambabatas na suportahan ito, bantayan ang progreso nito sa kamara, pagsali sa mga diskusyon at mobilisasyon at pagpapalaganap ng tamang impormasyon ukol sa RH Bill. Malaking bagay din ang pagpapahayag ng suporta sa pamamagitan ng pagpirma sa signature campaigns tulad ng Declaration of Support for the Immediate Passage of the Reproductive Health Bill into Law.